Bukas si Wenn Deramas sa tapatang magaganap sa pagitan ng Beauty and The Bestie nina Vice Ganda at Coco Martin at ang first movie teamup nina Alden Richards at Maine "Yaya Dub" Mendoza na My Bebe Love sa 2015 Metro Manila Film Fest (MMFF).
“Ay, welcome! Pang-ilang pelikula na namin ‘to sa film fest? Sinu-sino na ang tumapat, di ba?” sunud-sunod na tanong ni Direk Wenn.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Direk Wenn sa presscon ng latest comedy-horror movie niyang Wang Fam na pinagbibidahan ni Pokwang.
Patuloy niya, “So, ganoon. Ang industriya natin, dapat iwe-welcome ang lahat ng bagay, kumpetisyon man o kakampi.
"Kasi, at the end of the day, kayo-kayo rin ang magkakasama.
“So, napakaliit ng mundong ito para sabihin mo na sa ‘yo lang dapat ang mundong ito.
“Hindi... walang ownership ng mga bagay-bagay. Ang lahat ay welcome."
Wenn Deramas (Photo by Allan Sancon)
(To learn more about Wang Fam, click: Why did Pokwang and Yassi Pressman cry at the Wang Fam movie press con?)
HAPPY FOR ALDUB. Sabi pa ni Direk Wenn tungkol sa tandem na napapanood sa Kalyeserye ng Eat Bulaga: “Natutuwa ako sa ikinaasenso ng AlDub [Alden and Yaya Dub] dahil talaga namang ang charming nung babae at napakaguwapo ni Alden.
“Ako mismo ay crush ko si Alden. So, lahat tayo ay may space sa industriyang ito.”
Sina Alden, Yaya Dub, at ang ibang characters ng Kalyeserye ay tampok sa November 2015 issue ng YES! Magazine.
Ano ang reaksiyon ng direktor sa mga nagsasabing tiyak na magiging No. 1 sa takilya ang pelikula nina Alden at Maine sa MMFF 2015?
Aniya, “Kapag nangyari yun, e, di nangyari.
"Pero huwag muna nating pangunahan kapag hindi pa nangyayari.
“Kasi nung nangyari yung bakbakan ng My Little Bossings, ‘yan din naman ang sinabi nila.
“Hindi naman nila sinabing magna-number one ang Girl, Boy, Bakla, Tomboy.
"Pero noong pagdating sa huling laban, sino pa rin ang nag-number one?
“So, ang sa akin, hindi kami magpapabaya, definitely.
“Pero base sa rushes na ikinatutuwa na sobra-sobra ng Star Cinema at Viva, isa ito sa talagang gastos at saka yung tawa.”
VIC SOTTO AND AI-AI DELAS ALAS. Kinakabahan ba si Direk Wenn sa first movie ng AlDub bilang katapat ng official entry nila sa MMFF 2015?
Aniya, “Huwag nating maliitin yung ginawa ni Ai-Ai [delas Alas] at Vic Sotto.
"Kasi, I for one, hindi naman ako makakapayag na ang magdadala pa sa Ai-Ai-Vic ay ang AlDub.
“Mas naniniwala ako na kaya nilagay ang AlDub dahil makakatulong sila sa pelikula.
“But definitely, hindi sila ang magdadala sa pelikula dahil yung Vic Sotto at Ai-Ai delas Alas, gawin muna nila kahit kalahati ng na-achieve ng dalawang ‘yan sa industriyang ‘to bago ako maniwala.
“Till then, mas naniniwala pa rin ako sa naiimbag nung dalawang hari at reyna ng ating industriya.”
"BOX-OFFICE DIRECTOR." Nape-pressure ba si Direk Wenn sa kanyang titulo na “Box Office Director”?
Sagot niya, “Alam mo, yung kahit hanggang ngayon, nangingiwi ako kapag sinasabi ‘yan. Tapos napapa-knock on wood ako.
“E, siguro kung nasa akin yung kalahati ng kitang sinasabi sa akin, baka may diperensiya para sa akin.
“Pero hangga’t sa kanila pa rin napupunta yung kita, may bonus, pero title lamang. It’s just a title.”
