Nagsilbing reunion ng Pinoy Dream Academy alumni na sina Yeng Constantino at RJ Jimenez ang pangalawang gabi ng solo concert ni Yeng na ginanap sa Smart Araneta Coliseum nitong Sabado, August 29, 2026.
Ang two-night concert na pinamagatang Biyaheng Bente ay pagdiriwang ng 20th anniversary ng singing career ni Yeng.
Malaking parte ang ABS-CBN singing reality show na Pinoy Dream Academy sa career ni Yeng dahil dito siya unang nakilala ng publiko matapos siyang tanghaling Grand Star Dreamer sa inaugural season ng programa noong 2006.
Katulad ni Yeng, naging tulay rin ang Pinoy Dream Academy para makapasok sa mundo ng showbiz si RJ, bagamat hindi siya pinalad na manalo.
Naging daan din ang programa para magkaroon ng espesyal na koneksiyon sina Yeng at RJ, bagay na napag-usapan ng dalawa sa concert ni Yeng kagabi.

Read: Heart Evangelista vs. "clean money" issue: A timeline
RJ TO YENG: "PASINTABI LANG SA HUSBAND MO."
Naging sentimental si RJ habang inaalala ang hirap na pinagdaanan nila ni Yeng sa pagnanais makamit ang kanilang mga pangarap.
"Magkasama tayong nagsimula, magkasunod tayo sa pila sa Pinoy Dream Academy. Pumila tayo nang pagkatagal-tagal hanggang sa kahuli-hulihan na makapasok tayo sa Academy," pagbabalik tanaw ni RJ.
Maging ang pagkakaroon ng solo concert sa malaking venue ay pangarap lang dati, ayon kay RJ.
"You did it, you did it, congratulations. I'm deeply happy for you," bati ni RJ kay Yeng.
Sa kabila ng malalim na pinagsamahan nila ay inamin ni RJ sa mga manonood na ilang taon na rin siyang walang komunikasyon kay Yeng.
"For so long, I have to be honest, and I have to say this very sincerely to you: We've never spoken for 18 years, and we both know, parehas nating hindi alam [kung] anong nangyari," sambit ni RJ habang hawak ang kamay ni Yeng.
Bagamat hindi malinaw batay sa kuwento ng dalawa, lumalabas na nagkaroon ng pagtingin sa isa't isa sina Yeng at RJ, subalit naudlot ang tsansa nilang maging magkasintahan.
Sa katunayan ay nagpasintabi pa si RJ sa asawa ni Yeng bago magkuwento at sinabi rin nitong may "clearance" ng kanyang misis ang kanyang mga sasabihin.
Read: Heart Evangelista vs. "clean money" issue: A timeline

YENG'S FUNNY RECOLLECTION
Ibinunyag ni Yeng na pinagselosan niya ang manager ni RJ, na naging dahilan para hindi niya kausapin si RJ.
Kuwento ni Yeng: "Sobra akong nagselos at sobra akong ma-pride.
"Sabi ko sa sarili ko, 'Pag ito [RJ] talaga sinagot sa akin, 'Wala akong ginagawang masama,' hindi ko na 'to papansinin forever.'"
Kuwelang dugtong ni Yeng, "Yun nga ang sinabi!
"Paano ko babawiin ang aking pangako sa sarili? E, may ganun kami sa pamilya, di pa, Papa?
"You have to honor your word. Pag sinabi mo, gawin mo. E, nasabi ko.
"Kahit gusto ko siya, hindi ko siya pinansin."
Pagpapatuloy ni Yeng na umani ng hiyawan at halakhak: "But you know what, napangasawa niya yung manager niya."
Ang tinutukoy ni Yeng ay ang misis ni RJ na si Tin Rodriguez.
Sa puntong ito ay hinawakan ni RJ ang kamay ni Yeng.
"Gusto kong mag-sorry sa yo," bulalas ni RJ kay Yeng.
"For the longest time, sobra kong nagalit sa yo. Hindi ko alam kung anong nangyari pero nagalit talaga ko sa yo."
Sagot naman ni Yeng, "Alam ko, alam ko kung bakit, kasi sineen zone kita, parang si Ryan Bang."
YENG SERENADES RYAN FOR CLOSURE
Matatandaang naging viral noong January 2022 ang guesting ni Yeng sa It's Showtime matapos na mabunyag na muntik na silang maging magkasintahan ni Ryan.
Read: Yeng Constantino, Ryan Bang put closure to their "love story"
Isa si Ryan sa mga host ng nasabing noontime show.
Sa segment ng programa na "Tawag ng Tanghalan" ay nabunyag na nanligaw si Ryan kay Yeng noong 2010.
“Hindi kita binasted. Hindi kita binasted noon," paglilinaw ni Yeng.
Ani Yeng, bigla na lang tumigil sa pagparamdam si Ryan kaya inisip niyang nawalan na ng interes sa kanya ang binata.
Sa kabilang banda naman ay kumbinsido si Ryan na hindi siya tipo ni Yeng, kaya minabuti na lang niyang huminto sa panliligaw sa singer-songwriter.
Ilang taon matapos maudlot ang sana'y pag-iibigan nina Ryan at Yeng ay nagpakasal ang huli noong 2015 sa kasintahan nitong si Yan Asuncion.
Si Ryan naman ay na-engage noong 2024 sa negosyanteng si Paola Huyong, subalit nauwi sa hiwalayan ang relasyon ng dalawa nitong January 2026.
Kagabi ay isa si Ryan sa mga celebrity na nanood ng concert ni Yeng.
Pinakilig ng dalawa ang mga manonood nang haranahin ni Yeng si Ryan sa pagkanta ng awiting "Sabihin Mo Na" ni Top Suzara.