Sino ba naman ang hindi nakakakilala noon sa mga character nina Jean Garcia at Eula Valdes bilang Madam Claudia at Amor Powers sa Pangako Sa 'Yo ng ABS-CBN? Ilang taon pagkatapos nito ay muli silang magsasama sa isang primetime soap, ngunit sa pagkakataong ito ay sa bakuran na ng GMA-7.
Niyanig nina Jean at Eula ang primetime viewing noon dahil sa husay ng kanilang pagkakaganap bilang Madam Claudia Buenavista at Amor Powers, respectively, sa top-rating series ng ABS-CBN na Pangako Sa 'Yo, na tumakbo ng dalawang taon (2000-2002).
Ngayon, muli silang pinagsama ng GMA-7 sa bagong primetime drama na All About Eve, na pinagbibidahan nina Sunshine Dizon at Iza Calzado bilang sina Erika at Nicole. Base ito sa hit Koreanovela of the same title na ipinalabas noong 2000 sa MBC sa Korea at pinagbidahan nina Kim So Yeon at Park Chae Rim.
Dito sa Pinoy version ng All About Eve ay gagampanan ni Jean ang papel ni Katrina, samantalang si Eula ay si Alma.
THE REUNION. Kuwento ni Jean sa PEP (Philippine Entertainment Portal), matagal na raw nilang gustong magkatrabaho ulit ni Eula, pero mas nauna siyang umalis ng ABS-CBN para magtrabaho sa GMA-7. Akala nga ni Jean ay baka never na silang magkakasama ni Eula sa isang drama series.
"The last time na magkasama kami ay noong 2005 via Kampañerang Kuba," simula ni Jean. But before that, 2002 pa kami nagkahiwalay after Pangako Sa 'Yo. Pero may ginawa kaming commercial together for McDonalds, tapos in 2003, we did the movie Noon at Ngayon... Pagsasamang Kayganda for Star Cinema. Iba't ibang projects na ang ginawa namin that time.
"Noong maiwan nga si Eula sa kabila [ABS-CBN], siyempre parang suntok sa buwan na yung hiling ko na magkasama ulit kami. Noong lumipat ako dito sa GMA-7 to do Majika, may ginagawa rin siyang TV drama. 'Tsaka feeling ko, baka sunud-sunod ang mga projects niya doon kaya isinantabi ko muna ang wish ko na magkasama ulit kami.
"Nakakapanghinayang, kasi nga ang daming gustong makita ulit kami na magkasama sa isang drama series. Hanggang ngayon, would you believe ang tawag pa rin sa amin, e, Madam Claudia at Amor Powers? Gano'n kalakas ang dating namin sa mga televiewers," lahad niya.
At dumating na nga ang tamang project para magkasama ulit sina Jean at Eula. Masayang-masaya rin si Eula dahil hindi nasayang ang desisyon niyang magtrabaho sa GMA-7.
Sabi niya, "I knew naman na balang araw, e, magkakasama ulit kami ni Jean. Hindi puwedeng wala kaming gawin na isang series dito sa GMA-7 or else, kami na lang mismo ang gagawa ng eksena namin.
"Since I worked here via Kamandag, na nasundan ng E.S.P. and Lalola, always na lang na naghihintay ako ng pagkakataon na magkasama ulit kami ni Jean. Nakaka-miss kasi ang makatrabaho siya. Just imagine, ilang years na yung Pangako Sa 'Yo, pero people never forgot our characters.
"Kaya dito sa All About Eve, ibibigay namin ang matagal nang hiling ng fans namin. Hintayin nila ang mga bonggang eksena namin ni Jean at may gagayahin na naman sila sa aming dalawa."
Makakaasa ba ang mga fans nina Jean at Eula na magkakaroon ng maraming tarayan at sampalan dito sa All About Eve?
"Maaari ba namang wala?" tawa ni Jean. "Basta iba ang magiging atake namin dito sa All About Eve. At tulad nga sa Pangako Sa 'Yo, isang lalake ang pag-aawayan namin dito at ito ay walang iba kundi si Richard Gomez."
Sabi naman ni Eula, "Yun naman ang inaabangan nila, di ba? Hindi kumpleto ang panonood nila sa amin kapag walang gano'ng mga eksena. Pero hindi lang tarayan kundi iyakan din ang mapapanood nila sa amin. And like what I said, abangan nila dahil ibang Jean at Eula ang mapapanood nila dito sa All About Eve."
Ang iba pang kasama sa All About Eve ay sina Mark Anthony Fernandez, Alfred Vargas, Gabby Eigenmann, Carmen Ronda, at Ms. Celia Rodriguez. Mula ito sa direksyon ni Gil Tejada.
