Isang restaurant encounter noong Setyembre 25, 2026 ang isa sa mga pinaghihinalaang malalim na dahilan ng paghihiwalay nina Robb Guinto at Yasser Marta.
Naganap ang insidenteng ito ilang araw bago naging emosyunal si Yasser sa kanyang guesting sa Fast Talk with Boy Abunda noong Setyembre 30, nang tanungin siya tungkol sa kasalukuyang estado ng relasyon nila ni Robb.
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files kay Yasser pagkatapos ng kanyang Fast Talk guesting, nagpahiwatig siyang may pinagdaraanan ang kanilang relasyon nang hindi niya mapigilan ang pag-iyak habang pinag-uusapan ang kanilang sitwasyon.
Aniya: “Hindi ko na napigilan. Ang bigat lang, ang bigat lang.
"Hindi ko nakontrol. Ang bigat lang talaga. Para kasing sobra na. Sobra na.
“Sobra na, yung nawawala na ako sa sarili ko. Hindi ko na alam kung saan ako.
"Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko na kilala yung sarili ko, as in nawawala na ako.”

Read: Yasser Marta breaks down over relationship with Robb Guinto
ROBB GUINTO ADDRESSES ISSUE
Kinabukasan, Huwebes, Oktubre 1, naglabas ng pahayag si Robb sa kanyang Facebook page tungkol sa isyu.
Bagamat hindi niya direktang binanggit ang detalye ng problema nila ni Yasser, hiniling ni Robb na bigyan sila ng privacy habang pinagdaraanan ang kanilang sitwasyon.
Bahagi ng kanyang post: “There are always two sides, and there are things only the people involved truly know and understand.
“We are going through something right now, and I believe some things are better handled privately.
“I don’t want to speak badly about anyone or disclose private matters just to defend myself. I just hope people can give us the space and respect we need.”

Read: Robb Guinto on Yasser Marta: “We are going through something.”
ROBB CONFIRMS BREAKUP WITH YASSER
Ngunit pagsapit ng Lunes, Oktubre 5, emosyonal nang nagsalita si Robb tungkol sa sakit na kanyang nararamdaman dahil sa mga nangyari sa kanilang relasyon.
Sa pamamagitan ng Facebook Live, kinumpirma ni Robb na hiwalay na sila ni Yasser.
Wala siyang binanggit na masama laban kay Yasser, ngunit sinabi niyang nasaktan siya dahil sa mga pahayag nito at iginiit na may mga bagay na hindi naging totoo.
“Hindi ko alam kung bakit ako magsasalita. Hindi para linisin ko yung sarili ko or kung anuman. Nakita ko kasi nasisira yung pangalan ko.
“Ang sakit lang kasi hindi lang ako ang naaapektuhan kundi pati yung mga magulang ko, yung mga kamag-anak ko,” umpisa ni Robb sa kanyang paglalabas ng saloobin.
Ni minsan ay hindi niya binanggit ang pangalan ni Yasser habang ibinabahagi ang kanyang mga hinaing.
Para kay Robb, mas mabuti sanang silang dalawa ni Yasser ang unang nag-usap tungkol sa kanilang problema bago ito napag-usapan sa publiko.
Saad ng VMX sexy star: “Kahit sinong anak, ayaw niyang makita na nasasaktan yung magulang kasi problema ko ito, e.
"Sa totoo lang, yung isyu na ito, dapat hindi naman talaga ito dapat pinalaki, e. Dapat kami na lang. Kami na lang ang nag-usap.
"Pero kasi yung nangyari, parang bago siya magsabi in public, dapat ako muna yung kinausap niya.
“Dapat kahit papaano, kinonsider niya yung feelings ko kasi ganoon naman talaga kapag magkarelasyon. Dapat kayo yung nagsosolusyon sa isa’t isa. Kayo yung nag-uusap.
“Wala, e, ang dami nang na-involve na tao. Hinayaan niya na marami ang mangialam. Binigyan niya ng karapatan yung tao na makialam sa relasyon namin.”
Ayon kay Robb, umaasa siyang makikipag-ayos sa kanya si Yasser matapos ang interview nito kay Boy.
“Kasi ito lang, e, kung willing talaga siyang i-win back ako, kung willing talaga siyang makipag-ayos sa akin at mahal pa niya ako, dapat right after ng interview niya, minessage niya ako.
"Alam niya nandito lang ako sa bahay nang araw na yan. Dapat pinuntahan niya ako, alam naman niya yung bahay.
"Pinuntahan man lamang niya ako na ‘Love, love, pasensiya ka na. Hindi ko na nakayanan. Nasabi ko na in public yung problema natin. Puwede ba tayong mag-usap?’
“Sana yun ang narinig ko. Na inayos namin ito. Na hindi na maraming tao ang na-involve. Dapat sa amin lang ito, e.”
ROBB SAYS SHE WAITED FOR YASSeR MARTA'S MESSAGE
Ibinahagi rin ni Robb na hinintay niyang makipag-ugnayan sa kanya si Yasser matapos ang interview nito.
Lahad niya: “Simula nung nangyari yung interbyu, inantay ko siya na i-message niya ako.
"Inantay ko na magpaliwanag siya na bakit hindi niya ako kinonsider sa mga desisyon niya, kinonsider ang feelings ko, yung pakiramdam ko?
“Kasi ako yung nagiging masama sa ibang tao, e. Ang daming sinasabi ng tao na, ‘Ayan, Vivamax artist lang yan kaya panigurado, niloko ka lang niyan. Kaya panigurado sumama na yan sa kung sinu-sino.’
“Naaapektuhan ako. Nasasaktan ako kahit sabihin natin na alam ko na hindi totoo.
"Pero nasasaktan ako, e, kasi kung sino pa yung tao na alam mo na siya yung magiging sandalan mo sa oras ng mga ganitong sitwasyon, siya pa yung tao na makakasakit sa yo.”
Read: Yasser Marta and Robb Guinto now in a relationship
ROBB: “ANG KAILANGAN KO LANG, ANG SUPORTA NIYA”
Bukod sa problema sa kanilang relasyon, sinabi ni Robb na marami rin siyang responsibilidad na kailangang asikasuhin, kabilang ang kanyang pamilya, negosyo, bahay, kotse, at iba pang gastusin.
“Ang dami kong iniintindi, ang dami kong inaasikaso, ang dami kong problema.
"Ang kailangan ko lang, ang suporta niya. Ang kailangan ko lang, ang pag-iintindi niya.
“Bakit ba hindi niya kayang ibigay yon?
"Hindi naman kasi puwede na hindi ako magtatrabaho. Alam niya, marami akong pamilya na pinapakain.
"Alam niya, marami akong responsibilidad, nagbabayad ako ng bahay, ng kotse, tapos sagot ko sa mga tao, bills.
“Ngayon gumagawa ako ng negosyo, hindi lang naman ito para sa akin lang, e. Ginagawa ko ito para sa future namin.
“Ang tanging gusto ko lang naman, maintindihan niya ako kung ba’t ako nagiging busy. Kung ba’t ako nawawalan ng oras.
"Kasi nung last na bakasyon namin sa Laguna, sabi ko sa kanya, ‘Love love, magiging busy ako this week. Aasikasuhin ko na yung business. Kailangan ko lang ng patience mo and understanding.’
“Tapos biglang ngayon, hindi na ako nakakapag-update nang maayos. Alam ko, nasanay siya ng ganoon na nag-a-update ako. Na nagme-message ako sa kanya,” tuluy-tuloy na pahayag ni Robb
ROBB DENIES CHEATING ON ROBB
Mariin ding itinanggi ni Robb na niloko niya si Yasser, at ipinaliwanag kung bakit hindi na niya kayang magbigay ng regular updates habang abala sa trabaho at negosyo.
“Siyempre, nung araw na yon, hindi naman kailangan maya’t maya magme-message ako. Magsasabi ako na ‘Love, love ganito, time to time.’
“Hindi naman puwedeng ganoon. May mga ka-meeting ako."
Diin pa ni Robb: "Tang*na, hindi ko naman siya niloloko. Mas okay pa pala na lokohin ko siya kasi para maging tama yung iniisip niya.
"Tang*na, hindi ko naman ginagawa yon para sa akin, para sa aming dalawa.
“Hindi kasi siya naghahanap ng totoong sagot. Naghahanap siya ng patunay na tama siya.”
Sa kabila ng kanilang paghihiwalay, sinabi ni Robb na mahal na mahal pa rin nila ang isa’t isa at para sa kanya, simple lamang sana ang problema na kinaharap nila.
“Ang sakit lang kasi mahal na mahal namin ang isa’t isa," sambit niya.
"Actually, sobrang simple lang naman ang dahilan. Sobrang simple lang naman na problema ito.
"Hindi naman kailangan palakihin. Pag-usapan namin nang pareho.
“Hindi ko alam kung bakit nag-iiyak siya dun sa interbyu sa kanya. Sasabihin niya na kami pa?"
Pagsisiwalat ni Robb: "In the first place, bago siya magpainterbyu, nakipaghiwalay na siya sa akin.
“Nag-thank you na siya. Nagsabi na siya na salamat sa lahat bago siya magpainterbyu.
"Tapos sasabihin niya okay na kami, magsisinungaling siya sa press na okay kami. Na kami pa?”
Sa huli, iginiit ni Robb na kung nais talaga ni Yasser na ayusin ang kanilang relasyon, mas gugustuhin niyang direktang makipag-usap ito sa kanya kesa ilabas ang kanilang problema sa publiko.
“Sasabihin niya na nawawala siya sa sarili niya. Nahihirapan siya. Tapos nirerespeto niya ako. Ano yon?" himutok niya.
“Kung nirerespeto mo ako, kung mahal mo ako, kung willing ka na ayusin ito, hindi ka magpapainterbyu.
“Hindi mo sasabihin yung problema. Hindi mo ilalabas kundi ime-message mo ako directly.
"Kung ayaw mo, magulang ko. Kung gusto mo i-message, kung gusto mo makipagbalikan sa akin, i-message mo yung parents ko.
“Dapat sila yung kino-convince mo para ako yung kausapin nila na balikan kita.
"Pero ang nangyayari, kung sinu-sinong tao ang kinakausap mo. Sinasabi mo yung problema natin. Sinasabi mo yung lahat-lahat.
"Dapat hindi ganoon,” lumuluhang pagbabahagi ni Robb ng kanyang panig sa pagwawakas ng relasyon nila ni Yasser.
Read: Yasser Marta arrives, then leaves Desperada presscon; here's why