Mas open na ngayon si Carlo Aquino with his intention and his relationship with Maja Salvador. Aniya, totoo raw na nililigawan niya ulit ang young actress.
"Yeah, dating ulit kami, for a month and a half or almost two months na. Happy ako. Alam mo yung feeling ng dating. Parang umpisa, parang high school. Bumabalik ka sa pagkabata. So, sobrang masaya ako. Hindi naman ako nagmamadali, e," saad ni Carlo sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Bakit siya bumalik kay Maja? Tipong sa dinami-dami ng babae, si Maja lang yata talaga ang gusto niya?
"Oo, e. Emptiness kapag wala. It's eight to nine months din na nawalan kami ng communication. Noong time na yun kasi, parang ang daming may ayaw. Feeling ko, kailangang mag-lie low."
Pero naging sila ba talaga ni Maja noon?
"Hindi, MU [mutual understanding]," sagot ng dating child actor. "Parang paganun na, pero hindi nga namin matuloy kasi parang feeling namin, kapag itinuloy, mas lalong gugulo, mas lalong magkakaroon ng problema."
Matagal-tagal rin daw ang MU stage nila ni Maja, around five to six months.
"Matagal na kasi kaming magkakilala prior to that pa."
So, paano sila ngayon?
"Dating kami ngayon. Minsan kaming dalawa lang. Minsan, kasama ang kapatid niya. Yung ganoon."
Ano pa ang nagiging hadlang para tuluyang maging sila na nga?
"Sa ngayon, hindi, e. One step at a time. Nagde-date muna kami. Pini-feel namin kung may nagbago sa isa't isa sa eight or nine months. As of now, wala pa naman. Malalaman n'yo kung kami na."
May mga pagbabago ba ngayon, mas kakaibang intensity ba ang nararamdaman niya?
"Oo, e. Kasi siyempre, na-miss ko. Kaya baka kapag naging kami, ma-in love na na lang ako ng sobra. Baka tumodo ako, e. Baka mabalahaw ako. Ganoon ang feeling."
Hanggang kailan naman kaya siya maghihintay?
"Hindi ko alam, e. Tulad nga ng sinabi ko, one step at a time ako. Feeling ko naman, mapagtitiyagaan ko, e."
May factor ba yung pagkakaiba nila ng network na pinagtatrabahuan? Mas visible ngayon si Carlo sa GMA-7 habang si Maja naman ay exclusive sa ABS-CBN.
"Siguro may factor rin na ganoon, kasi nga, iniingatan din yung loveteam nila... I mean, si Rayver [Cruz] at saka si Maja, bagay talaga sila onscreen. Parang sina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo, hindi naman sila, pero bagay sila, may chemistry," paliwanag ni Carlo.
On his part, nami-miss ba niya ang may ka-love team?
"Loveteam? Oo, medyo. Pero okey lang naman ako na mag-isa. Yun, nami-miss ko yung love team namin sa Bituing Walang Ningning, kami ni Sarah. Kasi mabait si Sarah, e. Mabait talaga yung batang yun. Kaya kahit hindi kami masyadong nag-uusap, kapag kami ang magkaeksena, madali."
Masaya rin daw siya para sa dating girlfriend at naging ka-love team din na si Angelica Panganiban.
"Happy ako para kay Angel. Kaming dalawa ngayon, sobrang magkaibigan kami. Wala na sa amin yung ilangan. Kahit kay Derek [Ramsay, Angelica's current boyfriend], masaya ako para sa kanila," sabi ni Carlo.
VILLAIN ROLE. Sa bagong Sine Novela ng GMA-7 na Dapat Ka Bang Mahalin?, na nag-premiere ngayong hapon, ay walang hindi magagalit kay Carlo sa character na ginagampanan niya. Ang dating role na ginampanan ni Rez Cortez ang binibigyang-buhay ni Carlo sa TV version nito, na pinagbibidahan nina Aljur Abrenica at Kris Bernal.
"Actually, hindi ko napanood yung original. So, marami akong tanong kay Direk Maryo [J. de los Reyes] at sa mga writer. Kasi, ayokong panoorin dahil nakakatakot. Siyempre, si Tito Rez yun, e, napakagaling na aktor," pahayag ni Carlo.
Kaiinisan din ba siya rito hanggang huli?
"Well, yun ang itinanong ko sa mga writer. So far, yung ginawa ko talaga, masama talaga ako, e. Bini-BI [bad influence] ko talaga si Lito, si Aljur, talagang bina-bad influence ko siya."
So far, nag-e-enjoy naman si Carlo sa mga character roles na ginagawa niya lately, simula nang mag-transfer siya sa Viva Artist Agency.
"Sabi ko nga, mahal ko yung ginagawa kong trabaho. Ako pa, hindi naman ako maarte. Hindi naman ako mapili. Okey lang naman sa akin kahit na mga kontrabida roles ang napupunta sa akin ngayon. Pero siyempre, lahat din naman ng mga artista, pinapangarap din ang maging bida. Kung ibibigay, maraming-maraming salamat. Kung hindi, kung ano ang ibinibigay nila sa 'yo, bilang artista, siyempre gagampanan ko," saad ng young actor.
WORKING OUT. Tinanong ng PEP si Carlo kung hindi ba siya napu-frustrate na hindi na bida roles sa telebisyon ang nagagawa niya lately.
"Meron...meron... Yun lang! Hanggang doon lang ako," nakangiti niyang sabi. Sabay biro na, "Gusto mo bang umiyak ako ngayon?" na obviously ay iniiwasan niyang maging emosyunal pa.
Hindi naman daw niya itinatanggi na nami-miss niya rin yung mga ganoong pagkakataon.
"Well, isa na rin kasing dahilan yung hindi naman nagbago ang mukha ko. Kaya siguro hindi... Bata, e, bata ako [tingnan]. Kaya nga ngayon, nagbubuhat ako."
Three months na raw siyang seryosong nagdyi-gym at nagwo-workout.
"Workout talaga, gym. Hindi ako nagda-diet. Gusto ko kasi na medyo lumaki ako at saka ako magpapa-tone," sabi niya.
Pero sa lahat naman daw ng mga blessing na dumarating sa kanya ay nandoon pa rin ang pasasalamat niya.
"Oo, e. Lahat naman ng pagkakataon, basta may trabaho, gagawin ko ang kaya ko. Kasi, mahal ko ang craft na pinili ko, hindi ko lang basta-basta ginagawa."
Kapag na-achieve na niya ang desired body na gusto niya, ano ang next step na pinaplano niya?
"Hindi ko alam, e. Kasi ako, one day at a time, hindi ko tinitingnan ang future or what. Basta ako, 'eto ang gagawin ko, magseseryoso ako habang may trabaho ako. Magpapalaki ako [ng katawan]... Pag ano, magpapakita ako sa inyo na malaki na ako!" natatawa niyang sabi.
Magiging daring na ba siya?
"Hindi ko alam. Although, nakikita ko yung possibility. Pero hindi ko pa alam sa ngayon."
GAY MOVIES. Carlo has been actively doing indie films. Pero kung mapapansin, never pa siyang gumawa ng may temang kabaklaan o yung gay films na tinatawag. If ever, will he do that in the future, especially kapag mas maganda na ang katawan niya?
"Maybe, siguro kapag talagang mas maganda," sagot niya. "Sa ngayon, I'm not saying no and I'm not saying yes also. Depende sa lahat ng aspeto. Sa script... Alam ko, cliché na yun, pero yun talaga yun, eh."
Sa ngayon ba, kaya hindi siya tumatanggap ng ganoong roles dahil sa katawan lang niya o hindi pa talaga niya kaya?
"Oo, hindi ko pa kaya. Hindi ko kaya sa ngayon."
