Isa si Kelvin Miranda sa mga artista ng Kapuso network na nabibigyan ng magandang break ngayon.
Ang pinakahuling big project niya sa GMA-7 ay ang Encantadia Chronicles: Sang’gre, kung saan gumanap siya bilang isa sa mga pangunahing karakter, si Adamus.
Nasa pangangalaga siya ng Sparkle GMA Artist, ang talent management arm ng Kapuso network.
Pero bago siya mapansin at mabigyan ng projects ng GMA-7, una muna siyang nag-audition sa isang Kapamilya reality TV show at nag-workshop pa sa Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.
Read: Kelvin Miranda, Joao Constancia reveal most expensive purchases
KELVIN OPENS UP ABOUT HIS AUDITION, ACTING WORKSHOPS IN ABS-CBN
Pagbubunyag ni Kelvin, nag-audition siya sa Pinoy Boyband Superstar, ang 2016 reality singing competition ng ABS-CBN para maghanap ng miyembro ng isang boyband.
Sa katunayan, nakapasa raw siya sa audition process.
“Natanggap ako diyan, e, sa Pinoy Boyband. Kaya lang nung tinatawagan na ako para pumunta, hindi ako tumuloy,” rebelasyon ni Kelvin sa PEP Live interview noong August 25, 2026.
“Kasi naghe-hesitate ako. Kasi parang gusto kong ituloy yung pag-aaral ko, gusto kong ituloy yung ginagawa kong personal.”
Sabi ng Kapuso actor, hindi pa niya alam noon kung ano ang gusto niyang gawin.
“Parang natatakot ako, yung ganoon ang feeling ko, na wala pa akong tiwala sa sarili ko kaya hindi ako tumuloy.
“Parang hindi pa ako ganoon kaseryoso, kasi ang main purpose at main objective ko is kumita lang ako ng pera.”
Bukod pa rito, sumailalim din daw siya sa acting workshops ng Star Magic.
“I trained in Star Magic before… workshops… pero naging ganoon pa rin yung problema ko dahil sa hesitant ako.
"Hindi ko siya nako-comply nang maayos, bukod sa absent ako. Basta’t laging may reason kapag hindi ka pa sigurado.”
Nakasama pa siya sa Star Cinema movie na Vince and Kath and James (2016), kung saan gumanap ng minor role.
Pagsapit ng 2018 o 2019, mas naging sigurado na raw si Kelvin at nagseryoso sa pag-o-audition.
“Sinubukan kong magsigurado. Audition ako dito, audition ako diyan… Lahat ng puntahan ko, nag-audition, hanggang sa hindi ko inakala na mapupuntahan ko yung nasaan ako ngayon.”
Nabigyan ng acting projects si Kelvin sa bakuran ng GMA-7.
Ang unang pinakamalaking break niya ay ang drama series na The Lost Recipe, na ipinalabas sa sister network ng GMA-7 na GTV noong 2021.
Sa parehong taon, bumida si Kelvin sa Stories from the Heart: Loving Miss Bridgette katambal si Beauty Gonzalez.
Siya rin ang pinakaunang lalaking Sang’gre sa Encantadia.
Sabi ni Kelvin sa kanyang nararating, “Hindi ko sinasabing malayo na. Malayo na, oo, pero alam kong may layo pa yung gusto kong puntahan.”
Binanggit ni Kelvin sa PEP Live interview na mayroon siyang upcoming teleserye sa kanyang home network ngunit hindi siya nagbigay ng detalye.
Read: Remember Chef Heny Sison? Where is she now?
KELVIN BEATS COCO, SHARON, JODI, BEA FOR A FAMAS AWARD
Isang karangalan din ang natanggap ni Kelvin sa inaugural FAMAS Broadcast Awards na ginanap noong Hulyo 2025.
Siya ang nanalo sa kategoryang Best Performer in Series/Anthology para sa role niya sa Sang’gre.
Tinalo ni Kelvin sa category ang heavyweights tulad nila Coco Martin, Bea Alonzo, Jodi Sta. Maria, at Sharon Cuneta.

“Hindi ko naman talaga itinatanggi na sobrang tuwa ko noon, nung mga oras naiyon. Napamura pa nga ako,” nakingiti niyang sabi.
“Kasi siyempre, tanyag na ang pangalan ng mga nakalinya doon mismo noong gabi na yon.”
Ayon kay Kelvin, alam niyang hindi siya ang pinakamagaling lalo pa't mahuhusay ang mga kapwa niya nominees.
Naniniwala siyang may nakita marahil sa kanya ang mga hurado na swak sa hinahanap nila kaya siya napansin.
“Hindi ko naman sasabihin na mas magaling ako kay Sir Coco. Hindi ko naman sasabihin na mas magaling ako kay Megastar, kay Miss Bea Alonzo, kina Miss Jodi Sta. Maria na idol ko.
"Hindi naman pwedeng sabihin na magaling ako sa kanila. Nagkataon lang na ako ang napansin," sabi niya.
Malaking karangalan na raw para sa kanya na mahilera sa mga kapwa niya nominado na pawang magagaling na aktor.
