Isa si Eugene Domingo sa mga bagong talents ng TV5. Host ang komedyana ng bagong show na Ha-Ha Hayop, na magpi-feature ng funniest videos ng iba't ibang hayop, at nasa cast din siya ng sitcom na Everybody Hapi. Kaya present si Eugene sa second season launching at Christmas party ng TV5 last Tuesday, November 13, sa A.Venue Hall sa Makati City.
Nang magkaroon ng pagkakataon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) na makakuwentuhan si Eugene, tinanong namin siya kung aware ba siya sa isang blind item na tila siya ang tinutukoy.
"Oo naman! Alam ko yun," sagot ni Eugene.
Hiningi muna namin ang permiso niya kung nais niyang "patulan" ang naturang blind item.
"Sus, luma na ‘yon, ‘no!" sabi ng komedyana. Pero okay lang daw sa kanya kung ungkatin namin uli yun. Actually, muling nabuhay ang blind item sa ilang tabloid dahil may ginagawang pelikula si Eugene ngayon.
Ang blind item ay tungkol sa isang komedyana at isang young actor. Ayon sa takbo ng kuwento, nagkasama ang dalawa sa isang pelikula. Iisa lang ang dressing room nila at share din daw ang komedyana at young actor dito.
Minsan ay nagkasabay ang dalawa sa dressing room. Pero naunang lumabas ang komedyana, kaya naiwan ang young actor doon at ito nga ang huling lumabas.
Nang bumalik daw ang komedyana sa dressing room, nadiskubre niyang wala na ang cellphone niya. At dahil ang young actor ang huling nanggaling doon, ito na raw ang pinagbintangan niyang nagnakaw ng kanyang gamit.
Itinanggi naman daw ng young actor ang akusasyon ng komedyana. Sumumpa pa raw itong hindi niya magagawa ang magnakaw. Pero hindi raw naniwala ang komedyana.
Ngayon ay magkasamang muli sa isang pelikula ang komedyana at young actor. Panay raw ang parinig ng una sa mga kasamahan nila na ingatan ang kanilang mga gamit dahil may kasama raw silang "magnanakaw." Naiinis na raw ang young actor sa mga parinig ng komedyana, kaya gusto na raw niya itong patulan.
Ang clue ng blind item: Nagka-award na ang komedyana at ang young actor.
Nang makausap namin si Eugene, pinagdiinan niya agad na hindi siya nambibintang o nagpaparinig.
"Totoong nawalan ako ng cellphone. Pero wala naman akong pinagbibintangan," sabi niya.
At ang tinutukoy naman daw na young actor sa blind item ay si Jiro Manio. Nagkasama ang dalawa sa Foster Child last year at magkasama sila ngayon sa Ang Tanging Ina Ninyong Lahat ng Star Cinema.
"Saka si Jiro Manio," sabi ni Eugene, "sobrang mahal ko ang batang ‘yan! Ba't ko naman siya pagbibintangan?"
Dagdag niya, "Ano ba, 1952 pa ‘yang blind item na ‘yan, huh! Basta, hindi ako nambibintang at mahal ko si Jiro!"