Naging malaking hamon para sa kauna-unahang StarStruck Ultimate Female Survivor na si Jennylyn Mercado ang taong 2008. Ito kasi ang taon na nasubukan ang pagiging matatag ng kalooban niya.
Ang unang malaking balita sa pagpasok ng 2008 ay ang pagbubuntis ni Jennylyn sa anak nila ng dating boyfriend na si Patrick Garcia. Bagamat nagplano na silang pakasal, nauwi rin sa mapait na hiwalayan ang kanilang relasyon.
Ilang araw pagkatapos isilang ni Jennylyn ang anak nila ni Patrick na si Alex Jazz ay sumakabilang-buhay naman ang kanyang ama-amahan na si Mr. Roger Mercado.
Nagpapasalamat si Jen dahil sa mga pinagdaanan niya sa taong ito, napatunayan niya na isa siyang survivor at kinaya niyang dalhin lahat ng kanyang mga personal at propesyunal na problema.
"Kung babalikan ko nga, masyadong naging mabigat ang 2008 for me," sabi ni Jennylyn sa PEP (Philippine Entertainment Portal). Nandiyan na nabuntis ako, naapektuhan ang pamilya at career ko, nagkagulo ang personal life ko, nanganak ako, namaalam na si Daddy, at kung anu-ano pang mga tsismis.
"I'm glad to say nga na kinaya ko lahat. Hindi madali para sa tulad ko na kayanin ang mga dumaan sa aking mga problema. Akala nga nila na bibigay na talaga ako kasi sunud-sunod ang mga nangyari sa akin. Pero dahil sa dasal at guidance ni Lord, I was able to survive it all.
"Ang dapat lang naman ay maniwala tayo na kaya natin. Maliit o malaki man ang problema, pasalamatan pa rin natin si Lord. Hindi naman tayo bibigyan ng anumang pagsubok sa buhay kung hindi natin ito kaya," pahayag ng aktres.
PARENG MARK. Ngayon ay balik-trabaho si Jennylyn. Muli silang mapapanood ng kanyang unang ka-love team at ex-boyfriend na si Mark Herras sa GMA Sine Novela na Paano Ba Ang Mangarap?.
May mga usap-usapan nga na baka magkabalikan ang dalawa at muling bumalik ang dati nilang pagtitinginan. Madalas daw kasing nakikita si Mark na dumadalaw sa bahay nila Jennylyn.
Para kay Jen, wala siyang nakikitang masama kung bisitahin man siya ni Mark sa kanilang bahay. Paulit-ulit na sinasabi ni Jennylyn na magkaibigan sila ni Mark at wala siyang nakikitang masama kung puntahan siya nito sa kanyang tahanan.
Nasabi na ni Jennylyn before na isa si Mark sa magiging ninong ng kanyang anak na si Alex Jazz kaya "kumpare" na ang tawag niya kay Mark.
"Wala akong nakikitang masama kung sakaling pumunta si Mark sa bahay namin. Good friends kami at magkakasama na ulit kami sa isang soap drama sa GMA-7 kaya okay lang sa akin. 'Tsaka feeling ko naman, hindi ako ang gustong makita ni Mark kundi yung aanakin niya sa binyag," sabay ngiti ni Jen.
Natanong din si Mark kung may balak siyang ligawan si Jennylyn kung mabibigyan ito ng isa pang pagkakataon. Nagbigay ng isang makahulugang ngiti si Mark sa tanong na 'yon.
Pero para kay Jennylyn ay tama na yung magkaibigan na lang sila. Nasubukan na raw kasi nilang magkaroon ng relasyon at tama na raw 'yon.
"Alam naman ni Mark kung saan siya nakalugar ngayon sa buhay ko. Napagdaanan na namin ang magkaroon ng relasyon at for me, that's more than enough. Ngayon kasi, may kanya-kanya na kaming buhay at gusto kong maging happy sa anumang relasyon na papasukin ni Mark. Para sa akin, tama na yung ninong siya ng baby ko. Alam ko na mas marami siyang magagawa bilang ikalawang magulang ng baby ko."
Dahil sa pagiging payat ulit ni Jennylyn ay may men's magazine daw na gusto siyang kunin para mag-pose sa kanilang cover. Pero tumanggi na nga raw si Jen sa alok na ito dahil hindi pa raw panahon para magpa-sexy ulit siya sa cover ng isang magazine.
