Mariing pinabulaanan ni JP Aguilera na may kinalaman sa umano'y pang-aabuso ng menor de edad ang kanyang "playground" post sa Facebook.
Si Aguilera ay stand-up comedian, na bahagi ng grupong Pencilbox Comedy, ay mayroon ding Facebook page na nakalaan para sa kanyang comic posts.
Hindi komedya ang interpretasyon ng netizens sa nag-viral niyang post.
Sabi niya rito: "Sabi ng doktor ko watch what you eat, kaso kumokonti na yung mga playground."
Habang isinusulat ang artikulong ito ay deleted na ang post, pero maraming netizens ang nag-screenshot nito at nag-repost online.
Umalma ang ilang netizens dahil sa diumano'y double meaning ng post, na anila'y may kinalaman sa "sexualization of children."
Umabot ang isyu sa Council for the Welfare of Children (CWC), isang government agency na ang mandato ay protektahan ang karapataan ng mga menor de edad.
Noong Martes, November 24, 2026, umapela ang CWC sa National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang kontrobersiyal na FB post ni Aguilera.
Ngayong Biyernes, November 27, personal na nagtungo si Aguilera sa NBI bilang pagsunod sa natanggap niyang subpoena.
Read: NETIZENS REACT: China’s all-electric passenger plane debut
JP AGUILERA FACES NBI
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono, ipinaliwanag ni Aguilera na sinunod niya ang proseso para bigyang-linaw ang konteksto ng kanyang post.
Wala raw siyang intensiyong mabahiran ng sexual innuendo ito.
Lahad ni Aguilera: “Siyempre nagulat ako kasi parang ilang taon ko na ginagawa yung stand-up comedy, tapos writer din naman ako by profession ng ilang taon na, lampas sampung taon na.
“Parang nagulat ako na first time in my writing career, in general, na na-misconstrue yung mga gusto kong sabihin, yung mga gusto kong ano, i-express
“Ayun, nung start ganun. Kaya nung nakita ko na nagbo-blow up, sabi ko, kasi ang hirap kung i-explain ko sa isa-isa.
“Sabi ko kasi, wala rin, parang may chance din na hindi nila tanggapin yung explanation. So, tinake down ko lang.
“Sabi ko, baka mas ano ito, kumbaga mas wise na decision yun.”
Read: Hasna Cabral’s daughter calls out AI-generated images of late mom
JP AGUILERA INSISTS HIS "JOKE" NOT MEANT TO SEXUALIZE KIDS
Ayon pa kay Aguilera, hindi raw siya nagdalawang-isip na humarap sa NBI dahil alam daw niya ang totoo.
Kumonsulta raw siya sa abogado, pero solo siyang dumating sa NBI.
Paliwanag ni Aguilera: "Wala, ako sa sarili ko, wala naman akong itinatago, e. Malinis yung konsensiya ko.
“Alam ko nung isinulat ko yung joke na iyan, kasi di ba ang ibinabato nila sa akin is may sexual innuendo siya?
“In-explain ko nga sa kanila na parang yung joke, reference iyan ng ano, e, pag nakakita ka ng ano, halimbawa, yung ang kulit ng anak mo, sasabihin sa iyo, ‘Ang likot-likot mo! Iyan, sige, ipapakuha kita diyan, ipapakain kita dyan kay Manong.’
“Pag nakita mo yung hitsura ko, ilang beses na rin ako nabiktima ng ganun, ako yung manong, e.”
Aniya, self-deprecating dark humor ang atake niya. Iba nga lang ang naging dating sa ibang nagbasa.
“Pero yun nga, in my case, hindi lang ako basta dark humor. Ang dark humor ko naka-anchor sa experiences ko as a father, sa anxieties ko, sa fear ko as a father.
“Yung naging pagpapalaki sa akin, paano ko kino-compare yung pagpapalaki ko sa sarili kong anak ngayon.
“Kaya yung sinasabi nila na, yun nga, na sine-sexualize, parang never kong na-imagine yun.
“Kasi, di ba, sinong tatay in his right mind ang mag-iisip ng ganun? Di ka gagawa ng joke na parang, ‘Pucha, ano yun?’
"Parang sarili mong ano, di ba? E, tatay ka nga,” diin pa ni Aguilera.
Katwiran din niya: “Kung mapapanood niyo ako live, makikita niyo talaga na yung jokes ko about, pag makulit yung anak ko, di ba, napapalo ko siya minsan, tungkol sa mga ganyan. Mas ganun ko ide-describe yung comedy ko, e.”
Base sa viral post ni Aguilera, kasama sa na-screenshot ng mga netizens ang isang komento ng netizen na nagsasabing, "[Playground name] i-check mo. Kaso sobrang risky.”
Lalo itong ikinagalit ng netizens dahil sa negatibong konotasyon nito na may kinalaman sa mga menor de edad.
“Yun ang mahirap, e, yung comment, na-associate agad sa akin,” sagot ni Aguilera nang tanungin ng PEP ukol dito.
“So, parang ang nangyari, na-reinforce yung gusto nilang isipin na bastos nga yung joke.
“Which is pag tiningnan mo naman yung post, tiningnan mo yung mga screenshot, never ko naman ni-recognize, never ko naman in-acknowledge na parang iyan yung meaning niyan.
“Parang ang sa akin, dapat hiwalay ako doon sa comment na yun. Hindi porke't ganun yung naging ano nila, reaction nila.
“Yun nga, parang eto, magbo-boil down to sa intent, e. Parang, di ba, as a writer, alam mo naman kung ano yung gusto mong iparating.”
Read: Abby Choi's ex-husband reveals alleged affair after their divorce
JP AGUILERA ON DEACTIVATING HIS FACEBOOK PAGE
Mayroong 63,475 followers si Aguilera sa kanyang Facebook page, pero kasalukuyang naka-deactivate ito.
Saad niya: “Comedy is subjective talaga.
"Kumbaga, kahit gaano ko pa siya kaayos i-word, kahit gaano ko pa siya kaano isulat, may puwedeng maka-misinterpret sa kanya.
“Parang hindi ko nga alam kung ibabalik ko pa yung Facebook page ko, e, kahit marami ng followers yun, e.
“Parang ang iniisip ko, kung nangyari ito ngayon, ano yung kasiguraduhan ko na hindi yun mangyayari ulit in the future, di ba?”
