Balak buhayin ni Daniel Razon ang Student Canteen, ang noontime show na isa nang institusyon at isa sa naging numero unong katapat ng Eat Bulaga! sa loob ng maraming taon.
Sinabi ni Daniel na nakipag-usap na siya noon sa dating Student Canteen host na si Eddie Ilarde (may ari ng company Program Philippines Inc. at siyang may karapatan sa naturang noontime show). Naging positibo naman ang former senador/TV host sa mungkahi niyang pagbabalik ng programang nagsimula bilang radio show noong 1950's.
"Ang UNTV ay public service channel talaga at doon ang trust namin, pero we want to come up with a noontime show. I've already talked with Kuya Eddie," pahayag sa Daniel sa PEP (Philippine Entertainment Portal) noong isang araw sa Techno Wave Bar, Il Terrazzo Building, Tomas Morato, Quezon City.
"Sabi niya, ‘sige, dahil ikaw na ngayon ang Kuya, e'. Sabi ko, sige basta seryoso iyan Kuya Eddie. Tingin ko ay makakasama pa rin si Kuya Eddie as host nito, pero sabi ko ay pag-usapan na lang natin kung papaano."
Pahabol pa ni Daniel (na creative consultant ng UNTV at host ng Good Morning Kuya na napapanood Mondays to Fridays, 4:45-9:00 am), "We're just starting para sa plan for the revival of Student Canteen. Gusto ko kasing maging tema ay scholarship pa rin. Since we will be putting up yung free college namin ng Mass Com at Nursing para sa indigents, gusto kong ma-enhance sa ganoong aspeto.
"We are hoping before the year ends, na masisimulan na ito. Baka maghanap din kami ng mga bagong host, kumbaga, new generation, e. Si Roderick Paulate na kaibigan ko, baka makasali siya rito."
Sa naturang panayam, sinabi rin ni Kuya Daniel ang latest project niya sa pagtulong sa mga taga-media, partikular sa mga taga-entertainment beat.
"Gusto ko kasing i-open sa inyo ang pagkakaroon ng once a month medical mission para sa mga entertainment writers.
"Kasi, I've been doing a lot of medical missions outside. Nag-start na kasi ako sa Philippine Press Photographers (PPP) already, tapos sa iba pa nating mga kasamahan sa media. Hindi ba araw-araw ay may medical mission ako sa studio [ng UNTV]? Nakakausap ko kasi ang mga kasama natin sa media and marami rin silang grievances. Kaya sabi ko, why not come up with the entertainment writers din?
"Kasi sa PPP ang daming may problema sa mata, and alam nyo naman na ang buhay ng photographer ay sa mata. And marami tayong mga kasamahan na may problema sa health, kaya naisipan ko ito.
"Pwedeng once a month, every Sunday, kung ano ‘yung kaya namin doon sa clinic, nandoon na yung X-ray, ECG, blood chem, laboratory, dental, pati sa eyes, iyong general check-up na puwedeng magawa. And also, gusto ko rin ipaalam sa inyo na just in case na you'll be needing an ambulance, just call us up," tuloy-tuloy na paliwanag pa niya.
Naibalita rin ni Kuya Daniel ang ilan pang mga bagay na gusto niyang gawin.
"May isa pa nga sana kaming project, na isang housing project naman. And actually po, hindi lang ito pang entertainment press, kundi in general. Start na sana kami noong time na nagkausap kami ni Mike Defensor na secretary pa sa Housing, nasa Channel 7 pa ako noon. Kaya lang medyo complicated. Kaya ito na lang muna, itong medical mission."
Bakit ganoon na lang siya kapursigido sa pag-aalalay sa taga-media, bukod sa pagiging kasama sa trabaho ay may iba pa bang rason si Kuya Daniel?
"Bukod sa part din ako ng media na first and foremost, e, nakita ko ang predicament ng taga-media. Writers natin, reporters natin, mga kasamang broadcaster na mga sikat dati, tapos nakikita mo na humihingi sa atin ng tulong dahil wala man lang pang dialysis at pampadoktor. Kasi masakit din yung kapag sikat ka, kilala ka. ‘Pag hindi ka na sikat ay hindi ka na matulungan.
"Isa pa, kung iyong mga tao na hindi naman natin kilala ay natutulungan natin, bakit naman hindi ‘yung mga kasama talaga natin sa hanapbuhay, mai-extend sa kanila ang ganito.
"Malaki naman iyong venue [tabi ng UNTV Station sa may EDSA malapit sa West Avenue] dahil that's where we hold our medical mission everyday. Kaya nu kahit na 300 na tao na minsan ay 600 pa nga," wika pa niya. Binanggit ni Kuya Daniel na mula April 2007 hanggang June 2008 ay higit 70,000 na ang natulungan ng kanyang clinic.
PURE INTENTIONS. Isiniwalat rin ng UNTV executive ang mga pinagkukunan nila ng pondo para sa iba't ibang proyektong ito.
"Noong nakaraang photo exhibit ko, nagneto rin po ito ng 2.5 million. Tapos itong movie namin na Pondahan ni Kuya, artista lang po ako rito, si Zoren Legaspi ang producer at director at lumabas din siya roon. Ang role ko parang tumutulong din sa community. Tapos, mayroon din akong album na All My Life, Songs of Love by Kuya Daniel Razon. Doon po nanggagaling iyon," esplika pa ni Mr. Public Service.
Parang true to life yung role niya sa movie?
"Parang may touch of what I do. Pero sabi ko nga, isipin na ninyo na magpopolitika ako, pero ‘pag dumating ang panahon, papatunayan kong mali kayo, ilang buwan na lang naman iyan, e.
"Ako I believe na wala namang mabuting gawa na magbubunga ng masama.
"Pero no political plans whatsoever talaga. Ibigay na lang natin iyan sa iba. Kasi, mamaya, masama pa tayo na matawag na buwaya, saka baka marami pa ang mambuwisit sa akin sa politika," nakangiting saad niya.
"Maraming nag-aalok, left and right nga, e. Ang problema kasi, kapag nasa politika ka, baka masira ka e. Na kahit pure yung intentions mo, kahit sincere ka in what you are doing, tapos mahahaluan naman ng kung ano.
"Pero ito pong project na movie ay in line din sa fund raising campaign namin na transient home, sa foundation, etc, so in line pa rin ito sa public service," pagtatapos ni Daniel.