Second non-elimination week ang episode kanina, October 4, ng Celebrity Duets Season 2. Isa pa naman ito sa pinaghandaang performances ng natitirang limang contenders na sina MMDA Chairman Bayani Fernando, comedian Joey Marquez, fashion desiger JC Buendia, soccer player Phil Younghusband, and beauty queen Carlene Aguilar.
Ito rin ang pagbabalik ng tambalan nina Regine Velasquez at Ogie Alcasid na parehong present. Tatlong linggo kasing nawala si Regine sa Celebrity Duets para sa kanyang North America concert series, kasama si Lani Misalucha. Si Ogie naman ay wala noong nakaraang Sabado, October 27, nang natanggal si Chef JL Cang dahil ito rin ang araw ng kanyang Twenty/Twenty concert sa Araneta Coliseum.
Taped live ang episode ng Celebrity Duets. Kailangang makunan agad ang number ni Joey kasama si Aiza Seguerra na parehong naggitara para sa kantang "Father and Son" ni Cat Stevens. Mayroon kasing iba pang lakad si Aiza kung kaya't bago nakunan ang opening number ng limang contestants, una nang na-tape ang number nina Joey at Aiza.
Ang "Daybreak" ni Barry Manilow ang kinanta ng lima na lahat ay may kulay dilaw sa damit.
Una ang naging performance nina Joey at Aiza at sinundan ito ng Madonna number "Material Girl" ni Carlene, kasama si Katrina Halili. Pareho silang naka-pink gown na kahawig ng sinuot ni Madonna sa MTV ng naturang kanta.
Violet naman ang motif ng mga damit nina Phil at Eula Valdes. Inawit nila ang "Can't Take My Eyes Off of You," na unang pinasikat noon nina Andy Williams at Engelbert Humperdick.
Ang title track ng Broadway play turned movie Hello Dolly ang ginawang duet nina Bayani Fernando at Bituin Escalante, na naka-Dolly costume right up to the ostrich feather sa ulo.
Panghuling lumabas sina JC at Allan K na parehong naka-Ninja costume at kinanta ang "Turning Japanese" ng The Vapors.
Kalagitnaan naman ng taping, ‘tsaka pa lang nakapag-practice sina JC at Allan. Tinapos muna ni Allan ang kanyang Eat Bulaga; nanggaling pa ang komedyante sa Broadway Centrum.
Sa limang production numbers, tanging sina Joey at BF lang ang walang back-up production numbers. May mga lalaking dancers na naka-tuxedo si Carlene at naka-blonde wig pa. Si Phil, may wind and percussion players at si JC, may all-female backup dancers na naka-geisha costume.
Sa pagtatapos ng show, saka sinabing walang tatanggalin sa lima dahil sa susunod na linggo may maaalis na isa sa kanila.
SIDELIGHTS. Hindi lang si BF, na noon pa ay kilala na sa kulay pink, ang may color coding dahil meron na rin ang supporters ng apat pa; orange ang kay Joey, green ang kay Carlene, yellow ang kay JC, at blue kay Phil. May isang grupo rin ng kalalakihan na naka-black long-sleeved shirt na mga supporters ni Carlene.
Nakatutuwa rin ang mga naispatan naming nasa audience noong taping.
Nandoon ang mga action stars na sina Roi Vinzon at Roldan Aquino at ilang stuntmen. Akala namin, kasama sila sa mga sumusuporta para kay BF. Hindi pala, para pala kay Carlene ang mga boto nila.
Nakaupo naman sa gitna ng mga sumusuporta kay JC ang dating Star Magic artist na naging alaga ni Manny Valera ngunit sa pagkaalam namin ngayon ay freelancer na lang—si Boom Labrusca. Huling napanood ang dating model na naging actor na si Boom sa launching movie ni Katrina na Gigil at nasa Metro Body calendar 2008 din siya.
Katabi ng ina ni Carlene ay isang guwapong binata na bukod sa maganda ang tindig ay may dating pa dahil kung ilang beses siyang kinunan ng camera. Pagkatapos ng taping, siya ang may dala ng tarpaulin ni Carlene para ilagay sa kotse.
Hindi kami nakatiis na kausapin siya sa labas ng GMA Network Center at tinanong namin ang kanyang pangalan. Siya si Yoyo (o Yoyong) Ocampo at dati raw siyang model. Tinanong namin kung siya ang "kaibigan" ni Carlene at sumagot siya ng "Oo" na hindi man lang kami tinanong kung ano ang ibig naming sabihin sa salitang "kaibigan." Sa pagtatanong namin sa ibang kasamahan sa panulat, si "Yo" raw ang pinakamasugid na manliligaw ngayon ni Carlene.