Tinotoo ng semi-retired singer-actress na si Donna Cruz-Larrazabal ang pagsali sa marathon. Running kasi ang bagong passion ng dating Viva artist na ngayon ay naka-base na sa Cebu.
Masayang ibinalita ni Donna sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na tumapos siya sa 12th place sa katatapos pa lang na Sinulog Run, kung saan mahigit 1,200 runners daw ang lumahok. Sumali si Donna sa women's division samantalang nag-join naman sa men's division ang kanyang asawang si Dr. Yong Larrazabal.
Kahit na ikalawang beses pa lang niyang sumali sa isang running competition, masasabing respectable ang kanyang pagtapos sa 12th position. Mga bandang November last year nang masumpungan ni Donna ang kanyang sarili na nahihilig sa pagtakbo.
"Thirty minutes flat ang naging time ko. Pero ang goal ko ay umabot sa 27 or 28 minutes for the same distance," sabi ni Donna sa kanyang e-mail sa PEP.
Nagpadala pa nga si Donna ng litrato niya in her running gear na kuha matapos ang marathon. Ipinagmalaki rin ni Donna sa litratong kanyang ipinadala na mas malaki na raw ang mga legs niya ngayon dahil nae-exercise na unlike before na wala siyang time to exercise.
Ayon pa sa email ni Donna na natanggap namin kahapon, January 22, tuloy na ang pagsali nilang mag-asawa sa Big Sur Marathon na gaganapin sa Monterey, California on April 26. Excited na raw siyang sumali sa nasabing running event.