Nagbabalik sa bakuran ng GMA-7 ang award-winning actress na si Jaclyn Jose via the new action-adventure series Zorro. Ginagampanan niya ang papel ni Doña Chiquita Pelaez, ang ina-inahan ni Antonio Pelaez na nagiging si Zorro, na kapwa ginagampanan ni Richard Gutierrez.
Nagpapasalamat si Jaclyn dahil hindi siya nababakante sa trabaho. Katatapos lang niyang gawin ang fantaserye na Dyosa sa ABS-CBN, kung saan gumanap siyang kontrabida kay Anne Curtis. Meron nga raw offer sa kanya na bagong soap sa Kapamilya network, pero mas tinanggap ni Jaclyn at ng manager niya ang offer ng GMA-7.
"Palipat-lipat naman ako, e. Hindi naman ako exclusive. Ang mga kaedad ko ay wala namang kontrata. Hindi kami mga bagets para pigilan magtrabaho sa kung saan, di ba? Ang sa akin lang, kung saan may magandang offer, doon ako. Nagkataon na after ng Dyosa, dumating itong Zorro.
"First time ko na makakatrabaho si Richard Gutierrez sa isang TV series. Kaya natuwa naman ako kasi ang bait ng bata. Kahit alam mong sikat na sikat siya, he's very down to earth. Wala akong maramdaman na yabang sa katawan niya," saad ni Jaclyn tungkol sa young actor nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Zorro last March 16.
Hindi na rin naman bago ang pakikipagtrabaho ni Jaclyn sa GMA-7 dahil nakagawa na siya rito ng dalawang drama series, Sana Ay Ikaw Na Nga (2002) at Te Amo: Maging Sino Ka Man (2004).
"Suki na ako ng GMA-7 noon pa," sabi ng aktres. "Yung pinakaunang soap drama ko dito sa GMA-7 talaga was Maynila, na idinirek pa noon ni Ishmael Bernal noong late '80s. Tapos yung unang TV movie ng GMA-7 na Kamada, kami ni Francis Magalona ang nasa cast. Tapos marami akong ginawang mga telesine like Ligaya ang Itawag Mo sa Akin at suki rin ako noon ng Viva Spotlight. Then, noong 2001, I was in the cast of Deathrow na produced ng GMA Films. Kaya masasabi ko rin na matagal na akong Kapuso."
MARK GIL. Hindi raw alam ni Jaclyn na makakasama niya sa Zorro ang ama ng kanyang anak na si Andrea "Andi" Eigenmann, ang aktor na si Mark Gil. Nagulat na lang daw si Jaclyn na nasa taping si Mark, na gumaganap naman bilang ama ni TJ Trinidad.
"Pareho kaming nagulat noong magkita kami sa set. Kasi wala naman si Ralph [Mark's real name] noong story conference namin for Zorro. Okay naman kami ni Ralph, e. The last time na nagkasama kami sa isang project was in the movie Cedie [1996] under Star Cinema. Mag-asawa rin ang role namin noon. Pero that time, hindi kami nag-uusap sa set. Civil naman kami sa isa't isa.
"Ngayon, friends naman na kami. Dalaga na si Andi kaya maganda na nakikita niyang okay kami ng daddy niya. Sayang nga lang at maigsi lang ang role niya [Mark] sa Zorro. Ilang taping days lang siya at dead agad ang character niya. It was nice working with him again kahit na saglit lang," lahad ni Jaclyn.
ANDI EIGENMANN. Marami ang pumupuri sa magandang anak na ito ni Jaclyn. Nasubukan na rin nitong lumabas sa soap na Prinsesa ng Banyera at naging house player din siya ng four weeks sa Pinoy Big Brother Teen Edition Season 2 ng ABS-CBN. Nakakapag-guest din si Andi sa iba't ibang shows ng dalawang TV network.
Pero mukhang hindi pa raw ito nagpapakita ng interes na mag-showbiz ng full-time tulad ng mga half-brothers nitong sina Gabby Eigenmann at Sid Lucero.
"Kahit 18 years old na ay mahiyain pa rin kasi si Andi," banggit ni Jaclyn. "Hindi siya sanay na may nakatutok sa kanya na camera o ini-interview siya. Ang maganda naman is, she's focused on her studies. Mas gusto niyang mag-aral kesa mag-artista, which is good.
"Paminsan-minsan ko lang naman siya pinalalabas kapag may nagre-request. Like sa Prinsesa ng Banyera, gusto nilang kasama siya sa show. Tinatanong ko naman siya kung okey lang sa kanya at pinagbibigyan niya ako. Pero kung ibang tao ang kumausap sa kanya, ayaw niya. Kailangan ako ang mag-request sa kanya.
"Even mga guestings niya sa TV, as much as possible magkasama kami. Hindi niya gusto yung mag-isa lang siya. Minsan nga pinu-push ko na siya na subukan niya, kasi sayang naman ang ganda niya. Proud ako sa kanya, e. Pero si Andi na ang umaayaw. Wala pa sa kanya talaga ang pagiging artista.
"But it's okay because she's doing well in school. At yun ang pinakagusto ko sa mga nangyayari sa kanya. Siguro kapag tapos na siya sa school niya, doon na niya maiisipan mag-artista. Nandito naman ako to guide her sa trabaho na ito," pagtatapos ni Jaclyn.
