Apat sa award-winning veteran actresses na binigyan ng tribute sa malaking press launch ng Tayong Dalawa kamakailan ay may kanya-kanyang "moment" sa iba't ibang bahagi ng programa.
Sina Gina Pareño at Cherry Pie Picache ang pinakatampok sa unang bahagi. Kaya may natatanging emphasis sa pagtanggap nila ng bouquet of flowers, bilang awardees ng local and international award-giving groups.
Sa second part, na inawit ni Gary Valenciano ang theme song ng Tayong Dalawa at isa-isang ipinakilala sa stage ng Teatrino sa Greenhills, San Juan ang buong miyembro ng cast, si Helen Gamboa ang huling in-introduce, bilang pagbibigay ng kaukulang importance sa actress-wife ni former Senator Tito Sotto.
Sa huling bahagi ng programa, ang meet-and-greet, question-and-answer with the press, nagkaroon ng grand welcome para sa legendary actress na si Ms. Anita Linda.
Now in her 80's, mahusay pa ring umarte at malinaw pa rin ang pagsasalita ng premyadong aktres. Sa ganitong impromptu occasion, na hindi siya dumadalo bilang karakter sa TV series o pelikula, naa-articulate pa rin ng kauna-unahang Best Actress awardee—via the Maria Clara Award in the early '50s—ang anumang bugso ng damdaming taglay.
Humingi siya ng paumanhin dahil aniya'y hindi siya prepared; hindi nakapagpa-parlor, kaya para raw "kinalaykay" ang kanyang puti nang buhok, at unmanicured fingernails.
Pero hindi na ito pansin nang gabing 'yon dahil nagniningning ang kanyang presence. Dahil siya si Anita Linda.
Sa presscon proper, nabanggit din ang isang insidenteng hindi ninanais ninuman, pero dinaranas ng karaniwang tao. Na-holdap daw ang driver ng taxi na sinakyan ni Ms. Anita papunta sa presscon, at awang-awa ang aktres sa taxi driver na nanakawan ng kinita nang gabing 'yon. Mahinahon niyang ikinuwento ang masaklap na pangyayari sa mga katabing sina Helen Gamboa at Gina Pareño.
KIM CHIU. Bilang mag-lola sa Tayong Dalawa, naitanong kay Anita ang tungkol sa naging impression nito sa batang aktres na si Kim Chiu, na pinuri ng ibang kasamahan dahil sa ipinapakitang husay sa pag-arte at professionalism.
Sabi ni Anita, "Lahat ng sinabi nila kay Kim, totoo. Kim is a very nice person. Kung minsan nga lang, walang kibo, hindi ko malaman kung bakit ayaw niyang masyadong lumapit sa akin..."
"Totoo ba, Kim, natatakot ka sa akin?" tanong din ni Anita.
Kim smiled and said, "Hindi po, nahihiya lang..."
"Nahihiya ka lang, bakit naman?" nangingiti ang veteran actress. Nag-uusap sila habang nasa entablado, sa harap ng mga dumalong press people.
At naalala ni Anita ang posibleng dahilan ng ganung pagka-ilang ni Kim sa kanya.
"Yung mga eksena namin, palagi ko siyang hinahampas...sinasaktan. But Kim is a very nice person, very sweet. You just cannot help but like her. Sana, Kim, huwag kang magbabago."
To see the video of Anita Linda talking about Kim Chiu, click here .