Inalala ni Alice Dixson, 57, ang panahong naging “maldita” at prima donna siya dahil sa kasikatan.
Ito rin daw ang dahilan kung bakit hindi siya nagustuhan noon ni Dina Bonnevie.
Kuwento ni Alice, pinasok niya ang showbiz sa edad na 17.
“I did it because it was fun. I didn’t really treated it as work,” kuwento ni Alice sa Fast Talk With Boy Abunda noong October 26, 2026.
“Hindi ko minahal at nirespeto ang trabahong ibinigay sa akin,” pag-amin niya.
Saka niya binanggit na ang kanyang unprofessionalism ang dahilan para kainisan siya ni Dina, na nakatrabaho ni Alice sa maraming proyekto.
Read: Alice Dixson recounts how she spent first paycheck from showbiz
PAST RIFT WITH DINA BONNEVIE
Nakilala si Alice nang manalo siya bilang Bb. Pilipinas-International 1986.
Kasunod nito ay naging leading lady siya ni Vic Sotto at gumanap bilang Faye sa fantasy-comedy series na Okay Ka, Fairy Ko.
Lalong sumikat si Alice nang gumanap siya bilang Dyesebel sa pelikula katambal si Richard Gomez.
Nagsunud-sunod ang proyekto ni Alice.
Pero dahil sa kasikatan, inamin ni Alice na lumaki ang kanyang ulo. Nagkaroon daw siya ng attitude.
Kasama na rito ang pagiging unprofessional at ito ang rason ng banggaan nila ni Dina noon.
“I was always late. She didn’t like me because I was always late on the set.
“You don’t respect kasi your katrabaho kapag lagi kang late. Because you’re not respecting their time,” pagbabahagi ni Alice.
Nasa 20s daw noon si Alice at lagi siyang laman ng clubs.
“I would always be in the clubs also late at night…
“I was always dancing. I was always having a good time.
“Nagpupuyat ako and I would say I’m not feeling well para magtrabaho in the morning.”
Marami raw producers ang nagalit noon kay Alice maging si Mother Lily Monteverde, ang yumaong matriarch ng Regal Films.
Napag-usapan nina Alice at Dina ang yugtong ito ng kanilang buhay sa YouTube channel ni Alice noong 2019.
Ikinuwento ni Alice ang panahong nagkaayos sila ni Dina noon.
“Maldita ka kasi,” hirit ni Dina kay Alice nang balikan nila ito.
“Even up to that time I was still maldita,” pag-amin ni Alice.
Sundot pa ni Dina, “Lagi siyang late kaya ko siya inaaway noon.
“Kaya kahit na cut nakaganyan ako,” sabi ni Dina na nagmuwestra ng mataray na mukha.
“Binabantayan ko yung movement niya, ‘Maldita ito ha, late ha!’”
“Bratinella ako,” pag-amin ni Alice.
Sundot ni Dina, “Pero dahil sa pagiging brat niya, doon kami naging friends.”
Dagdag ni Alice, nagbago naman siya.

Sa 2019 interview ni Alice kay Boy Abunda, naibahagi ni Alice kung paano sila nagkasundo ni Dina.
“I talk very honestly and naturally and openly, and so does she, kaya we were able to get along from that experience.”
At matapos ang maraming taon, nanatili raw silang magkaibigan.
Balik sa latest interview ni Boy, sinabi ni Alice na dahil sa kanyang unprofessionalism ay lumaylay ang kanyang career.
Pero nabigyan daw siya ng second chance nang mapagtanto ni Alice na mahal niya ang kanyang pag-arte.
“Doon ko na-realize na I really love what I do, I love acting, and let me give it the full love and professionalism and care it should have.”
Nang mabigyan ng pangalawang pagkakataon, hindi na raw sinayang ni Alice oras at pinagbutihan ang trabaho.
Read: Aktres na may prima-donna attitude, dapat matuto kay Alice Dixson
