Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kamakailan ang beteranong actor na si Ronnie Lazaro at masaya ito kaugnay ng pagkapanalo ng digital-indie film na pinagbidahan niya, ang Yanggaw. Directed by Richard Somes, ang Yanggaw ay isa sa pitong pelikula na sumali sa 2008 Cinema One Originals digital film festival. Tatlo sa mga ito: ang Yanggaw, UPCAT at Dose ay magkakaroon ng extended run sa Robinsons Galleria simula December 12-16.
Tie sina Ronnie Lazaro at Mark Gil bilang Best Actor para sa kanilang mga pelikula na Yanggaw at Alon.
In the past, nanalo na rin si Ronnie bilang Best Supporting Actor (para sa Bagong Buwan ni Marilou Diaz-Abaya, sa 2001 Metro Manila Film Festival) at this year, Best Supporting Actor para sa Ataul For Rent ni Neal Tan mula sa PASADO (Pampelikulang Samahan Ng Mga Dalubguro). Matagal na rin sa industriya si Ronnie (simula noong early '80s) at aniya, ang pag-arte (sa pelikula, TV, at teatro) is something that he loves doing.
Hindi niya matalikuran ang pag-arte. "Kasi, 'yung mga nakapaligid sa 'yo, they're so passionate about it, so you also want to contribute something... or, kahit na, working with the system, mabigat...you do some kind of labor of love!" nakangiting wika pa ng Ilonggo actor.
Paminsan-minsan, naika-cast si Ronnie Lazaro sa mga mainstream movies at malugod niyang tinatanggap ang mga ito. Kasama siya sa bagong pelikula ng Star Cinema, ang Land Down Under (na may bagong title na Love Me Again), tampok ang team-up nina Piolo Pascual at Angel Locsin. Ipapalabas ito sa Pilipinas starting January 15, 2009.
"It was fun! Cowboy ako dun," banggit ni Ronnie tungkol sa naturang pelikula. "Rubbing elbows [ako] with Piolo! He is such a dedicated actor."
Malamang na gumawa uli ng pelikula si Ronnie Lazaro, pero nasa paggawa pa rin ng indie movies ang kanyang passion at source of fulfillment.
"Ang maganda, we got our audience, na indie," pagtukoy pa ni Ronnie. "Matagal na akong hindi nakakapanood ng pelikula na na-engage ang audience, e.
"Naiiba ang Yanggaw dahil sa siyang horror-drama na base sa folklores, at may soul. Marami kaming improvisations dun. And our director, Richard Somes, is really good. You should look forward to seeing his next movie," pagtatapos ni Ronnie.
Sa awarding ceremony ng Cinema One, nanalo ng six awards ang Yanggaw. Ang titulo ng pelikula ay isang salitang Ilonggo na ang ibig sabihin ay 'impeksyon' o infection. Ang drama-mystery ni direktor Richard Somes (Best Director) ay binubuo ng nina Ronnie Lazaro (Best Actor), Tetchie Agbayani (Best-Supporting Actress), Joel Torre (Best-Supporting Actor), Aleera Montalla, Gio Respall at Erik Matti bilang cameraman. Nanalo rin ito ng Special Audience Award at Best Editing para kay Borgy Torre.
Ang Yanggaw ay kwento ng isang ordinaryong pamilyang may kakaibang problema at madidilim na sikreto. Naniniwalang may masasamang ispiritu sa kanilang bayan, gagawin ng isang pamilya ang lahat upang mapagaling ang isang myembro ng pamilyang nagkaroon ng malubhang sakit.
Mapapanood ang Yanggaw whole day sa IndieSine, Robinsons Galleria sa December 14 at sa December 16 (8:30 pm and 10 pm).
PEP Live