Tatlong big changes ang naganap sa Pinoy Big Brother: Collab 3.0 nitong Sabado, Nobyembre 21, 2026.
Matapos ang ikalawang eviction night, nagpaalam na sa Bahay ni Kuya sina Cianne Dominguez at Nicole Fortuna.
Kasabay nito, tuluyan na ring nagtapos ang pananatili ni Robbie Jaworski bilang celebrity houseguest.
Bukod sa mga pag-alis na ito, isang mahalagang anunsiyo rin ang ibinahagi ng programa: ititigil na ang PBB all-access livestream simula ngayong gabi.
CIANNE, NICOLE EVICTED
Sina Cianne at Nicole ang ikalawang batch ng housemates na kinailangang magbalik sa outside world sa kasalukuyang season.
Naging bahagi sila ng anim na housemates na nanganib ma-evict matapos ang ikalawang nomination night noong Nobyembre 15.
Kabilang si Cianne sa nominated Kapamilya housemates, kasama sina Nathan Garcia at Primo Alterado.
Si Cianne ay nakakuha lamang ng 3.98% ng boto mula sa taong-bayan; kumpara kina Nathan na may 54.93% at Primo na may 41.08%.

Dikit naman ang mga boto ng nominated Kapuso housemates na sina Nicole (23.92%), Raheel Bhyria (39.65%), at Bela Arcal (36.43%).

Matatandaang sina Calix Esguerra at Ethan Benares ang unang dalawang housemates na na-evict sa PBB Collab 3.0.
Read: Calix Esguerra, Ethan Benares are first PBB Collab 3.0 evictees
ROBBIE JAWORSKI SAYS GOODBYE
Isa rin sa mga naging tampok sa episode ang pag-alis ni Robbie Jaworski, na naging bahagi ng programa bilang celebrity houseguest.
Hindi tulad nina Cianne at Nicole, hindi dumaan sa eviction process si Robbie dahil hindi siya official housemate. Isa siyang espesyal na katuwang ni Kuya sa Big Collab Charity Mission.
Sa kanyang pananatili sa bahay, nakasama niya ang housemates sa iba't ibang gawain at naging bahagi ng kanilang bonding moments.
Kilala bilang “Dedicated Son ng Pasig,” si Robbie ay anak ng dating basketball player at politiko na si Dodot Jaworski at ng dating Asian Games gold medalist na si Mikee Cojuangco-Jaworski.
Naging emosyonal ang kanyang pamamaalam, lalo na para sa mga housemates na naging malapit sa kanya.

PBB LIVESTREAM TO STOP BEGINNING NOVEMBER 21
Samantala, isa pang malaking pagbabago ang inanunsiyo ng PBB management, sa pamamagitan ng mga host na sina Bianca Gonzalez at Gabbi Garcia: ititigil na ang all-access livestream ng programa simula ngayong gabi, Nobyembre 21.
Sa mensaheng ipinaabot sa viewers, sinabi na layunin ng ABS-CBN na buksan ang livestream ng Bahay ni Kuya upang mas makilala ng publiko ang mga kuwento ng housemates at maunawaan at matutuhan ang mga aral mula sa kanilang mga karanasan sa buhay.
Gayunman, sinabi sa pahayag na may ilang netizens na umaabuso sa livestream sa pamamagitan ng pag-edit at paglalabas ng mga video na nagbibigay umano ng maling interpretasyon sa mga sinasabi at ginagawa ng housemates.
Hindi rin umano tama na baguhin ang konteksto ng mga kuwento upang magkaroon ng masamang kahulugan ang mga pahayag ng housemates, saka sila husgahan sa social media.
Binigyang-diin din sa mensahe na may mga video mula sa livestream na ine-edit at ibinabahagi kahit hindi pa nagkakaroon ng pagkakataon si Kuya na magsalita at gabayan ang mga housemates.
Dahil hindi naipapakita ang buong kuwento, maaaring magkaroon ng maling impresyon ang publiko sa kanila.
Para sa kaligtasan at kapakanan ng housemates at ng kanilang mga pamilya, nagpasya ang ABS-CBN at GMA na itigil ang lahat ng livestream ng Pinoy Big Brother: Collab 3.0 simula Sabado ng gabi, Nobyembre 21, 2026.
Ibig sabihin nito, hindi na mapapanood ng viewers ang tuluy-tuloy na live feed mula sa loob ng Bahay ni Kuya gaya ng nakasanayan nila.
Naging bahagi ng panonood ng maraming PBB fans ang livestream dahil nagbibigay ito ng pagkakataong masubaybayan ang housemates kahit wala silang regular episode sa telebisyon.
Sa livestream din madalas nakikita ang mga hindi naisama sa edited episodes na pag-uusap, bonding moments, at pang-araw-araw na ganap ng housemates.
Sa sunud-sunod na pagbabagong ito, panibagong yugto ang sisimulan ng PBB Collab 3.0 habang nagpapatuloy ang kompetisyon ng mga natitirang housemates.
Read: James Yap speaks up about surprise reunion with son Bimby at hospital
