Matagal ding walang regular soap na ginagawa si Kristine Hermosa sa ABS-CBN. Kaya nga proud siya sa malaking proyektong ipinagkatiwala sa kanya ngayon ng Kapamilya Network. Malapit na ngang mapanood si Kristine bilang bida sa Komiks Presents Maruja na mapapanood tuwing Sabado ng gabi starting May 2. Papalitan nito ang Komiks Presents Flash Bomba. Kasama ni Kristine sa Maruja sina Karylle, Derek Ramsay, John Estrada, Ms. Gloria Romero, Bing Pimentel, at Enchong Dee.
MARUJA. Ang Maruja ay istorya sa komiks na isinulat ni Mars Ravelo. Una itong in-adapt sa pelikula noong 1967 ng Lea Productions kung saan bida sina Ms. Susan Roces at Romeo Vasquez.
Noong 1996 ay nag-produce ang Viva Films ng remake nito na kinatampukan naman nina Carmina Villarroel at Rustom Padilla, na kilala na ngayong si BB Gandanghari.
Excited nga si Kristine dahil talaga namang classic ang Maruja at proud siya na napaili siyang magbida sa TV remake nito.
Ayon kay Kristine, binago nila ang TV remake ng Maruja compared sa movie version nito.
"Medyo modern siya ngayon. Although, meron pa ring mga eksena from the past. Ako po dito si Cristy Rivera. Ako po yung columnist sa isang magazine. Yun, meron akong third eye dito. Dahil doon sa gift ko na yun, natutulungan ko yung mga dead people na hindi pa sila natatahimik. Natutulungan ko sila para makapag-rest na yung soul nila," pahayag ni Kristine nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) during the break sa pictorial ng Maruja kahapon, March 30, sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN compound.
Anong challenge ng Maruja para sa kanya?
"Iba, kasi horror love story siya. Tapos gusto ko, kasi may mga eksena na period. Mahilig kasi ako sa mga eksena na period, e. Gusto ko yung idea na ganun. At saka challenging kasi first time ko lang magkaroon ng role na may third eye."
Naging mapili ba siya sa roles kaya medyo natagalan bago nasundan ang last soap niyang Prinsesa ng Banyera?
"Medyo po, e. At saka dapat naman yata na hindi palaging ako yung makikita sa TV. So, okay lang yun."
Ano ang feeling na malaking project na naman ang ibinigay sa kanya ng ABS-CBN ngayon with Maruja?
"Medyo nakakapanibago rin. Medyo somehow nakaka-pressure din. But for as long as ginagawa ko naman yung best ko sa bawat project na ibinibigay nila sa akin, dun ko na lang ibinabase."
Ayon kay Kristine, halos lahat ng nasa cast ay first time niyang makakatrabaho.
"Yeah, halos lahat sila first time ko maka-work—sina Karylle, Derek, John, Tita Bing. Si Ms. Gloria lang yung hindi. Okay, it's fun. Meron mga times na mangangapa-ngapa ka pa, may adjustment pa. Pero after a while naman okay na kasi mababait naman silang tao."
Magkakaroon ka ba ng kissing scene dito?
"Meron, with Derek."
Ano ang feeling?
"Parte po iyan ng trabaho ko, so game!"
OYO SOTTO. Nasa isang horror series ngayon si Kristine at nagkataon naman na ang rumored boyfriend niyang si Oyo Sotto ay may isang horror series din sa TV5, ang Midnight DJ. Sa tingin ba niya mas nakaka-relate siya ngayon kay Oyo?
"A, hindi naman pinlano ito e. Kumbaga ibinigay sa akin. At noong ibinigay sa akin ito, naka-ilang episodes na rin siya sa Midnight DJ. Nagsimula na siya noon at ipinapalabas na yung sa kanya. So, nagkataon lang siguro."
Ano ang sabi niya sa bago mong project?
"Wala, congrats. Happy siya sa bago kong project."
Kumusta na kayo ni Oyo ngayon?
"Okay kami."
Paano mo ide-describe yung relationship n'yo ngayon?
"Wala, nandodoon pa lang kami sa friend lang."
Ngayong tapos na iyong annulment issue sa pagitan n'yo ni Diether Ocampo, hindi ka pa rin ba kumportableng aminin kung ano talaga yung namamagitan sa inyo ni Oyo?
"Kasi yun lang naman talaga yun. Ano ba ang aaminin ko? Wala namang iba pa. Kung meron naman, kunwari ma-label na namin ng iba, sasabihin ko rin naman."
Pero may possibility ba na pupunta rin doon?
"Oo naman, malaki rin ang possibility kasi mabait namang tao si Oyo. Mahal naman niya ako, sabi niya. So, hindi naman natin talaga alam kung kelan. Hinihintay lang talaga namin yung parehong maramdaman talaga namin yun."
Ano ang reaksyon ni Oyo noong madesisyunang null and void ang kasal mo kay Diether?
"Tinanong niya ako. Medyo curious din siya. Tinanong niya ako kung ano ang nararamdaman ko. Kasi hindi rin naman siya selfish dun sa idea na para sa kanya, di ba? Iniisip din niya kung ano yung para sa ikabubuti ko. So, parang natuwa lang siya. Siyempre isa rin yun sa mga bagay na medyo magulo, e. At least, sabi niya, it's time to move on. Kung kami man, e, di mas maayos. Kung hindi man kami, e, di mag-move on nang kanya-kanya."
Parang relieved ka ba ngayon na puwede nang pag-usapan ang tungkol sa inyo ni Oyo?
"Kahit naman ho dati pa pinag-uusapan na yung tungkol sa amin. Ever since naman po open na talaga kami. Yun nga lang hindi n'yo pa talaga naririnig yung gusto n'yong marinig kasi wala naman talaga."
Ngayong okay na ang annulment, malaya na siyang umibig ulit. Natatakot ba siyang subukan ulit?
"Hindi naman. Ako naman wala naman akong isinasara. Hindi ko pa lang talaga alam kung saan papunta ang buhay ko ngayon. Si Diet naman kasi meron na siya. Ako na lang yung wala pa. So, kung saan ako dalhin."
Happy ka ba para kay Diet na may bago na siyang love ngayon?
"Oo naman, syempre."
OYO WANTS TO MARRY KRISTINE. Last time na na-interview ng PEP si Oyo, sabi niya kung meron man daw babaeng gusto niyang pakasalan ikaw na iyon. Ano ang comment mo rito?
"Nakakatawa naman! Parang lahat gusto nila akong pakasalan. Joke lang, ha! Mas gusto ko namang marinig yun, di ba? Kaysa naman sa playtime or fling, ang pangit naman ng ganun. So, natutuwa naman ako."
Dahil sabi mo nga wala ka pang boyfriend talaga, kung sakaling magkaka-boyfriend ka si Oyo na ba 'yon?
"Si Oyo lang naman po ang malapit sa buhay ko ngayon, e."
Pero nag-e-entertain ka pa ba ng ibang manliligaw?
"Open naman ako. Siguro medyo... kasi si Oyo naman ang tagal kong naging kaibigan kaya parang mas comfortable na kami sa isa't isa. Ang napansin ko lang sa sarili ko ngayon is parang medyo takot lang ako na ma-attach sa ibang tao especially sa lalaki. Medyo natatakot ako. Kaya pag medyo natutuwa na ako or medyo nalilibang-libang na ako, 'Oops, hindi puwede.' Natatakot na ako, e."
PAST RELATIONSHIPS. So, nagka-trauma ka ba sa past relationships mo?
"Siguro, somehow. Kasi hindi naman biro yung naging relationships ko, e. Hindi rin naman lahat... I mean, hindi ako nakipaglaro with any one pagdating sa relasyon. So, naging seryoso naman ako. Kaya parang medyo nakakatakot."
Pero kanino ka mas na-trauma na relationship, kay Diether o kay Jericho Rosales?
"Iba-ibang level lang. Hindi, syempre iba naman, may puppy love, may love talaga. So, iba-ibang impact."
E, ngayon kay Oyo, anong matatawag mo sa love na ito?
"Kasi si Oyo parang all-in-one, e. Parang sobrang bait na kaibigan. Sobrang supportive. Parang naging kuya ko na rin siya somehow. Kasi alam mo yun, pag meron siyang nakikitang mali, pagsasabihan ka talaga niya nang todo-todo hanggang sa parang ayoko nang makinig sa iyo."
So, possible na maging true love si Oyo?
"Hindi ko po talaga alam, e. Pero yun nga katulad nga ng sinabi ko, hindi naman ako nagsasarado. Pero hindi ko alam. As of the moment, wala talagang label."
Ano ang best lesson na natutunan mo sa iyong past relationships pati na ang pagharap sa annulment?
"Ano ang natutunan? Parang ang dami naman... Pero kasi yung mga natutunan ko parang it's really a part of me, yung mapagmahal, yung nagtitiwala kahit nasasaktan. So, parang hindi siya yung something na nire-regret ko. Actually, wala akong nire-regret. Siguro ang best lesson na lang na natutunan ko, pagdating na lang sa mga relasyon especially sa kasalan...dapat pag-iisipan mo talaga. Dapat paghahandaan. Hindi yung mamadaliin n'yo. So, yun, wala na. Siguro mas ako pa rin ito. Mas naging careful."
FAMILY APPROVES. Sa interviews before ng mommy ni Oyo na si Ms. Dina Bonnevie, pawang magagandang salita para kay Kristine ang sinabi nito. Botong-boto nga raw si Ms. D kay Kristine para kay Oyo. Ano ang masasabi mo rito?
"Talaga? Nakakatuwa naman. Actually, yung family nila, sobrang na-surprise ako kasi iba yung pag-welcome nila sa akin. And iba rin naman yung sincerity na nakikita ko sa kanila. Kaya natutuwa ako and thank you."
E, sa family niya, boto rin ba sila kay Oyo?
"Wala naman kasing ipinakitang masama si Oyo sa kanila. So, wala naman silang masasabing pangit kay Oyo. Maganda ang relasyon nila."
Noong bininyagan ang anak nina Danica Sotto at Marc Pingris ay kinuha nilang isa sa mga ninang si Kristine. Natuwa ka ba na ginawa ito ni Danica na kapatid ni Oyo?
"Natuwa ako kasi para gawin kang ninang ng kanilang anak, ibig sabihin pinagkakatiwalaan ka nila para sa baby nila. Parang na-feel ko na dun sa maigsing pagsasama namin na naging medyo close din naman kami pero ganun na yung tiwalang ibinigay nila sa akin. Nagapapasalamat ako and sobrang grateful ako na isa ako dun sa mga taong pinagkakatiwalaan nila. So, aalagaan ko iyon. At saka kung anuman yung mangyari sa amin ni Oyo, yung pagkakaibigan namin ni Danica, iba yun."
Okay rin ba kayo ng daddy ni Oyo na si Vic Sotto?
"Oo naman, okay na okay. Nami-miss ko na yung Enteng Kabisote."
Parehong okay na sa family n'yo, ano pa ba ang pumipigil sa inyo para ituloy n'yo na sa totohanang love ang relasyon n'yo?
"Wala... siguro hindi pa lang talaga time. Yun lang e. Kasi mararamdaman mo naman kung panahon na."
Paano kung mapagod si Oyo sa paghihintay?
"Hindi 'yan. Kung kaibigan ko siya, bakit siya mapapagod, di ba? Hindi siya mapapagod. Dapat hindi siya mapagod."
Binigyan ka ba ng assurance ni Oyo na maghihintay siya?
"Lagi naman niyang sinasabi na nandiyan lang siya para sa akin. Although hindi naman ako yung parang nagre-relax-relax lang, di ba? Pero alam ko kasi na totoo ko siyang kaibigan. Ang dami nang pagsubok ang pinagdaanan ni Oyo pagdating sa akin, na kung tutuusin, kung kailangan niyang gumive-up, dapat dati pa siya gumive-up. Pero hindi, alam mo yung naging kaibigan ko talaga siya."
Paano kung one of these days ay sorpresahin ka ni Oyo at yayain ka nang pakasal, ano ang sasabihin mo sa kanya?
"Siguro ang sasabihin ko sa kanya, wait lang naman. Hinay-hinay naman. Siyempre, kailangang pag-isipan mabuti 'yan, e. At saka kailangang paghandaan talaga. So, if plantsado na ang lahat at okay naman kami talaga, di ba, bakit naman hindi?"
Gaano mo kamahal si Oyo?
"Basta good friends kami. Alam naman niya na mahal ko siya at parang alam naman niya na best friend ko siya."
Si Oyo ba ang pinakaimportanteng lalaki sa buhay mo ngayon?
"Tatay ko naman!" biglang tawa ng malakas ni Kristine. "Pero isa siya sa pinakaimportante. Kasi malapit siya sa buhay ko. Best friend ko siya. Lahat-lahat, parang all-in-one nga."
HOLY WEEK PLANS. Meron ba kayong Holy Week plans ni Oyo?
"Wala pa kaming plans, e. Kasi siya may work, ako din may work. So, hindi ko alam kung magkakaplano ba kami. Pero definitely magbabakasyon talaga ako kahit hindi siya magbakasyon."
Saan mo planong magbakasyon?
"Gusto kong mag-beach. Kasi ang tagal ko nang hindi nagbi-beach, e."