Nahaharap sa 124 counts ng qualified theft ang nakatatandang kapatid ni Kim Chiu na si Lakambini "Lakam" Chiu kaugnay ng umano’y pagkuha ng PHP44.396 million na corporate funds ng kanilang kompanyang House of Little Bunny Philippines, Inc. (HOLB).
Ito ang naging finding ng Office of the City Prosecutor of Quezon City matapos suriin ang mga salaysay at ebidensiyang isinumite kaugnay ng reklamo ni Kim laban sa kapatid.
Batay sa 21-page resolution ng piskal na natanggap ng PEP.ph at may petsang Setyembre 1, 2026, pormal na hinainan ng criminal Information si Lakam noong Hulyo 15, 2026.
Idinetalye sa resolution ang mga salaysay nina Kim, Lakam, at personal accountant ni Kim na si Helena Tayag.
May kinalaman ang kaso sa binuong kumpanya ni Kim, ang House of Little Bunny Philippines, Inc. (HOLB), isang fashion brand ng handbags na ang karaniwang presyo ay above PHP4,000.
Read: Kim Chiu sues sister Lakam for qualified theft
KIM CHIU STATEMENT AS SEEN IN FISCAL'S RESOLUTION
Unang tinalakay sa resolution ng Office of the City Prosecutor ang salaysay umano ni Kim.
Inilahad ng aktres na siya ang exclusive dealer sa Pilipinas ng Thailand-based fashion brand mula noong October 2022.
Dahil sa hectic schedule ng actress-TV host, si Lakam daw ang naging katuwang niya sa pag-aasikaso ng negosyo.
Pormal na itinatag ang korporasyong HOLB Philippines noong January 31, 2023.
Ayon kay Kim, siya ang presidente at majority stockholder. Nag-invest siya rito ng capital stock na nagkakahalaga ng PHP800,000.
Kasosyo raw niya si Lakam na nag-invest sa kumpanya ng PHP200,000.
Si Lakam umano ang itinalagang "treasurer and general manager."
Bumuo raw sila ng dalawang joint bank accounts para sa mga lehitimong transaksiyon na may kinalaman sa HOLB Philippines.
Isa rito ay checking account na ginagamit sa pagbayad ng kanilang operation expenses, at isang corporate savings account kunsaan dinedeposito ang income ng kumpanya.
Si Lakam umano ang nag-propose kay Kim na hindi maaaring mag-withdraw ng pera sa joint accounts nila nang walang mutual approval.
At dahil nakapokus si Kim sa trabaho nito bilang artista, si Lakam umano ang karaniwang gumagamit ng bank accounts para sa pag-deposit, pag-withdraw, at pag-transfer ng pondo para sa kanilang negosyo.
Tiwala si Kim sa nakatatandang kapatid na inasahan nitong mag-asikaso ng HOLB Philippines Inc.
Pero nalagay sa alanganin ang relasyon ng magkapatid.
Noong May at June 2025 unang nadiskubre raw ni Kim ang "unusually large withdrawals" mula sa bank accounts ng HOLB Philippines, Inc.
June 23, 2025 nang mapansin ni Kim na umabot ng PHP1.8 million ang "online transfers" mula June 10-16, 2025.
Dahil tanging si Lakam daw ang may access sa kanilang joint accounts, kinumpronta umano ito agad ng aktres.
Humingi raw ng paumanhin si Lakam at nangakong ibabalik ang pera.
Pero ayon kay Kim, walang malinaw na eksplanasyong naibigay sa kanya si Lakam noon.
Nagningas ng sigalot sa pagitan ng magkapatid nang matuklasan umano ulit ni Kim, noong July 2025, na mula sa PHP9 million na balanse sa kanilang checking account ay naging PHP4,022.19 na lamang ito.
Nakita raw niyang umabot sa PHP2,796,000 ang kuwestiyonable umanong bank transactions mula July 18-23, 2025.
Kinumpronta raw ulit ni Kim si Lakam.
Inamin umano ni Lakam na kumuha ito ng pera mula sa joint bank accounts ng kanilang kumpanya.
Noong araw ring iyon ay ibinalik daw ni Lakam ang halagang PHP2 million.
Pero ayon pa rin kay Kim, hindi iyon sapat dahil may iba pa raw siyang natuklasang nawawalang pera sa kanilang bank accounts.
Personal na nagkita ang magkapatid noong July 26, 2025.
Waring nagbigay ng ultimatum si Kim kay Lakam na bayaran ang kinuha umano nitong pera sa loob ng isang linggo.
Diumano, sa puntong ito umamin si Lakam na ang "unauthorized withdrawals and transfers" sa kanilang bank accounts ay ginamit niya sa "gambling" sa "casino" at pambayad ng "personal debts."
May mga saksi raw sa usapang ito ng magkapatid, base pa rin sa salaysay ni Kim na nakasulat sa resolution ng piskal.
Bukod sa diumano'y iregularidad sa kanilang negosyo, inakusahan din ni Kim si Lakam na na-mishandle daw nito ang hindi pagbayad sa tamang oras ng tax obligations ng aktres sa kabila ng makailang-beses na paalala rito.
Nadawit sa isyu si Helena Tayag, na sa pagkakalaam ng aktres ay kanyang personal accountant at siya ring corporate accountant ng HOLB Philippines, Inc.
Wala raw maibigay si Tayag na "financial statements" ng kumpanya.
Dito nagdesisyon ang aktres na paimbestigahan sa kanyang mga abogado ang lahat ng transaksiyon sa dalawang joint bank accounts nila ni Lakam para sa HOLB Philippines Inc.
Ni-review ang mga transaksiyon sa dalawang bank accounts para sa mga petsang October 2022 hanggang July 2025, o mula sa buwang itinatag ang negosyo ng magkapatid hanggang sa buwan kung kailan personal na kinompronta ni Kim si Lakam.
Diumano, umabot sa higit PHP69 million ang "unauthorized withdrawals and transfers" sa checking account at corporate savings account ng HOLB Philippines Inc.
Nakita raw ng mga abogado ni Kim na marami umanong pinirmahang tseke si Lakam na payable sa sarili nitong bank account o di kaya ay sa bank account ng Julie's Bakeshop franchise na pag-aari nito.
Si Kim umano ang nagbigay ng franchise na iyon kay Lakam.
Lumabas din umano sa imbestigasyon ng mga abogado ni Kim na ang ibang withdrawal ng pera ay nangyari sa dalawang kilalang malaking casino sa Metro Manila.
Sa tingin ni Kim, tugma ito sa diumano'y pag-amin ni Lakam na ginamit nito ang corporate funds sa "gambling"
Sa puntong ito ay lawyer-to-lawyer na ang usapan ng magkapatid.
September 1, 2026, abogado na raw ni Kim ang nag-demand kay Lakam na bayaran ang halagang PHP69 million.
Bilang sagot, mariing itinanggi raw ng abogado ni Lakam ang alegasyong may unauthorized transactions ito.
Katuwiran pa raw ng kampo ni Lakam, walang utang ang HOLB Philippines sa sinumang suppliers, employees, at Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs.
Pero base pa rin sa salaysay ni Kim, na nakasaad sa resolution ng fiscal, walang naibigay na eksplanasyon si Lakam sa "unauthorized transactions" nito.
Kaya hiningi raw ni Kim kay Tayag na ibigay lahat ng corporate documents ng HOLB Philippines para sa isinasagawa niyang imbestigasyon.
Nagpaimbestiga rin ang aktres sa isang auditing firm, na nagbigay ng hiwalay na findings sa statement of accounts sa joint bank accounts ng magkapatid.
Natuklasan umano ng auditing firm na ang lehitimong expenses ng HOLB Philippines ay nagkakahalaga ng higit PHP5.5 million para lamang sa taong 2025.
Pero umabot umano ng PHP36.65 million ang "missing, unaccounted, or potentially misappropriated funds."
Makikita sa salaysay ni Kim, na nakalagay sa resolution ng fiscal, ang breakdown ng lahat ng bank transactions na kinukuwestiyon nito at inuugnay kay Lakam.
Makailang beses daw na hiningi ng kampo ni Kim na ibalik ni Lakam ang nawawalang pondo o kaya ay magbigay ito ng "satisfactory explanations."
Pero nabigo raw si Kim.
Dito na nagpasya ang aktres na idemanda ang kapatid na si Lakam.
Read: Kim Chiu and sister Lakam unfollow each other on Instagram

LAKAMBINI chiu STATEMENT as seen in fiscal's resolution
Mariing pinabulaanan ni Lakam ang alegasyong qualified theft ni Kim.
Base ito sa nakasaad na salaysay ni Lakam sa resolution ng Office of the City Prosecutor ng Quezon City.
Ayon sa kanyang salaysay, hindi siya treasurer at general manager ng HOLB, kundi corporate secretary ng HOLB Philippines.
Itinanggi rin ni Lakam ang pahayag ni Kim na siya ang in-charge sa "safekeeping of corporate funds, management of the company's daily and overall operations, supervision of staff, procurement of supplies, and ensuring compliance with government operations."
Ayon kay Lakam, hindi lang para sa operational expenses ng HOLB Philippines ang pera sa joint bank accounts nila ni Kim.
Nagkasundo rin daw sila ni Kim na maaari itong gamitin sa ibang "business ventures" nila.
At dahil joint bank accounts ang gamit nila sa HOLB, hindi raw kailangan ng authorization kung sino man sa kanila ang may transaksiyon rito.
Kaya raw hindi tamang sabihin na "unauthorized" ang withdrawals at online transfers na ginawa niya.
Hindi rin daw accurate ang findings ng auditing firm, dahil hindi umano kumpleto ang record at dokumentong nirebyu nito.
Depensa pa ni Lakam, ginamit niya ang pera para sa "junket" o "business venture" nito sa mga casino para palaguin ang pera ng kumpanya nila ni Kim.
Ginamit daw ang pera bilang pondo ng private casino rooms para sa operasyon nito at para sa pagbayad sa players. Mayroon daw kasing "2-3" percent daily interest na makukuha ang investor.
Pero nabigo umano ang business venture ni Lakam, at hindi na niya mabawi ang perang na-invest niya.
Paliwanag din ni Lakam, kaya siya humingi ng sorry kay Kim ay dahil sa kahihiyan niya sa nabigong investment; hindi dahil inaako niya ang alegasyong kumuha siya ng pera nang wala permiso sa kanilang joint bank accounts
Mariin ding itinanggi ni Lakam ang alegasyong ginamit niya ang pera pansugal sa casino.
Mali raw ang interpretasyon ni Kim sa sinabi niyang ginamit niya ito sa pinasok niyang "junket" o negosyo umano sa mga casino.
Reklamo rin ni Lakam, iisang bahay sila nakatira ni Kim sa loob ng 15 taon pero hindi raw siya pinayagang makapasok sa bahay nila mula nang idemanda siya ng aktres.
Hindi raw ibinigay sa kanya ang iba niyang personal na gamit kabilang ang kanyang passport.
Inireklamo rin ni Lakam ang aniya'y paghain ni Kim ng reklamo sa piskal na may kasamang media coverage, sanhi para lubusan daw siyang mapahiya sa publiko.
Isa pang kinuwestiyon ni Lakam ang misrepresentation umano ni Kim na ang HOLB Philippines ay "one person corporation" at itinalaga ang sarili bilang presidente at treasurer.
Walang nabanggit sa Resolution kung kailan nangyari ang sinasabing ito ni Lakam.
Pero binanggit sa salaysay niya sa resolusyon ng piskal na kinukuwestiyon ni Lakam kung lehitimo ang paghain ni Kim ng reklamong qualified theft "on behalf of HOLB."
Ibang taong nagpakilalang corporate secretary raw kasi ang pumirma sa certification para rito, gayong siya raw ang corporate secretary ng kumpanya.
Diin pa ni Lakam, siya ay "co-owner, incorporator, director, at shareholder" ng HOLB kaya may karapatan siya sa corporate bank accounts na parehong nakapangalan sa kanila ni Kim.
Sinabi rin ni Lakam na hindi niya responsibilidad ang magbayad sa tax ni Kim. Katuwiran niya, trabaho raw ito ng accountant na si Tayag.
Itinuro ni Lakam si Tayag bilang accountant umano ng HOLB Philippines, at idiniing wala silang direktang komunikasyon rito at hindi rin malapit na nagkatrabaho.
Read: What it took to bring SB19 to Lollapalooza—and what comes next
STATEMENT OF HELENA TAYAG AS SEEN IN FISCAL'S RESOLUTION
Nakasaad din sa resolusyon ng piskal ang pagsusuma sa panig ni Helena Tayag.
Sa kanyang salaysay, mariing pinabulaanan ni Tayag ang alegasyong kasabwat siya sa "conspiracy, indispensable cooperation, concealment, or participation" sa sinasabing mga hindi awtorisadong transaksiyon sa coporate bank accounts ng HOLB Philippines.
Paliwanag niya, hindi siya corporate accountant ng kumpanya.
Hindi raw siya kailanman nagtrabaho bilang empleyado, hindi bahagi ng payroll, at wala ring awtoridad sa anumang pinansiyal na operasyon nito.
Ayon pa kay Tayag, siya ay personal accountant ni Kim sa loob ng higit 11 taon.
Siya raw ang naghahanda at nagsusumite ng personal tax returns ng aktres nang walang aberya sa loob ng panahong iyon.
Wala raw siyang hinahawakang pera, liban sa natatanggap niyang monthly retainer fee bilang personal accountant ni Kim.
Ang nagbabayad daw ng tax ni Kim ay si Lakam via online payments sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Taliwas sa salaysay ni Lakam, sinabi ni Tayag na si Lakam at ang road managers ni Kim ang direkta niyang nakakausap kaugnay ng trabaho niya.
Bihira raw niyang makausap si Kim, na apat na beses lang daw niyang personal na nakita sa loob ng mahabang panahon niyang pagtatrabaho rito.
Ipinaliwanag din ni Tayag na in-assist lang daw niya si Lakam sa paghanda ng mga dokumento para mairehistro bilang korporasyon ang HOLB Philippines, Inc. sa BIR noong January 2023.
Ilang beses pa raw pinaalalahanan ni Tayag si Lakam na mag-hire ng corporate accountant sa HOLB Philippines, Inc.
Para raw sana may mag-asikaso ng pasuweldo sa mga empleyado, permit, at tax obligations ng kumpanya.
Pero permit lang daw ang kinuha ni Lakam at hindi nag-hire ng corporate accountant.
Dahil sa "utang na loob" niya bilang personal accountant ni Kim, tumulong daw siya sa pag-file ng tax ng kumpanya para hindi ito magkaroon ng penalty at hindi mapahiya sa publiko.
Pero wala raw siyang tinanggap na suweldo para roon.
Idiniin pa ni Tayag na wala siyang hinawakang pera at wala rin siyang access sa corporate bank accounts para sa boluntaryong pag-asikaso niya sa binayarang buwis ng kumpanya.
Ipinadala lang daw sa kanya ang datos kaugnay ng sales ng HOLB Philippines, Inc. via Viber at e-mail, at siya ang nag-ayos ng dokumentong ipinasa sa BIR.
Pero ang staff daw ng kumpanya ang direktang nagbayad nito sa banko para sa BIR.
Nilinaw pa ni Tayag na hindi niya trabaho ang ihanda ang "financial statements, balance sheets, income statements, at cash flow reports" ng kumpanya nina Kim at Lakam.
At wala raw siyang awtoridad para ma-access ang mga dokumento para gawan ito ng report.
Katuwiran pa niya, kung ano man ang "deficiencies, inconsistencies, or missing financial records" ay hindi maaaring isisi sa kanya dahil hindi nga siya empleyado ng kumpanya.
Bunsod nito, wala raw basehang kasuhan siya ng qualified theft.
Read: Nikki Valdez recalls decision to separate from ex-husband
RESOLUTION ON KIM CHIU QUALIFIED THEFT COMPLAINT
Matapos isuma ang salaysay ng mga sangkot sa isyu, nagdesisyon ang Office of the City Prosecutor ng Quezon City na may basehan para kasuhan ng qualified theft si Lakam.
Present daw ang anim na elemento para sa qualified theft: pagnanakaw ng personal property, pag-aari ang property ng ibang tao, may intent na makinabang, ang pagnanakaw ay nagawa nang walang karahasan o pananakot sa pinagnakawan, at ang pagnanakaw ay may halong "grave abuse of confidence" o naabusong tiwala ng taong pinagkunan nito.
Sinabi ng piskal na bilang co-incorporator at corporate secretary ng HOLB Philippines Inc., ang posisyon ni Lakam ay may kalakip na "trust and confidence" ng kanyang kapatid na kasosyo niya sa negosyo.
Dahil din daw sa posiyong iyon, may authorization siya para ma-access ang kontrol at pangangalaga sa joint corporate bank accounts nila ni Kim.
Kaya kasabay nito ay may legal na obligasyon siyang protektahan at magamit ang pondo ng kumpanya para sa "legitimate corporate expenses."
Base sa imbestigasyon ng piskal, ang mga pondo sa dalawang bank accounts ay bahagi ng "sales and revenues" ng HOLB gawa ng business operations nito.
Ibig sabihin daw nito, pag-aari ng HOLB ang pondo sa banko, at bilang kumpanya ay may hiwalay itong katangian sa shareholders, officers, at direktors ng kumpanya.
Niresolba ng piskal na may ginawang paglabag sa batas diumano si Lakam.
Ito ay nang i-withdraw niya ang pondo nang walang paalam ni Kim, at saka ginamit ang pera para sa "casino junkets and other personal business ventures" na walang kinalaman sa HOLB.
"The evidence on record establishes that respondent Lakambini unlawfully took and appropriated corporate funds in aggregate amount of P44,396,331.65, fully aware that the same did not belong to her," saad sa bahagi ng 21-page resolution ng piskal.
Wala raw kasing naipakitang Board Resolution, Secretary's Certificate, o anumang corporate authorization na nagsasabing may permiso si Lakam sa pag-withdraw at paggamit ng corporate funds para sa kanyang "personal benefit or investment activities."
Sabi pa sa resolution, ang "unlawful appropriation" sa pondo ng kumpanya ay nagpapakita rin ng "grave abuse of the trust and confidence" kay Lakam bilang corporate secretary ng kumpanya.
"By exploiting the access and authority entrusted to her, respondent Lakambini was able to divert corporate funds for her personal gain, without the use of violence, intimidation, or force upon things."
Sinabi rin sa resolution na sapat na ebidensiya ang "unlawful withdrawals" sa bank accounts na umabot sa "one hundred twenty four (124) separate occasions."
Bawat withdrawal at online transfer na nakita sa bank transactions ay maituturing daw na "single act with an independent existence and criminal intent on its own."
Ipinaliwanag din sa resolution na walang merit ang apela ni Lakam na hindi lehitimo ang paghain ni Kim ng reklamo sa ngalan ng kumpanya.
Dahil "public crime" ang qualified theft, maaari raw itong ireklamo ng sinumang tao na may "personal knowledge" sa nagawang krimen.
Lehitimo rin daw ang inihaing certificate of authorization ng bagong itinalagang corporate secretary.
Kung may reklamo raw si Lakam hinggil sa pagtalaga ng bagong corporate secretary kapalit niya sa HOLB Philippines, maaari raw itong ihain ni Lakam sa korte na naglilitis sa mga isyung may kinalaman sa intra-corporate proceedings.
Hindi rin pinaboran ng piskal ang apela ni Lakam na hindi criminal kundi civil liability lamang ang maaaring ihain sa kanya dahil kapatid at kasama niya sa bahay si Kim.
Hindi raw kasi sakop ng Article 332 of the Revised Penal Code, o Exemption From Criminal Liability in Crimes Against Property, ang "offenses committed against a corporation" kahit pa magkapatid sina Kim at Lakam.
Ang "injured party" raw ay ang mismong corporation at hindi ang individual stockholders nito.
Nararapat daw na sa "full-blown trial" na iprisinta ni Lakam kung anuman ang ebidensiya at depensa niya sa kaso.
QUALIFIED THEFT COMPALINT AGAINST TAYAG JUNKED
Sa kabilang banda, ibinasura ng piskal ang reklamong qualified theft laban kay Helena Tayag.
Wala raw naiprisintang ebidensya na magsasabing may kinalaman ito sa nawawalang pondo ng kumpanya.
Hindi rin daw nakitaan ng ebidensya na nakipagsabawatan o tumulong ito sa pagkuha ng pondo sa HOLB Philippines, Inc.
"Mere suspicion, speculation, relationship association, and companionship do not prove conspiracy.
"Conspiracy must be established, not by conjectures, but by positive and conclusive evidence."
Bukas ang PEP sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.
Read: Martin Romualdez arrest warrant served at hospital over PHP7.4-B flood control case
