Kumpara sa huling interview ni Oyo Sotto, naging mas naging open na siya nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment writers sa press conference ng Iskul Bukol: 20 Years After kahapon, November 25. Kasama si Oyo sa cast ng Iskul Bukol: 20 Years After, na official entry ng OctoArts Films, M-Zet, at APT Productions sa 2008 Metro Manila Film Festival.
Mas open na nga si Oyo sa pagkukuwento kung ano talaga ang nangyari sa kanila ng rumored girlfriend na si Kristine Hermosa sa concert nina Rihanna and Chris Brown sa The Fort noong November 16. May mga lumabas kasing reports na nagkaroon daw ng lovers' quarrel that night.
"'Eto, lilinawin ko na lang talaga yung nangyari sa concert," simula niya. "Kasi the last time, ayaw ko na lang talagang magsalita. Yun nga lang, nagmukha kaming sinungaling, ako at si Tin, dahil inamin ko raw na kami na. Nililinaw ko po na wala po kaming relasyon ni Tin. Yun lang po ang totoo.
"E, bad trip na kaming dalawa nun dahil yung sa gate, yung sa platinum, gold entrance, sinarado nila yung gate, ayaw nilang magpapasok. Parang sumisigaw ang mga tao ng ‘Refund, refund!' We had to leave. Kapag nagsabayan kami, mas mahirap kaya sabi ko, ‘Sige, mauna ka na.'"
Na-enjoy pa ba nila ang concert or nainis na sila?
"Pagdating namin, medyo magulo na ang concert. Parang hindi maayos. Yung gold, ang layo na. Sabi nga namin, ‘Sana nag-platinum na lang tayo.' Yun pala, ang platinum, ganoon din, ang layo rin. So, sabi ko, parang wala naman nang difference kung mag-platinum ka man or mag-gold."
Nakaapekto ba sa kanila ni Kristine yung mga naglabasang isyu after that?
"Hindi, natawa kami!" tawa rin ni Oyo. "Pati si Mommy [Dina Bonnevie], sabi niya, ‘Nakakatawa naman. Yung mukha mo kasi parang naghahabol ka.' So, tawa lang nang tawa si Mama about dun sa nangyari."
THE REAL SCORE. Ano na nga ba ang real score sa pagitan nila ni Kristine? Panay kasi ang sabi nila na hindi pa sila, pero madalas naman silang makitang magkasama.
"E, ewan ko," pagkikibit-balikat ni Oyo. "Sabi ko nga, parang hindi rin naman pinipilit kasi. Kaya mas okey na kaibigan na lang kami ni Tin. And if ever man na mahulog na talaga ang loob namin sa isa't isa, bakit naman hindi?"
Noong Enteng Kabisote 1 pa raw nang makilala ni Oyo si Kristine. Pero naging close na lang daw sila sa second and third installments ng pelikulang pinagbidahan ng ama ni Oyo na si Vic Sotto.
Si Kristine ba ang pinakamatagal niyang naging kaibigan bago niya makarelasyon?
"Si Tin yung parang siya yung longest friend ko talaga na mahal ko rin naman," sagot ni Oyo. "Sa akin naman kasi, kahit na ano, happy na ako na friends kami ni Tin. Ang hirap minsan na kapag may relasyon, ano, e, puwede kayong maghiwalay. Kapag nag-away, ‘Hindi, ayoko na! Hiwalay na!' Puwedeng ganoon. Unless kapag kaibigan, walang iwanan, kasi kaibigan talaga, e."
Iginiit ni Oyo na hindi talaga sila ni Kristine, lalo na't bigla niyang makita niya sa presscon ang entertainment writer na nagsulat na sila na raw ni Kristine.
"Gusto ko lang linawin, hindi kami ni Tin," diin ni Oyo. "Kasi ang nangyari, meron lang mga na-receive si Tin na mga text na parang... Bakit daw nagsisinungaling kaming dalawa? Yun lang ang siguro hindi nila naintindihan."
But to set the record straight, nililigawan ba niya si Kristine?
"Hindi, e. Ang pangit kapag sinabing ligaw. Parang putting your best foot forward. Ang sa akin, kung gugustuhin ko man at maghahanap ako ng partner for life, gusto ko best friend ko siya. Kasi, mas totoo ang feeling kapag kaibigan," paliwanag ni Oyo.
So, posibleng si Kristine yun?
"Puwede! Bakit hindi? Okey naman siya, e."
Hindi kaya si Kristine lang ang hindi open na umamin na sila? Kung ibabase kasi sa previous relationships ni Oyo—kina Anne Curtis, Alessandra de Rossi, Angel Locsin—he's been very open kapag may girlfriend siya.
"Wala naman kasing aaminin. Wala talaga," nakangiti niyang sabi. "E, kung kami lang talaga ni Tin, bakit hindi, di ba?"
Pero aniya, "Alam n'yo dati, parang importante sa akin ang tag. Parang ‘we.' Pero ngayon, mas importante sa akin ang friendship. Kasi puwedeng maging kayo, pero hindi n'yo naman mahal ang isa't isa. Mas maganda na magkaibigan kayo, pero may respect at totoo kayo sa isa't isa. Mas open, mas vocal, mas prangka. Hindi kagaya ng kapag may relasyon, nandiyan na ang selos, away."
Sino ba sa kanilang dalawa ni Kristine ang nagkakaroon ng problema pagdating sa commitment?
"Actually, wala, e," sagot ni Oyo. "Parang feeling lang namin pareho. Kasi kung minsan, kung talagang pinapakinggan mo ang sinasabi ng isang tao, mararamdaman mo kung ano ang gusto niya, e. Siguro naiintindihan namin ang isa't isa na walang relasyon."
ON JERICHO & DIETHER. Magkakaroon kaya ng isyu o selos sa part ni Oyo ngayong balik-tambalan muli sina Kristine at Jericho Rosales? Lalo pa't may mga kissing scenes daw ang dalawa?
"Well, actually, naaalala ko nga, natatawa ako kay Tin noon... Nagte-taping siya ng [soap] nila ni Echo. Tinatanong ko siya, ‘O, ano ang nangyari?' Kasi for a time, naging fan din ako ng love team nila.
"Sabi niya, ‘Ano nga, nagulat kami ni Echo. Kasi noong kissing scene namin, parang may ilangan kami, pero okey naman.' Ako naman, sabi ko, ‘Paanong nangyari?' Tapos si Tin, nagkukuwento siya, parang tuwang-tuwa siya. Parang sa kissing scene nila, ‘Yuck! Yuck!' Tapos, tawa siya nang tawa," kuwento ni Oyo.
Walang selos?
"Wala!" mabilis niyang sagot.
May balitang lilipat na ang dating karelasyon ni Kristine na si Diether Ocampo sa GMA-7. Sa palagay kaya ni Oyo ay magiging favorable sa part niya yun dahil posibleng mas maging malapit sila ni Kristine?
"Hindi ko alam, e," sagot ni Oyo. "Ewan ko, pero okey lang. Wala namang
problema, e. Sa isang araw, maraming nagbabago. Sa isang araw nga, puwedeng
mawala si ganoon, si ganyan... So, hindi natin masabi talaga kung ano talaga ang
meron."
Hindi ba isyu kay Oyo na hanggang ngayon ay close pa rin sina Diether at Kristine?
"Wala!" sambit niya. "E, kung sila naman sa huli, bakit hindi, di ba? Alam ko naman si Diet, na ang tagal niyang kasama at inalagaan din naman siya. So, bakit hindi, di ba?"
Open naman daw si Oyo to see or date other girls. Yun nga lang, aminado siya na he's not dating other girls right now.
