Pagkatapos ng ilang buwan ding pamamahinga ay
balik-telebisyon na naman si Raymart Santiago sa bagong primetime telefantasya
ng GMA-7, ang Gagambino, na mapapanood na simula Oktubre 20.
"Oo nga, tapos na ang pahinga, back to work na ulit. Happy naman ako at nakasama ako sa cast ng Gagambino," sabi ni Raymart sa PEP (Philippine Entertainment Portal) during the press launch of Gagambino last night, October 13, sa Studio 3 ng GMA Network Center.
Ano ba ang role niya sa Gagambino?
"Ano ako dito, e, pulis na pamangkin ko si Katrina [Halili]. Mabait akong pulis dito, hanggang sa ma-frame-up, may nasagasaang pulitiko, hanggang sa natanggal sa pagkapulis. Hanggang sa ako yung magbubuo ng grupo ng mga superheroes, sina Dennis [Trillo], Katrina, at iba pa. Ako ang magiging leader nila. Pero wala akong powers dito. Hindi ko rin alam kung bibigyan nila akong powers. Baka kagatin nila ako!" pabirong sabi ni Raymart sa PEP.
May action scenes ba siya rito?
"Well, hindi ko pa masasabi kasi hindi pa nakukunan. Actually, three weeks pa lang yung nagagawa namin. Wala pa doon sa eksenang binubuo yung grupo, wala pa dun. Sa fourth week pa lang yata yun. Ang kinukunan pa lang namin ngayon is yung pini-frame-up pa lang ako. So, hindi ko pa maikukuwento yung mga action scenes," lahad ng aktor.
ALL ABOUT TRIATHLON. Speaking of action scenes at pagiging active, isa sa pinagkakaabalahan ni Raymart ngayon ay ang sport niyang triathlon na kinabibilangan ng swimming, cycling, at running. Ito marahil ang dahilan kaya active na active pa rin siya at mas mukhang bata ang hitsura ni Raymart kumpara sa edad niyang 35 years old.
Gaano kadalas siyang nag-eensayo para sa sport niyang ito?
"Noong namahinga ako, araw-araw," sagot niya. "Ngayon ‘pag may time, at least three times a week. At kumarera lang ako noong Linggo [October 12] sa national age group. May mga legs yun, e, like sa Alabang, sa Los Baños. Hindi naman ako pumuwesto, pero natapos ko naman yung karera."
Paano ba nag-umpisa ang hilig niya sa triathlon?
"Actually, nag-umpisa ito bago ako ikasal. Parang sabi ko sa sarili ko, ‘Kailangan payat ako pagdating ko ng wedding.' So, nagbibisikleta na ako noon. Nag-aaral talaga ako. Yung teacher ko noon, na coach ko ngayon, ay talagang triathlete, tinanong niya ako kung gusto kong mag-triathlon. Um-oo ako kasi gusto ko yung pinahihirapan ang sarili ko. Gusto ko yung sagad," paliwanag ni Raymart.
Ano ang sabi ng asawa niyang si Claudine Barretto tungkol sa sport niyang ito?
"Okay naman. ‘Pag may mga karera kami, kasama ko naman yung buong pamilya. So, nagiging parang bakasyon na rin namin yun, bonding moment na rin namin."
ALL ABOUT FAMILY. Madalas nang lumalabas sa commercial ang kanyang asawa at mga anak sa commercials. Posible bang lumabas silang buong mag-anak sa isang commercial?
"Abangan. Hindi pa puwedeng pag-usapan kasi nasa proseso pa siya ng negosasyon," sabi ni Raymart.
Kumusta na ang family?
"Okay naman. Yung bunso [Santino], makulit na, takbo na nang takbo. At saka madaldal. Yung isa naman, si Sabina, malambing. Ngayon palaging natutulog sa kuwarto namin," masayang kuwento ni Raymart.
ALL ABOUT CLAUDINE. Very supportive siya kay Claudine at madalas ay nakikitang kasama siya nito sa mga events.
"Oo, sa tingin ko naman dapat talaga yun, e," sabi ni Raymart. "Role talaga ng asawa yun, e, yung suportahan ang asawa niya sa mga importanteng bagay sa buhay niya."
Pati ba sa pagdedesisyon ni Claudine ay supportive din si Raymart o siya yung tipong nakikialam?
"Alam mo, malaki na si Claudine para magdesisyon nang sarili niya. Alam naman niya kung ano ang tama at mali. Sinasabi niya yung gagawin niya. Nakikinig lang naman ako. Hindi pa naman dumadating sa punto na nag-clash kami or hindi nagkasundo, especially tungkol sa trabaho."
May lumabas na isyu noon na plano raw umanong umalis ng Star Magic ni Claudine. Pero sinagot naman ito ni Claudine na hindi naman talaga siya aalis ng Star Magic. Ang gusto niya lang ay magkaroon ng sarili niyang publicist at mga taong tutulong pa sa kanya. Ipinaalam ba ito ni Claudine sa kanya?
"Oo, pero mas maganda na sa kanya na manggaling ‘yon," iwas ni Raymart. "Siya na lang magpaliwanag ng tungkol doon. Kasi para sa akin, maselan yung bagay na ‘yon. Baka kung anong masabi ko at ma-misinterpret pa. Pero ngayon, masaya naman siya sa Star Magic. Masaya naman siya sa ABS-CBN."
Mas gusto ba ni Raymart na manatili si Claudine sa ABS-CBN o gusto niyang magkasama sila sa GMA-7?
"Alam mo, hindi ko alam. Kasi hindi ko alam kung yung pag-aalaga ng ABS sa kanya, ganun din ang mangyayari dito. Siyempre, I always want the best for my wife at nakikita ko naman yung pag-aalaga ng ABS sa kanya. Hindi ko alam kung sakaling lumipat siya rito ay ganun din ang pag-alaga sa kanya. At saka, parang ‘pag sinabing Claudine, sa ABS siya, sa Star Magic siya," saad ng aktor.
Siya ba ay merong alok para lumipat sa ABS-CBN?
"Meron ganun, pero hindi ko naman iiwan ang GMA," sabi ni Raymart. "Kuntento naman ako sa GMA. Pero sana... Nami-miss ko rin kasi yung paggawa ng sitcom, e, sana mabalik yun. ‘Tapos, okay na ako."
Pagdating naman sa relationship nila ni Claudine, ano na ang pinaka-sweet na nagawa ng asawa for him?
"Alam mo maalalahanin naman ‘yan si Claudine, e. At sa akin, wala nang tatalo sa ipinakikita niyang pag-aalaga sa akin, pati sa mga bata. Parang sobra pa yun sa word na 'sweet', yung ipinakikita niyang suporta sa aming pamilya, yung pagmamahal niya. Kahit alam mong puyat na siya at pagod na pagod, pero gumagawa pa rin siya ng paraan para kahit ilang oras ay makasama pa niya kami. Imbes na itulog na lang niya, ibinibigay pa niya yung oras niya sa amin. Sa akin, hindi mo mababayaran ‘yon, e," lahad ni Raymart.
Sa relationship ba nila, sila yung tipong pinag-uusapan agad ang problema or magpapalamig muna sila bago mag-usap?
"Well, as much as possible, pag-uusapan agad, di ba? Yun ang tama, yun ang pina-practice natin. Pero kahit nga minsan yun ang dapat, minsan hindi naman yun ang nangyayari na matapos agad yung problema ng araw na ‘yon. Pero as much as possible, ganun. Ang maganda riyan, sa ending ay napag-usapan din at naayos din," pagtatapos ni Raymart.