Naging headline ng Page Six ng New York Post, TMZ, Variety, People, at iba pang international entertainment news sites ang pagpanaw ng Filipina reality star na si Sheila Mangubat.
Pumanaw si Sheila noong Sabado, Nobyembre 21, 2026, sa edad na 35.
Kinumpirma ang malungkot na balita ng kanyang dating partner na si David Dangerfield at ng kanyang kapatid na si Grace Mangubat.
Nakilala si Sheila nang sumali sila ni David sa Season 6 ng 90 Day Fiancé, isang American reality television series ng TLC.

Sinusubaybayan ng programa ang kuwento ng mga foreign fiancé ng mga Amerikanong nabigyan ng K-1 visa.
Pinapayagan ng naturang visa ang kanilang pagpasok sa United States sa kundisyong magpapakasal sila sa kanilang American partner sa loob ng 90 araw.
Parehong may kapansanan sa pandinig sina Sheila at David. Nagkakilala sila noong 2021 sa isang Facebook group para sa mga deaf at hearing-impaired na single.
Sa programa, napanood ang pagpunta ni David sa Cebu upang personal na makilala at makasama si Sheila sa unang pagkakataon.
Bago bumalik sa Amerika, nag-propose si David kay Sheila.
Gayunman, naghiwalay sila noong Oktubre 2025 dahil sa mga problemang pinansiyal at pagkaantala sa pagproseso ng kanilang K-1 visa.
Noong Hunyo 2026, inanunsiyo ni David na nagkabalikan sila ni Sheila, na ikinatuwa ng kanilang mga tagasuporta.
Read: PBA legend Peter June "PJ" Simon dies at 46
DAVID DANGERFIELD, GRACE MANGUBAT MOURN SHEILA
Noong Linggo, Nobyembre 22, ibinahagi ni David sa social media ang balita tungkol sa pagpanaw ni Sheila.
Saad niya: “It breaks my heart to share the news from he family that Sheila passed away on Saturday in the Philippines.
“I am devastated and still trying to process this loss. Please keep her son, her family, and me in your prayers. Thank you for all your love and support.”
Sa pamamagitan naman ng isang Facebook post, kinumpirma rin ng kapatid ni Sheila na si Grace Mangubat ang pagpanaw nito.
“Rest in peace my beloved sister Shiela Mangubat. Sorry kaau layo kaau ko, dili ko kauli. Fly high my Sister we will miss you.”
Samantala, inilabas ng Page Six ng New York Post ang mga screenshot mula sa burol ni Sheila. Kuha ang mga ito mula sa video na ibinahagi sa social media ng isa pa niyang kapatid na si Jonathan.
Hindi pa inilalabas ng pamilya ang sanhi ng pagkamatay ng Filipina reality star.
Read: James Yap speaks up about surprise reunion with son Bimby at hospital