Ipinaliwanag ni Sachzna Laparan, 28, ang bersiyon niya ng kuwento sa paratang ni Angelica Jones, 43, na hindi siya pinansin o nilapitan ni Sachzna nang magkrus ang landas nila sa isang event.
Sa punto ni Angelica, iyon daw sana ang pagkakataong magkausap sila matapos niyang ma-offend nang i-revive ni Sachzna ang "Miss Flawless" nang hindi raw muna siya kinausap.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Sachzna sa Glorietta 3 sa Makati City noong September 5, 2026.
Dito ay ibinahagi ni Sachzna kung bakit hindi niya nilapitan si Angelica noong panahong iyon.
"Nagkita kami sa isang awarding ng mga CEO, siguro 2023, 2024, parang nag-speech siya doon, the original Miss Flawless," bungad ni Sachzna.
"Wala naman akong say dun, kasi di ko naman masyadong pinanghahawakan yung title talaga, kasi may work na ako bago akong tinatawag nilang Miss Flawless.
"Nung nagkita kami, siyempre ang dami ko nang naririnig, hindi ko na alam kung paano siya i-approach kasi alam ko na galit na galit siya."
Ngunit diin niya, "Hindi ko siya tinarayan, hindi ko siya minalditahan, wala lang, casual lang lahat."
Sa pagkakaalala ni Sachzna, wala raw pagkakataon para magbatian sila ni Angelica noon sa event.
Katuwiran niya: "Saka wala namang time para magbatian kami nun kasi malayo ang mga tables namin.
"'Tsaka 2019 pa lang ganun na ang naririnig ko. Ikaw ba pag may galit sa iyo, alam mo kung paano mo ia-approach?
"Iba-iba naman tayong mga tao, feeling ko hindi yun ang right time para mag-usap kami, 'tsaka formal yung event na yun.
"Hindi ko alam na minasama din pala niya yun.
"Saka ako kasi, feeling ko nabu-bully na ako nung time na yun. Paulit-ulit na lang isyu na yun, and never akong sumagot.
"At hanggang sa ngayon, mayroon na naman. Kailan ba matatapos ito?"
Read: Angelica Jones airs dismay over Sachzna Laparan: "Nakaka-offend..."
SACHZNA LAPARAN ON REVIVING "MISS FLAWLESS"
Ayon pa kay Sachzna, nagpasintabi ang kanyang team kay Angelica nang i-revive niya ang kantang "Miss Flawless," kasama sina Flow G at Bosx1ne ng Ex Battalion, noong 2019
Si Angelica ang original performer ng novelty song na isinulat ni Lito Camo.
Nabuksan ang isyu nang maglabas ng hinaing si Angelica sa Kapuso vodcast na Your Honor, pati na rin sa interview niya sa Fast Talk With Boy Abunda.
Sinabi rin ni Angelica na isang thank you at sorry lang daw ang hinihintay niya mula kay Sachzna, at buong puso niya raw na tatanggapin ito.
Si Angelica ay comedienne at current board member ng third district ng Laguna.
Giit ni Sachzna, dumaan umano sa tamang proseso ang cover song niya ng "Miss Flawless."
Lahad ni Sachzna: "Seven years ago na kasi yun, that was 2019, tapos ako lang ang napi-pinpoint bakit hindi ako nagpaalam.
"May team kami na sila talaga yung kakausap, which is nagawa nila ang trabaho nila.
"Nagpaalam sila, mayroon silang conversation [with Angelica], nagtawagan sila. Marami silang calls, marami talaga nung 2019, may record kami nun."
Kaya nasorpresa raw si Sachzna nang maging isyu ito muli.
"Akala ko okay na ang lahat so ang kinausap ko, yung may right talaga, si Sir Lito Camo, siya ang composer, yung songwriter.
"Sa kanya ako nakipag-usap nang one-on-one, kasama ang mom ko. Nabigyan kami ng go signal para mag-shoot, okay na.
"Then, yung team ko naman, yung director ko, kinakausap si Angelica."
Naisip pa raw ng kanyang team si Angelica nang piliin nila ang venue sa shoot para sa music video ng kanta.
Pagpapatuloy ng vlogger-actress: "Kaya kami nag-shoot sa Majayjay kasi taga-Laguna siya, nasa politics siya kaya dun namin talaga sinadya.
"Dun ang naging shooting area namin—Majayjay saka Phuket, Thailand.
"Akala ko okay na ang lahat, hindi ko talaga alam kung ano ang nangyari. Basta ang alam ko, nakausap ko na ang composer kasama yung mama ko."
Read: Sachzna Laparan reveals she repeatedly bailed out ex over debts
SACHZNA LAPARAN NO CHANCE TO MEET ANGELICA BEFORE SHOOTING
Ayon pa kay Sachzna, hindi lang natuloy ang plano sanang magkakilala sila nang personal ni Angelica.
"Actually, dapat kasama siya sa shoot, may cameo siya dapat. Akala ko okay na, dun ko siya mami-meet dapat.
"Wala naman kaming ibang time na mag-meet, dun lang sa shoot na yun kasi sobrang busy niya nga raw sa poitics nun.
"After nun, wala na akong naging ibang update."
Sabay katuwiran niya: "Nag-shoot lang naman ako, artist lang naman ako.
"Alam niya, as an artist, na may team ka na gagawa for you. Ako, focus lang ako sa gagawin kong video, dun lang talaga ang focus ko.
"Tapos after nung lumabas na yun, ayun, nagpapa-interview na siya sa mga press. Sabi ko, 'Bakit may ganitong nangyayari?'
"Marami na siyang masasakit na sinasabi sa akin. Pinalagpas ko yun, wala akong sinagot na kahit ano.
"Hindi ko rin ina-unvalidate ang feelings niya kasi baka nagkaroon talaga ng miscommunication."
Hindi rin naman daw sila personal na magkakilala.
"Kilala siya ng mom ko kasi magka-age sila ni Mama," komento ni Sachzna.
Ayon pa sa vlogger-actress, wala siyang kinita kahit singko sa ginawang music video ng "Miss Flawless."
"Thirteen years old pa lang ako, nagtatrabaho na ako. And [even] without 'Miss Flawless,' okay ako.
"Ginawa ko lang yun as an artist, nilagay ako dun as an artist.
"Saka hindi sa akin in-upload yun, ha? Sa YouTube ng ExB. Wala rin akong Spotify so wala akong kinita kahit piso dun.
"Sabi ko nga, as an artist ang ginampanan ko, so hindi ko alam kung bakit ako lagi ang pini-pinpoint. Bakit ako lang.
"Bakit ako? Bakit ako ang sobrang bina-bash nila? Bakit sa akin nagagalit nang sobra-sobra?"
Kung siya raw ang may original song na ire-revive ng ibang artist, ikatutuwa raw niya.
"Iba na rin kasi ang generation ngayon. Kumbaga, kung magkaroon man ng ibang Miss Flawless, for me ha, kahit wala akong say, matutuwa ako.
"Kasi, at least, napapasa nang napapasa siya, nabubuhay nang nabubuhay, hindi siya namamatay.
"Kung magkaroon ng marami man, feeling ko nakakatuwa yun kasi napapasa nang napapasa.
"Sa akin kasi, wala namang competition. Kung magkaroon ng marami man, masaya yun, nakakatuwa yun kasi napapasa nang napapasa.
"Wala nang competition, collaboration na ngayon. Kaming lahat na ng artists, mapa-dati artist man, mapa-ngayong artist, nagko-collab yan."
Hindi raw para gawing big deal niya ang isyu.
"Ako, ayoko ng kaaway. Ngayon, sobrang daming problema ng Pilipinas para magkaroon ka pa ng kaaway.
"Sa akin, 'Sige, sa iyo na yan, okay ako, kahit hindi Miss Flawless, okay ako.'
"Saka yung Miss Flawless, hindi lang naman yan nasusukat sa ganda, kung gaano ka kakinis. Kundi sa puso, kung gaano kakinis ang puso mo.
"Iba-iba na ang pagkaka-interpret kung ano ang 'Miss Flawless' sa atin.
"Habang tumatagal, lumalalim na yun nang lumalalim, hindi lang pisikal."
Read: Kim Chiu's sister Lakam charged in PHP44.4M qualified theft case
SACHZNA LAPARAN TO ANGELICA JONES: "PASENSIYA NA, SALAMAT..."
At bilang sagot sa sinabi ni Angelica na "thank you" at "sorry" lang ang hinihintay niya mula kay Sachzna, ibinigay naman ito ng huli.
"Hindi ko ipagkakait yun,' sambit niya.
"Siguro nasimulan lang sa pangit, sa hindi magandang simula. Kasi ganun agad, e, negative agad yung nangyari.
"Hindi ko alam kung paano siya maaayos."
Sabay mensahe niya para kay Angelica: "Ms. Angelica Jones, pasensiya na kung nagkaroon tayo ng hindi pagkakaunawaan, pagkakaintindihan.
"Sobrang bina-validate ko yung nararamdaman niya as an artist.
"Salamat kasi yung 'Miss Flawless' nabubuhay pa rin hanggang ngayon, mapapasa at mapapasa pa yan sa iba.
"Ayoko ng kaaway talaga. Kung magkaroon man kami ng pagkakataon na magkita in person, magpapasalaamat ako in person, hindi lang sa social media, mas gusto ko nga in person.
"Walang camera, walang kahit na ano, kasi iba pa rin pag sa personal, e. Mas mararamdaman yun sa personal kesa yung mga taong nanonood lang."
SACHZNA LAPARAN'S NON-SHOWBIZ BOYFRIEND
Sa kabilang banda, ibinalita ni Sachzna na masaya siya sa piling ng kanyang bagong non-showbiz boyfriend, si Renz Calvin Estrella, na CEO ng Zenith Capital Philippines.
Noong Hulyo napabalita ang hiwalayan ni Sachzna at ng boyfriend of three years na si Mark Pascual, na may utang umano sa kanya na nagkakahalaga ng PHP50 million.
Sabi ni Sachzna: "Ang daming nangyayari sa akin, parang ilang buwan pa lang, di ba? Ang dami nang isyu, ang dami nang pinagdaanan, parang yung buhay ko roller coaster.
"Ngayon, mayroon na akong new partner, CEO siya ng isang lending company," pagbabahagi niya.
May sagot si Sachzna kung bakit nakahanap agad siya ng bagong pag-ibig.
"Lagi nilang sinasabi bakit ang bilis kong naka-move on. Isang taon na akong nagmu-move on.
"Ang tawag dun, silent quitting. Nung ini-interview niyo ako before, wala na akong nararamdaman, alam ko na kung saan papunta.
"Nakaka-relate ang ibang mga babae diyan na grabe yung pagsa-suffer nila sa isang relasyon na alam nilang wala nang pupuntahan. Alam mo yung inuubos na lang nila yung sarili nila.
"Kaya parang ang feeling nila ang bilis kong magpalit, ang bilis kong magka-boyfriend.
"Pero yun nga yung dahilan. Matagal na akong nagmu-move on, nasa relasyon pa lang ako," pagsisiwalat niya.
Paano sila nagkakilala ni Renz?
"Yung business partner ko, friend siya.
"Hindi niya ako kilala talaga, wala siyang alam sa mundo ko. Talagang private siyang tao.
"Hanggang ngayon, kung itse-check niyo, naka-private siya. Hindi niya ako kilala sa social media, nakilala niya ako sa Sazchna as a person.
"Nanligaw siya sa akin ng isang buwan, consistent na ligaw."
Naipakilala na rin daw nila ang isa't isa sa kani-kanilang pamilya.
Ayon kay Sachzna, "Kilala na ako ng parents niya, kilala na siya ng parents ko.
"Okay kami, sobrang okay kami, chill lang kami.
"Kumbaga, wala kaming minamadali, okay kami. Getting to know each other, nandun pa rin."
Para kay Sachzna, marami siyang aral na natutunan sa nakaraan niyang relasyon.
"Siyempre naman, huwag mong ibibigay ang lahat-lahat talaga at huwag ka nang magpapautang ng 50 million [pesos], Hahahaha! Grabeng lesson yun, ha?
"Ngayon naman, di ba, sabi ko nga, ang buhay ko ngayon ay roller coaster. Kumbaga, sumasabay na lang ako sa agos, sa flow kung ano ang mayroon sa akin ngayon, e.
"Sanay na ako, parang wala nang bago.
"Ngayon, pag nasa mundo ka kasi ng socia media, kailangan matatag ang utak mo, ang mental health mo. Hindi puwedeng mahina ka diyan.
"So ako, matatag ako ngayon, more tatag pa,10 time pa, kasi mental health ko ang nakasalalay dito."
Pagdating sa isyu nila ng ex-boyfriend na si Mark, sinabi ni Sachzna sa isang FB post na hindi totoo ang bali-balitang nabayaran na raw ng una ang utang nitong PHP50M.
Sinabi rin niyang okay lang ito sa kanya basta tigilan lang daw ang pagpapakalat ng "fake news" na taliwas sa kung ano ang katotohanan.
Read: Rochelle Pangilinan breaks silence on rumored rift with Jopay Paguia
