Pinayagan ng Quezon City court na bahagyang bawasan ang piyansa para sa nakatatandang kapatid ni Kim Chiu na si Lakam Chiu.
Kaugnay pa rin ito ng "124 counts" ng qualified theft na kinahaharap ni Lakam, na kasalukuyang nakaditena sa custodial facility sa Kamuning Police Station sa Quezon City.
Ito ay dahil sa diumano'y unauthorized withdrawals ni Lakam sa "corporate bank accounts" nilang magkapatid para sa negosyo nilang House of Little Bunny Philippines.
Mula sa PHP5.8M na halaga ng piyansa ay ibinaba ito sa PHP5.6M, ayon sa abogado ni Lakam na si Atty. Dominic Solis.
Base ito sa ulat ni Michael Delizo ng ABS-CBN News Online ngayong Martes, September 22, 2026.
Posible pang mas bumaba ang piyansa ni Lakam sa PHP2.9M kung cash bond ang ibabayad niya sa korte.
PHP5.6M pa rin ang ibabayad ni Lakam kung surety bond ang ipambabayad niya, dagdag na paliwanag ng abogado.
Ipinagpapasalamat daw ito ni Atty. Solis na una nang naghain ng petisyon para mapababa ang piyansa kay Lakam.
Masyado raw malaki ang PHP5.8M at wala raw kakayahan ang kanyang kliyenteng bayaran ito.
Read: Kim Chiu's sister Lakam charged in PHP44.4M qualified theft case
KIM CHIU VS LAKAM CHIU LEGAL BATTLE
Noong September 8, unang inulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang inirekomenda ng Office of the City Prosecutor of criminal information na qualified theft laban kay Lakam.
Taong 2023 nang pormal na magsosyo sina Kim at Lakam para sa HOLB.
Sinabi ni Kim sa salaysay niya, batay sa resolusyon ng piskal, na May at June 2025 nang madiskubre niya ang "unusually large withdrawals" mula sa kanilang corporate accounts.
Sinasabing PHP44M ang inabot ng "unauthorized withdrawals" ni Lakam sa corporate bank accounts nila ni Kim para lamang sa taong 2025.
Ayon pa kay Kim, bigo siyang makakuha ng "satisfactory" explanation mula kay Lakam nang komprontahin niya ito tungkol sa isyu.
Mariin namang itinanggi ni Lakam na unauthorized ang kanyang online transfers at withdrawals dahil joint accounts nila iyon ni Kim.
Hindi lang daw iyon para sa HOLB, pero maaari raw gamitin sa iba pang business ventures para lumago umano ang investments nilang magkapatid.
Read: Lakam Chiu, sister of Kim Chiu, named "No. 6 Most Wanted" by QCPD
