Matapos mapagkaitan ng scholarship, bumuhos ang donasyon para sa isang graduating student sa Aklan.
Ulila na sa mga magulang si Jaymark Inosento, 4th year college student sa Libacao College of Science and Technology, kung saan kumukuha siya ng Hotel and Restaurant Management (HRM) course.
Nagtatrabaho siya bilang construction worker tuwing Sabado at Linggo para matustusan ang kanyang pag-aaral.
Nag-viral si Jaymark kamakailan.
Nagpa-interview siya sa local media ng Aklan at naglabas ng hinaing ukol sa hindi niya pagkakapili bilang barangay scholar para mabigyan ng financial aid na PHP20,000.
Nabalot din ng kontrobersiya ang isyu kaugnay sa mga piniling scholars ng barangay.
Read: How does an accused person end up on the Top 10 Most Wanted list?
APPLYING FOR SCHOLARSHIP
Nag-apply si Jaymark sa government financial aid program na Bawat Barangay Makikinabang (BBM) Program.
Sa ilalim ng programang ito, ang bawat barangay ay may allotment na PHP100,000 para sa limang mapipiling estudyante na nangangailangan ng tulong pinansiyal. Ibig sabihin, ang limang mapipiling scholar ay mabibigyan ng tig-PHP20,000 assistance.
Gagamitin sana ni Jaymark ang perang ito para sa kanyang nalalapit na on-the-job training.
Subalit hindi napili si Jaymark.
Ang kanyang kwento ay ibinahagi ng Pobreng Vlogger (PV) News Online at RMN DYKR Kalibo.
Binanggit ng local media na marami raw na kabarangay ni Jaymark ang nagulat dahil ang kasamang napili bilang beneficiaries ay anak daw ng kagawad at ang iba ay maykaya raw sa buhay.
Sinabi naman ni Jaymark na nagpa-interview siya para maglabas ng kanyang hinaing.
Nasorpresa naman ang binata dahil bumuhos ang tulong mula sa mga nagmalasakit na netizens at higit-higit pa sa inasahang financial aid.
WHY JAYMARK NOT CHOSEN AS BENEFICIARY
Ano nga ba ang tunay na nangyari at bakit hindi napili si Jaymark sa scholarship?
Sinabi ni Jaymark sa panayam na nag-apply siya sa kanilang barangay para sa scholarship noong June 23, 2026, pero hindi siya tinanggap.
Ang katwiran daw ng barangay office, hindi pa enrolled si Jaymark.
Pero lumalabas na enrolled na sa Libacao College si Jaymark noon pang June 5.
Depensa pa ni Jaymark, itinigil ang enrolment para sa incoming students para sa kursong HRM sa school, pero tuloy ang pag-aaral ng mga nasa 4th year na.
Katwiran naman barangay captain sa interview ng PV News Online, hindi naman disqualified si Jaymark, pero kulang daw siya sa mga hinihinging documents.
Aminado si Jaymark na hindi na niya isinumite ang mga documents dahil sinabihan umano siyang “sarado” na ang application dahil nakapili na ng beneficiaries.
Binanggit din niyang nagpa-interview siya sa PV News Online at RMN Kalibo para maglabas ng hinaing at manawagan ukol sa patas na pagpili ng scholars.

JAYMARK RECEIVES PHP140 DONATIONS and more...
Nang ipalabas ang interview ni Jaymark ng local media, nag-viral ang kanyang kwento at maraming netizens ang naantig.
Sa recent interview niya ngayong Martes, September 23, iniabot sa kanya ang kabuuang PHP120,668, na nalikom mula sa mga netizens na kinabibilangan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga negosyante.
“Gusto ko lang pong pasalamatan lahat sila. Maraming-maraming salamat po sa mga nagbigay ng blessings sobra-sobra,” ani Jaymark.
Habang isinusulat ang balitang ito, nag-update ang PV News na may OFW nurse mula sa California ang nag-abot ng karagdagang PHP20,000 para kay Jaymark.
Nag-post din ngayong hapon ang Presidential Communications Office via Facebook, at binanggit na inabutan si Jaymark ng PHP20,000 ni Pangulong Bongbong Marcos matapos malaman ang kanyang kuwento.
“Isinailalim din siya sa assessment para sa iba pang tulong na maaari niyang matanggap,” dagdag na post ng PCO.
Nauna na ring napaulat na inabutan si Jaymark ni Kalibo Mayor Juris Sucro ng PHP20,000.
At press time, nangangahulugang nakatanggap na si Jaymark ng kabuuang PHP180,000 na tulong pinansiyal.
