Noong Martes ng tanghali, March 3, ay nagsimula nang gumiling ang camera para sa ikalawang independent movie ng DMV Entertainment, ang Touch of Heaven, sa isang tunay na massage parlor sa West Avenue. Follow up ito sa box-office hit na Walang Kawala starring Polo Ravales and Joseph Bitangcol. Si Eric Ramos pa rin ang nagsulat ng script mula sa direksiyon ni Joel Lamangan. Ang dating titulo ng Touch of Heaven ay Heavenly Touch.
Ang kuwento ng Touch of Heaven ay tungkol sa corruption at pagkakaroon ng sindikato sa isang massage parlor. Ang tatlong artistang lalaki na magbibida sa pelikulang ito ay sina Paolo Serrano, Marco Morales, at ipinakikilala si Joash Balejado.
Unang acting job ito ni Joash (pronounced as Jo-Ash), ang 19-year-old student ng Rizal Technological University na kumukuha ng Business Management. Nag-audition lang ang 2008 Mr. Lakan at nakapasa naman siya sa panlasa ng producer na si Manny Valera at ang director ng pelikula na si Joel.
Si Paolo, na dating miyembro ng Viva Hot Men, ang pumalit sa papel na dapat ay follow-up movie ni Joseph Bitangcol sa DMV. Bale si Marco na lang ang koneksiyon sa dalawang pelikula dahil sa Walang Kawala siya unang ipinakilala.
Kasama sa cast sina Gwen Garci, Jeffrey Santos bilang may-ari ng masahihang pinagtatrabahuhan ng tatlong bidang lalaki, at si Jim Pebangco bilang mamasan ng mga masahista.
Nakatakdang ipalabas ang Touch of Heaven sa Mayo.
PEP Live