Pansamantalang ipinahinga ni Vic Sotto ang serye ng Enteng Kabisote upang bigyan daan ang reunion movie nilang tatlo nina Tito Sotto at Joey de Leon, ang Iskul Bukol: 20 Years After.
May dalawang dekada na rin ang nakararaan nang huling magsama-sama ang tatlo sa sikat na sitcom noon sa telebisyon, ang Iskul Bukol nga. Ngayon, sa movie version nito, layunin nina Tito, Vic & Joey, o TVJ, na ipakilala sa bagong henerasyon ang barkadahang kinagiliwan ng mga manonood noon. Muli ngang nabuhay ang karakter noon nina Tito at Joey bilang Escalera Brothers at si Vic bilang si Victorio Ungasis.
Sa pagpupursigi ni Vic ay natuloy ang pelikula at ngayon nga ay naging entry pa sa 2008 Metro Manila Film Festival this December. Ang Iskul Bukol: 20 Years After ay co-produced ng sariling produksyon ni Vic na M-Zet TV Productions with OctoArts Films ni Orly Ilacad at APT Entertainment ni Tony Tuviera.
Kasama ng TVJ sa cast ng pelikula ang ilan sa original cast ng Iskul Bukol sa telebisyon upang muling buhayin ang kanilang mga karakter. Kabilang dito sina Bibeth Orteza, Jimmy Santos, Mely Tagasa na mas kilala noon bilang istriktong teacher na si Miss Tapia, Ritchie D' Horsie, at Anthony Roquel na kilala noon bilang bading na si Tonet Macho.
Gaganap naman sa mahahalagang roles sa pelikula sina Ryan Agoncillo, Jose Manalo, Robert Villar, Oyo Sotto, Gian Sotto, Keempee de Leon, Carlene Aguilar, Francine Prieto, Krista Ranillo, Pauleen Luna, at Nicole Uysiuseng. May special apperance din ang Megastar na si Sharon Cuneta bilang younger sister nina Tito at Joey na si Sharon Escalera.
Kahapon, November 25, ay nagkaroon ng grand presscon ang Iskul Bukol; 20 Years After na ginanap sa Marina restaurant sa Timog Ave., Quezon City. Nagkaroon ng pagkakataon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) na ma-interview si Vic Sotto.
Bakit naisipan nilang magsama-sama ulit at buhayin sa pelikula ang Iskul Bukol?
"Alam namin na na-miss ng mga tagahanga namin ang Iskul Bukol na tumakbo rin ng sampung taon sa telebisyon," sabi ni Vic sa PEP. "At kaming tatlo, as TVJ, last time na gumawa kami ng pelikula was 1990 pa yata, e. So, it's about time na magkaroon ng reunion yung TVJ, and what's more fitting kundi yung reunion din ng Iskul Bukol: 20 Years After. Ano na ang nangyari sa Escalera brothers? Ano na ang nangyari kay Ungasis, kay Miss Tapia, and the rest of the gang."
Gaano katagal na-conceptualize ang movie?
"Matagal. Siguro mga one hour!" biro ni Vic.
Ano ang feeling na nagsama-sama ulit silang tatlo nina Tito at Joey?
"Mabuti. Nakatutuwa. Nakasama ulit namin yung mga matagal na naming hindi nakita... Si Miss Tapia, si Bibeth, si Ritchie D' Horsie, na matagal na palang nakakulong pero ngayon lang namin nalaman at napagkasunduan nga namin na tulungan. Lahat naman ng nagkakamali sa buhay ay dapat binibigyan naman ng pagkakataon na magbago at ituwid ang mga mali," saad ni Vic.
Ganun pa rin ba ang kakulitan nila sa set?
"A, oo!" sambit niya. "Hindi ka mapapagod dahil enjoy lahat, e. Masaya...biruan. Back to the good old days, ‘ika nga."
TAKING A BREAK. Last year, during the presscon of Enteng Kabisote 4, nasabi ni Vic na baka umabot pa ng Part 10 ang serye ng naturang pelikula. Bakit pinahinga muna niya ang Enteng Kabisote para gawin itong Iskul Bukol?
"Pahinga muna, e, break. Iskul Bukol muna. Siguro mga apat na Iskul Bukol ulit, tapos balik tayo kay Enteng Kabisote 5 hanggang Enteng 10!" may halong birong sabi ni Vic.
So, puwede palang maging series din ang Iskul Bukol?
"Puwede, dahil malawak ang tinakbuhan ng istorya at hindi na katulad ng dati na naka-confine lang sa isanng classroom. So, ito yung mga buhay na nina Ungasis at mga Escalera, at ng iba pang kasamahan namin."
Kapansin-pansin na may adventure factor ang Iskul Bukol.
"Yeah, dahil ako nga ay isa ng archeologist, nandun yung adventure factor ng pelikula na may kinalaman sa mga kalokohan ng Escalera brothers," sabi ni Vic.
Ano ang expectations niya sa Iskul Bukol, since naging big hit ang serye ng Enteng Kabisote?
"Wala naman," sagot ni Vic. "Sa tingin ko, magiging curious dito yung mga bata. Parang Enteng Kabisote lang ‘yan at Okay Ka Fairy Ko, yung mga hindi inabot yung Iskul Bukol sa telebisyon, siguradong magiging curious. Yung mga magulang naman siguro na inabot yung henerasyon ng Iskul Bukol ay maipapaliwanag ito sa mga bata. At saka sinigurado naman namin na kahit anong age ay mag-e-enjoy panoorin ito, hindi lang yung mga fans noong araw, hindi lang yung mga tagasubaybay noon sa telebisyon, kundi pati yung mga younger ones. We guarantee entertainment for them."
May pressure ba para maging top grosser ulit ang Iskul Bukol sa Metro Manila Film Festival?
"Hindi ko iniisip yun," ani Vic. "Basta masaya ulit ang ating Pasko at maging matagumpay ulit ang Metro Manila Film Festival. Hangga't maaari nga panoorin natin lahat ng entries para bumalik ang sigla, bumalik ang mga ngiti ng mga kasamahan natin sa industriya."
Bakit wala pa ring kupas ang TVJ? Ano ang sikreto nila?
"Wala naman talagang sikreto. We just enjoy life. Masaya kaming tatlo kapag magkakasama kami," sagot ni Vic.
ON OYO SOTTO. Masaya rin si Vic na kasama niya sa Iskul Bukol ang anak niyang si Oyo Sotto.
"Noong ipanganak si Oyo, noong 1984, may Iskul Bukol pa noon, e. Noong lumaki-laki siya ng konti, isinasama ko siya sa taping," kuwento ni Vic.
Si Oyo ba humihingi rin ng advice sa kanya pagdating sa akting lalo na sa comedy?
"Malaki na ‘yan, e. Marami na ‘yang eksperyensiya sa larangan ng pag-arte. Tuluy-tuloy yung pag-aaral niya sa pag-arte, sa pakikisama sa tao... Hindi ko kailangang ituro sa kanya yun.
"Ako naman ay nagbibigay lang ako ng advice kung kinakailangan at ang mga naibigay ko naman sa kanya ay yung mga basics sa buhay. Pero mas gusto kong sa kanya manggaling mismo yung mga desisyon niya sa buhay. Kasi balang-araw, kapag wala na ako, siya na yung magma-manage sa buhay niya. So, ngayon pa lang mag-practice na siya.
"Pero si Oyo is a very responsible son. Hindi ko na kailangan i-explain sa kanya ang maraming bagay, alam na niya kung ano ang tama, kung ano ang mali. Nakikita ko rin na magaling siyang makisama sa mga tao kahit hindi niya kilala. He is easy to get along with."
May say ba siya sa pagdating sa lovelife ng kanyang anak?
"Yung mga ganyang bagay, may kanya-kanyang personal na desisyon sa buhay ‘yan. Not unless if my advice is solicited, then that's the only time that I would say something about it," saad ni Vic.
ON PIA GUANIO. Mabilis naman ang naging sagot ni Vic nang matanong ng PEP kung may guesting ba ang girlfriend niyang si Pia Guanio sa movie.
"Wala!" madiing sagot ni Vic na tila nakakaramdam na ang mga isusunod na itatanong ng PEP ay tungkol kay Pia.
Pero tinanong pa rin ng PEP kung bakit hindi nakasama si Pia.
"Walang magandang role, e. Siyempre espesyal siya kaya dapat espesyal din ang role. Hindi naman puwede yung basta mai-guest lang," sagot ni Vic.
Kumusta naman sila?
"Okay kami. Masaya kami."
At nagawa ring isingit ng PEP ang tanong kung may wedding plans na ba sila.
"Wala pa," sagot niya. "Kung meron ia-announce ko. Wala kaming planong isikreto. If ever that will come, ia-announce namin yun."
CHRISTMAS WISH. Tinanong din ng PEP si Vic na since nalalapit na ang Kapaskuhan, ano ang Christmas wish niya?
"Christmas wish? Peace and prosperity for all of us. Tulad ng sinabi ko kanina, para sa bansa natin, para sa buong mundo. Mabuti nga tayong mga Pilipino, hindi masyadong iniinda yang krisis-krisis na ‘yan. Kahit anong dumaan sa atin, kahit anong problema, tuloy pa rin tayo. Enjoy life. So I wish for a peaceful and prosperous New Year," pagtatapos ni Vic.