Isa-isang sinagot ni Angel Locsin ang mga kinakaharap niyang intriga ngayon sa one-on-one interview niya kay Mariel Rodriguez sa Entertainment Live na ipinalabas kahapon, October 25, sa ABS-CBN 2.
Kabilang na rito ang lumabas na balita sa mga tabloid tungkol sa isang handler ni Becky Aguila, ang manager ni Angel, na nanloko daw. Pero nadadawit daw ang pangalan ni Angel dahil ayon sa naturang staff na nagngangalang Mel Pulmano, handa raw siyang maglabas ng baho ng mga artistang hawak ni Becky, kabilang na nga si Angel.
"Sige, samahan ko pa siya," matapang na sabi ni Angel. "Siguraduhin lang niya na tama yung sasabihin niya kung ayaw niyang makasuhan."
Muli na naman kasing lumutang ang isyu about Angel na nagpa-abort daw. Unang lumabas ang isyung ito kay Angel simula noong lumipat siya ng istasyon mula sa GMA-7 to ABS-CBN 2.
"Oo nga, yung nagpa-abort. Ano ba yan? Siguro ang dami kong time na lumipad ako, ‘tapos may fight scenes, sumisid, ‘tapos nangabayo. Naaano lang ako kasi bumabalik na naman yung isyu, e. Pero sana, huwag na lang bastusan, kasi pagkababae ko na po yung pinag-uusapan. Ibang usapan na po yun. Handa po akong lumaban."
Nang hingan ni Mariel si Angel ng message para sa naturang handler, heto ang nasabi ni Angel, "God bless. Hindi ko alam, kasi hindi naman ako involved kaya wala akong masasabi sa kanya."
LAND DOWN UNDER. Kasama rin sa napag-usapan nina Mariel at Angel ang tungkol sa inaabangang movie ni Angel with Piolo Pascual na Land Down Under.
"Kakaibang experience talaga. Ito yung first movie ko sa Star Cinema."
Kinumusta rin ni Mariel ang pakikipagtrabaho ni Angel kay Direk Rory Quintos, na first time maging direktor ni Angel.
"Wow, sobrang happy talaga ako na nagkaroon ako ng opportunity na maging artista ni Direk Rory Quintos."
NOMINATIONS. Binati naman ni Mariel si Angel at tinanong ang feeling sa pagiging nominado nito sa dalawang kategorya sa Star Awards for TV—Best Single Performance by an Actress para sa Maalaala Mo Kaya at Best Drama Actress para sa Lobo.
"Hindi ko alam kung maiiyak ba ako. Siyempre hindi pa ako puwedeng umiyak kasi hindi pa naman ako nananalo. Pero yung ma-recognize ka lang bilang isang aktres, yung medyo, ‘Uy, puwede itong batang ito,' parang ang sarap na ng feeling. Sobrang nakakataba ng puso."
FOLDED & HUNG ISSUE. Inabangan ng marami ang pagrampa ni Angel Locsin sa 10th anniversary fashion show ng Folded & Hung na ginanap sa A. Venue sa Makati City, last October 23, ngunit tanging ang dati niyang nakairingan na si Claudine Barretto ang nakita ng mga tao, kasama si Maja Salvador at iba pang models ng F&H.
Sa hiwalay na interview ng Entertainment Live kay Angel, ipinaliwanag ng aktres kung bakit hindi siya nakarating sa naunang F&H fashion event, habang sumipot naman siya at rumampa sa isa pang fashion show ng F&H nang sumunod na araw, October 24, sa Mall of Asia.
"Nahihiya nga po ako kasi na-interview ako ni Mariel for E-Live, sinabi ko kasi papunta ako ng Australia. Dapat nga po paalis na nga po kami ngayon. Dapat nga po hindi rin ako kasali ngayong araw, kaya lang na-pack up yung shooting namin, so, pumunta na ako rito."
Nag-iiwasan ba sila ni Claudine?
"Wala, wala po. Ang arte ko naman kung umiwas-iwas pa ako. Ako pa yung choosy, e, Claudine Barretto yun. Okey naman lahat. Nakapag-usap na kami. Nirerespeto ko si Ms. Claudine Barretto."