Sa maagang pagpanaw ng binatang aktor na si Marky Cielo, naiwang nagdadalamhati ang dalawa sa pinakaimportanteng tao sa buhay niya—ang kanyang mga magulang na sina Mrs. Mildred Cadaweng at Mr. Bobby Cielo.
Sa halip na mapag-usapan ang kalungkutan na kanilang nararamdaman, sinariwa ng mga magulang ni Marky ang mga masasayang ala-ala na naiwan sa kanila. Sa kanilang hiwalay na panayam sa Showbiz Central na ipinalabas kahapon, December 14, napag-usapan kung gaano naging mabuting anak si Marky.
Ayon kay Mrs. Cadaweng, "Ang talagang hindi namin makalimutan sa kanya ay talagang inuuna niya kami. Sobra niyang mapagmahal sa amin, sobrang kami ang inaalala niya, inaalagaan niya. Kami 'yong pinapasaya niya, bago ang sarili niya."
Sa kabilang banda, si Mr. Cielo naman ay napangiti habang kinukwento ang pagpapatawa ng kanyang anak. Aniya, "Minsan may mga ano 'yan, spontaneous lang na patawa, mga expression sa mukha. Minsan tatakbo na lang 'yan sa gate, 'tapos biglang mag-pose o mag-try, ‘Mama, tingnan mo ako, Mama!' In fact, sa kalikutan niya, minsan nasugat na sa kamay dahil nabali sa akyat nang akyat. Minsan sa kalikutan niya lagi."
Nabanggit din ng ama ni Marky ang pagkahilig ng kanyang anak sa arts at kung paano nito napabuti ang kanilang relasyon bilang mag-ama.
"Si Buknoy [palayaw ni Marky], grabe ang interest niya sa arts. Noong una, visual arts ang kanyang training. Later, dine-develop ko ang kanyang skill sa dancing. So, napakabilis at napakadali lang niya turuan. Kapag bata pa, talagang meron siyang sketches na sarili niyang ginawa. Doon ako natutuwa dahil 'yong interpretation makikita."
Dagdag pa ni Mr. Cielo, naging magkatuwang din sila sa paglalakbay ni Marky sa larangan ng showbiz noong nag-uumpisa pa lamang ito.
"Minsan, bago mag-contest, may system kami, mag-uusap kami, ‘O, ano ba ang concept mo, idea mo sa theme? Ano ba ang gusto mong i-project sa theme na 'yan?' Ang sa akin lang naman, ibang feeling kapag father ka at manalo 'yong anak mo, na may interest din pala siya sa ganung bagay, ibang tuwa," lahad ng ama ni Marky.
Dahil sa mga ito, lubos ang pagkagulat ni Mr. Cielo sa pagpanaw ng kanyang panganay na anak.
"Gulat, shock ako sa balita. Hindi ko naman ine-expect na mangyari," malungkot na sabi niya.
PREMONITIONS OF MARKY'S DEATH. Ayon kay Mr. Bobby, hindi rin naman nagkaroon ng pagpaparamdam mula sa kanyang anak bago ito namatay.
Ang tanging naaalala na lamang ni Mr. Cielo ay ang dalawang insidente na maaaring naging pangitain sa pagkamatay ng kanyang anak.
Una ay ang pagtatanong niya kay Marky kung mamimigay siya ng mga regalo sa kanyang fans ngayong Pasko.
"Ibig sabihin, sa pagtanong ko sa kanya, alam niyang merong photos pero sinabi niya sa akin wala. Dalawa ang naiisip ko, it's either nag-project na siya ng ganito na wala, o ayaw na lang niya mag-commit na 'may ibibigay ako sa mga fan.'"
Pangalawa, ay ang kanyang pagkainteres na bumili ng puting bulaklak.
"Bago siya mamatay, dumaan ako sa simbahan sa may bandang Anonas. Bigla akong napabili ng bulaklak, e, hindi naman ako bumibili palagi. Pero that time, gusto ko talagang bumili ng puting bulaklak, ilalagay ko lang sa bahay," kuwento ni Mr. Cielo.
LAST MESSAGE FOR MARKY. Bagama't hindi nagkaroon ng sapat na panahon para magsama ang mag-amang Marky at Bobby Cielo, nais naman magpasalamat ng huli dahil sa kanyang narinig mula sa mga kaibigan ng StarStruck Ultimate Sole Survivor.
Pahayag ni Mr. Cielo, "Kung may chance lang na makarinig niya sa akin, gusto ko lang ipaabot na salamat din na may mga taong nag-relay sa akin na sinabi mong mahal mo ako. Hindi ko naman narinig sa kanya. 'Yon lang, salamat kahit hindi directly nabanggit mo sa akin, at least napaabot mo sa ibang tao. Kung hindi ko nakausap ang mga kasama mo sa StarStruck, hindi ko alam na ganun ang lalim ng pagmamahal mo. Gusto kong ipaabot sa 'yo na mahal din kita."
Samantala, nagbigay naman muli ng pasasalamat ang ina ni Marky sa mga suportang natanggap niya mula sa mga katrabaho at fans ng kanyang anak.
"Sa lahat ulit ng humanga at nagtiwala sa aking anak, salamat sa inyo," wika ni Mrs. Cadaweng. "Sa mga katrabaho niya, sa GMA-7, sa management ng GMA-7, salamat sa inyong lahat. Ang sinasabi ko, hindi lang ngayon na pinasasalamatan ko. Mula pa noong day one ay damdam na namin ang suporta ninyo at alam namin na hindi ninyo kami iniwan hanggang sa huling sandali."
Sa huli, tinanong ng showbiz reporter na si Lhar Santiago si Mrs. Cadaweng kung ano ang magiging plano nila matapos ihatid sa huling hantungan si Marky ngayong araw.
"Sasamahan namin siya hanggang sa Pasko at tatapusin lahat 'yong mga dapat na mga rituals at saka mga dapat na gawin, like 'yong nine days na rosary siguro hanggang sa forty days. Sasamahan muna namin siya ito sa amin, pagkatapos noon wala pa akong plano," saad ng ina ni Marky.
Kaninang hapon ay inihatid na sa kanyang huling hantungan si Marky sa bakuran ng kanilang bahay sa Bauko, Mountain Province.