Kasalukuyang nakaratay sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City si dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Dito isinilbi ang arrest warrant na inilabas ng Third Division ng Sandiganbayan para sa kanya ngayong Lunes, Setyembre 7, 2026.
Ang walang piyansang plunder o pandarambong ang kasong isinampa laban kay Romualdez kaugnay sa alegasyong pagkakasangkot niya sa maaanomalyang flood control projects na nagkakahalaga ng PHP7.4 billion.
Naka-confine sa ospital si Romualdez dahil sa pagtaas umano ng kanyang blood pressure at pagkakaroon ng panic attacks.
Ginagamot din siya dahil diumano sa primary hypothyroidism, high cholesterol, angina, coronary artery disease, at Type 2 diabetes.
Read: Mahigit 1,000 empleyado ng TV network, apektado sa mass retrenchment
SERVING OF THE ARREST WARRANT
Si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang personal na nagsilbi ng arrest warrant kay Romualdez sa loob ng ospital.
Naganap sa ospital ang booking procedure kay Romualdez na itinuturing ngayong arestado o person deprived of liberty.
Dahil nakaratay siya at gumagamit ng oxygen, ipinatong na lamang sa kanyang dibdib ang orange T-shirt na may tatak na CIDG (Criminal Investigation and Detection Group).
Hindi raw maaaring tumayo si Romualdez dahil sa mga aparatong nakakabit sa kanyang katawan.
Ang orange detainee T-shirt ang ipinasusuot sa booking procedure para sa mga high-profile na akusado.
Pahayag ni Remulla sa panayam ng press: “Tinanggap niya personally, he’s now undergoing booking procedures kung saan kinukuha yung fingerprints niya.
"Tinanggap niya yung warrant, kaharap ng kanyang mga abogado at kaharap ng kanyang mga doktor.
“Yung doctors ng PNP [Philippine National Police] at yung doctors niya ang nag-uusap ngayon tungkol sa status niya.
“He looks pale, he looks very pale. Maputla ang itsura niya.
“Daily, magmo-monitor kami ng kanyang kundisyon until he’s well enough to be presented to court."
Sa kabila ng kondisyon ni Romualdez, sinabi ni Remulla na patuloy na imo-monitor ng mga awtoridad ang kanyang kalagayan hanggang maaari na siyang iharap sa korte.
Paniniyak pa ng DILG secretary: "Huwag po kayong mag-alala, gagawin po namin lahat na madala siya sa hustisya.
“Talagang masama, masakit, mabigat man sa loob ko dahil kaibigan ko talaga yan, e, pero kailangang gawin.
"Ipinapakita talaga namin na wala kaming pinapanigan, whether ang Ombudsman o ako o ang PNP, iisa ang trato namin sa batas.”
Read: Brent Manalo addresses "unwarranted hate" after banter with Darren Espanto