Hindi lang mga taga-pelikula ang pinarangalan ng PASADO (Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro) sa kanilang 28th Gawad PASADO noong Oktubre 22, 2026, Huwebes sa Abbot Lopez Hall ng San Beda University, Mendiola St., Manila.
Sa larangan ng telebisyon ay kinilalang PinakaPASADOng Aktor si Coco Martin para sa FPJ’s Batang Quiapo, na siya namang PinakaPASADOng Programa.
Ang PinakaPASADOng Aktres sa Telebisyon ay si Kaila Estrada para sa Incognito.
Sa video message na ipinadala ni Kaila ay nagpasalamat siya para sa teleseryeng What Lies Beneath.
May special award si Romnick Sarmenta bilang PinakaPASADOng Guro, at si Angelu de Leon bilang PinakaPASADOng Lingkod-Bayan.
Si Will Ashley ang PinakaPASADOng Dangal ng Kabataan, samantalang si Ed Lingao ang PinakaPASADOng Mamamahayag sa Larangan ng Kamalayang Pilipino sa Radyo at Telebisyon.
Nasa trabaho sa out of town daw si Ed kaya hindi nakarating sa awards ceremony.
Read: 28th Gawad PASADO: Highlights and sidelights
COCO MARTIN
Nagkagulo ang mga tao sa venue ng awards ceremony nang dumating sina Coco Martin at Julia Montes. Maya’t maya ay may nagpapalitrato sa kanila.
Maging ang PinakaPASADOng Aktor na si Lucas Andalio ay lumapit kay Coco para magpa-picture.
Tuwang-tuwa ang New Sunshine producer na si Dorothy Gilmore nang makita ang CocoJun tandem sa Sigabo na pinapanood daw niya gabi-gabi. Si Dorothy ang producer ng Madawag ang Landas Patungong Pag-asa, na kinilala bilang PinakaPASADOng Pelikula sa Paggamit ng Wika.
May mga marshall na kasama sina Coco at Julia. Lumalapit lang ang mga marshall kapag marami na ang nagkakagulo kay Coco o Julia.
Bahagi ng acceptance speech ni Coco bilang PinakaPASADOng Aktor sa Telebisyon para sa FPJ’s Batang Quiapo: “Alam niyo po, noong araw na nag-aaral pa ako, lagi akong bagsak sa lahat ng mga subject ko.
“Tapos ngayon na eto na, pumasok na po ako sa totoong buhay. Kinakailangan ko nang magtrabaho. Buhayin ang pamilya ko.
“Hindi ko ho inaakala na makakatanggap ho pala ako ng mga recognition o award sa pagtatrabaho ko.
“Gusto ko lang po sanang samantalahin ang pagkakataong ito para pasalamatan po ang lahat ng mga taong tumulong sa akin kung nasaan man ako ngayon.”
Pinasalamatan ni Coco sina Ihman Esturco na unang manager niya, Ferdy Lapuz na kumuha sa kanya sa indie film na Masahista, Direk Brillante Mendoza na gumabay sa kanya, sa yumaong Deo Endrinal ng Dreamscape Entertainment, Carlo Vidanes, Carlo Katigbak, at ABS-CBN.
Dagdag ni Coco: “Sa lahat po ng artistang nakasama ko, sa lahat po ng mga artistang tumulong sa akin sa pagbuo po namin ng mga teleserye, sa aking mga direktor, sa aking mga writer, sa aking mga crew, sa aking mga staff…
“At siyempre po, sa aking minamahal, sa aking buhay, kay Miss Julia Montes, maraming-maraming salamat sa lahat ng suporta, pagmamahal, at pagtitiwala mo sa akin.
“At siyempre po, sa ating Panginoong Maykapal sa lahat ng biyayang ipinagkaloob sa akin.
“Maraming-maraming salamat po sa lahat ng Pilipino, at siyempre po, sa aking pamilya. Thank you, thank you so much. And I love you!”
Read: Julia Montes speaks about fixing issues in Coco Martin's company
FPJ’S BATANG QUIAPO
Bilang developer, creative director, at isa sa mga direktor ng FPJ’s Batang Quiapo, si Coco rin ang tumanggap ng tropeo nito bilang PinakaPASADOng Programa sa Telebisyon.
Bago magtalumpati si Coco ay nagpalitrato na sa kanya ang mga taga-PASADO sa pangunguna nina Dr. Emmanuel S. Gobzales at Dr. Moreal Camba, at pamunuan ng San Beda University-Manila.
Bahagi ng acceptance speech ni Coco: “Gusto ko po talagang pasalamatan siyempre po ang aking lola.
“Ang isa po sa naging parte po ng Batang Quiapo, si Miss Odette Khan.
“Mula po Probinsyano hanggang Batang Quiapo hanggang ngayon ay Sigabo, nagpapasalamat po muli ako sa lahat ng mga taong nakasama ko dito.
“Sa lahat ng mga tao na naging parte at tumulong po sa akin, lalung-lalo na po siyempre kay Mr. Fernando Poe Jr., kay Miss Susan Roces, at sa lahat po ng mga bumubuo ng programa.
“Siyempre po sa ABS-CBN sa pagtitiwalang ipinagkaloob nila sa amin, maraming-maraming salamat po.
“Sana po, para sa ating mga Pilipino, huwag po tayong mapagod lumikha at gumawa ng mga programa, teleserye, at pelikula.
“Dahil po talagang iba ang talento ng mga Pilipino. Maipagmamalaki natin hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo.
“Kaya para sa ating lahat ho ito. Maraming-maraming salamat sa inyong lahat. I love you!”
Pagbaba ni Coco sa stage ay ang daming nagpalitrato pa sa kanya kaya lumapit na ang mga marshall, at sinamahan ng mga marshall sina Coco at Julia para umalis na.
Sa larangan ng telebisyon, dalawa ang tropeo ni Coco sa 28th Gawad PASADO para sa FPJ’s Batang Quiapo.
JERROLD TAROG
Sa larangan ng pelikula, tatlo ang mga tropeo ni Jerrold Tarog para sa Quezon — PinakaPASADOng Musika, PinakaPASADOng Editing, at PinakaPASADOng Direktor.
Bahagi ng acceptance speech ni Jerrold para sa PinakaPASADOng Musika:
“It’s always nice to receive recognition and appreciation for something that I had so much fun doing!
“So thank you, and maraming salamat sa TBA for the entire Bayaniverse.”
Ang kasunod na kategoryang pinarangalan ay PinakaPASADOng Editing, at bahagi ng talumpati ni Jerrold: “Editing is pretty much playing with time, emotions, and textures.
“So, para sa akin, pareho lang siya sa Music. So, pareho lang din iyung sasabihin ko.
"It’s nice to get recognition for something that I had so much fun doing. Maraming salamat sa Gawad PASADO at sa TBA.”
Bahagi ng acceptance speech ni Jerrold bilang PinakaPASADOng Direktor:
“Meaningful itong award na ito kasi palagi kong sinasabi na iyong tatlong films nung Bayaniverse ay incomplete na portrait ng history at nagre-rely kami sa mga guro para ikumpleto iyong portrait na iyon.
“So para makakuha ng ganitong recognition at appreciation from teachers is meaningful at appreciation para sa effort ng buong team.”
QUEZON
Tatlo ang PinakaPASADOng Pelikula sa 28th Gawad PASADO — Quezon; Sunshine; at Meet, Greet & Bye. Ito ang huling parangal sa awards ceremony.
Nagpalitrato muli ang mga taga-PASADO at taga-San Beda sa winners. Kabilang siyempre sa Team Quezon si Direk Jerrold.
Ang nagsalita para sa Quezon ay ang producer na si Daphne Chiu-Soon, na earlier ay tumanggap ng trophy ni Jericho Rosales bilang PinakaPASADOng Aktor. May nagsalita rin for Meet, Greet & Bye.
Katabla ni Jericho si Joshua Garcia bilang PinakaPASADOng Aktor. Si Jericho para sa Quezon, at si Joshua para sa Meet, Greet & Bye.
Nagpadala ng video message si Joshua. Walang kinatawan ang Sunshine.
Wala sa awards rite ang PinakaPASADOng Aktres na si Maris Racal, na katabla ni Charo Santos for Only We Know.
Ibinahagi ni Ma’am Charo kay Maris ang award at ang sabi, “And I share this recognition with Maris Racal who did a wonderful job in Sunshine.”
Walang video message na ipinadala si Maris.
Ang siyam na mga tropeo ng Quezon:
- PinakaPASADOng Pelikula ng Taon (katabla ang Sunshine at Meet, Green & Bye)
- PinakaPASADOng Direktor: Jerrold Tarog
- PinakaPASADOng Aktor: Jericho Rosales
- PinakaPASADOng Katuwang na Aktor: Mon Confiado
- PinakaPASADOng Sinematograpiya: Pong Ignacio
- PinakaPASADOng Disenyong Pamproduksyon: Monica Sebial
- PinakaPASADOng Editing: Jerrold Tarog
- PinakaPASADOng Musika: Jerrold Tarog
- PinakaPASADOng Tunog: Immanuel Verona & Fatima Nerikka Salim
ROMNICK SARMENTA
Binibigyang-halaga ng PASADO ang mga natatanging kontribusyon ng isang guro, kritiko, mananaliksik, at manunulat sa larangan ng edukasyon, sining, at kultura, na naging magandang ehemplo at inspirasyon para sa lahat ng mga kaguruan sa buong bansa.
Isa siya sa mga tagapagtaguyod ng Kulturang Pilipino at may makabuluhang ambag sa Edukasyon.
Ang PinakaPASADOng Guro ay si Romnick Sarmenta, na kasama sa Quezon pero ligwak sa mga nominado bilang PinakaPASADOng Katuwang na Aktor.
Bahagi ng talumpati ni Romnick: “Eto, puwede kong sabihin, never kong pinangarap! Maraming-maraming salamat po sa mga dalubguro sa parangal na ito.
"Hindi ko rin pinangarap magturo. Hindi ko rin pinaniniwalaang kaya ko. Meron lang akong kaibigan na nag-insist na, ‘Subukan mo.’
"So 2019, tinanggap ko iyong alok ng Trinity. Tapos hindi ko talaga alam kung ano’ng gagawin ko.
“Wala akong alam sa syllabus. Wala akong alam sa pagpaplano ng lesson. Wala akong alam sa pagbabahagi ng kahit ano.
“So nung una akong pumasok sa classroom, inilatag ko iyon. Sinabi kong hindi ako academic teacher. ‘Ang kaya mo lang ibahagi sa inyo ay iyung pinagdaanan ko sa industriyang kinalakihan ko.’
"At kailangan kong magpasalamat sa industriyang iyon, sa lahat ng nakasama ko sa telebisyon, sa pelikula, at sa entablado.
"Dahil iyun ang naghubog sa akin at nagbigay sa akin ng karanasan na puwedeng ibahagi sa mga estudyante.
"Nagpapasalamat ako sa Trinity sa tiwalang ibinigay nila sa akin sa pagtuturo.
"Patuloy po akong nagtuturo at magiging malaking karangalan po sa akin ang patuloy na magbahagi ng kaunting nalalaman ko.
"Maraming-maraming salamat po. Isa ito sa pinakamalaking parangal na natanggap ko sa buong buhay ko.”
Bida si Romnick sa pelikulang Los Salvajes Bravos, isa sa walong official entries ng 52nd Metro Manila Film Festival.
Idinirek ito ni Paolo Dy, at nagtatampok din kina Ruru Madrid, Andreas Muñoz, Michael De Mesa, Christian Vasquez, at Jojit Lorenzo.
Kasama rin sina Arnold Reyes, Elora Españo, Paolo O’Hara, Javier Godino, Aya Sarmiento, Miguel Vasquez, Michael Roy Jornales, JM Salvado, Roven Alejandro, at Shagem Sumayag.
