Aminado ang aktor na si Jomari Yllana na nami-miss niya ang buhay may-asawa. Matagal na panahon na rin naman magmula nang naghiwalay sila ni Aiko Melendez, pero hindi raw niya maituturing ang sarili na binata talaga kahit "separated" ang status niya.
"Actually kapag may anak ka na, iba na talaga, e," simula ni Jomari. "Kahit binata ka na walang partner, kapag may anak ka na, iba na ‘yon. Masasabi ko naman na at a very young age, ang dami ko nang pinagdaanan as binata bago ako nagkaroon ng anak. Marami rin akong na-experience na maganda noong panahon ng Guwapings, so masarap ding maging single, masarap din na mayroon kang partner. Pero hindi ko na ma-consider din iyong sarili ko na binata, yung sasabihin mo na parang bachelor talaga, kasi may anak na ako e."
Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jomari kagabi, October 16, sa birthday bash ng entertainment writer na si Pilar Mateo sa Music 21 sa Timog Ave., Quezon City.
Nami-miss niya rin ba ang buhay na may asawa?
"Oo naman, siyempre!" sagot niya. "Iba pa rin ‘yong buo ang pamilya, hindi ba? The best pa rin yung kapag buo ang pamilya mo."
Anong partikular ang na nami-miss niya sa pagkakaroon ng asawa?
"Yung may nag-aalaga sa ‘yo sa bahay. 'Tapos, inaalagaan ka ng asawa mo, inaalagaaan ka ng anak mo, and vice versa siyempre," sabi ni Jomari.
CLOSE TO PERFECTION. Tungkol naman sa kanila ni Pops, nang usisain ng PEP kung paano niya ide-describe ang kanilang relasyon, matipid na "close to perfection" ang sagot nito.
Pero ayaw ikumpara ni Jomari si Pops sa ibang mga nakarelasyon niya.
"Siyempre, wala naman talagang perfect na relasyon, di ba? Pero masasabi ko na siya [Pops] lang siguro ‘yong pinaka-kasundo ko sa lahat. Although iba-iba naman siyempre lahat, masama namang magkumpara. Pero masayang-masaya ako ngayon, ibang klase yung happiness na nakukuha ko sa relasyon namin ni Pops, sobra!" nakangiting wika ng aktor.
Gaano na ba kalalim ang relasyon nila?
"Paanong malalim ba?" balik-tanong ni Jom. "Parang ang lalim-lalim naman ng tanong na ‘yan e! Gaano na ba kalalim ‘yan, parang nakabaon na yata sa lupa ‘yan" natatawa niyang biro.
"Pero hindi... Kami naman kasi, sobra kaming magkasundo. Hindi kami nag-aaway, e," dagdag niya.
Sabi niya malalim na ang relasyon nila ni Pops, so ano na ang next level?
"Hindi ko sinabing malalim ha, kayo ang nagsabi!" pabirong sagot ng aktor.
Patuloy niya, "The next level? Lagi kaming may ginagawa together, ‘tapos ang dami-dami naming gustong gawin. Magta-tatlong taon na kami, so marami naman kaming nagagawa.
"Yung next level, kung mayroon naman kaming gagawin, siyempre ia-announce naman namin. Mayroon kaming pinaplano next year, pero secret muna. Basta mayroon kaming pinaplano."
Kasal na ba ito?
"Hindi, hindi," maagap niyang sagot.
Pero yung kasal, darating din ba sila sa puntong ‘yon?
"Oo," matipid at parang bantulot pa niyang tugon.
Sinabi ni Jomari sa isang interview na kapag malaki na si Andrei, ang anak niya kay Aiko Melendez, ay ‘tsaka siya pakakasal ulit.
"Malaki na ‘yong anak ko, Grade Five na siya," banggit ni Jomari.
So any moment ay puwede na siyang magpakasal?
"Tingnan natin. Pero actually, hindi naman namin napapag-usapan 'yan ni Pops, e," saad niya.
Pero baka naman naghihintay lang si Pops na mag-propose siya?
"Tingnan natin, pero kami, ang dami naming gustong gawin. Para sa pamilya, yung ganyan; yung anak ko, yung mga anak niya. Siyempre, ‘yon naman ang mga priority pa rin, e."
Two to three years from now, masasabi niya kayang handa na siyang mag-asawa ulit?
"Mahirap sagutin, e. Pero at this point, ngayon ha, masasabi kong hindi pa. Although, totoo rin na may mga nag-aasawa na hindi naman pinaplano talaga, e. Posible ‘yon, pero this time, I'll make it a point na sigurado at planado talaga lahat," pagtatapos ni Jomari.