Beterana na kung maituturing sa larangan ng pag-arte si Jean Garcia. Subalit aminado ang aktres na hindi madali makatrabaho ang sariling anak sa dahilang nagtatalo kung minsan ang personal na damdamin sa pagiging propesyunal.
Kahapon, January 19, sa press conference ng Ina, Kasusuklaman Ba Kita? na ginanap sa The Roxy restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, inamin ni Jean na nanibago siya sa mga naunang eksena niya kasama ang kanyang dalagang anak na si Jennica.
"Kasi siyempre anak mo, so hindi lang acting 'yong iniisip mo. Iniisip ko din kung paano ko siya susuportahan. Actually, kahit anak ko siya, ang hirap ding magturo kasi hindi ako ganung klaseng nanay na dahil pareho kaming artista, tuturuan ko na agad ang anak ko," paliwanag ni Jean sa PEP (Philippine Entertainment Portal).
Idinagdag ni Jean na mas gusto sana niyang matuto ang anak sa sarili nitong pagsisikap. Mas maganda raw kasi kung kusang mailalabas ni Jennica ang innate talent nito sa pag-arte, kasama na ang sarili nitong interpretasyon sa karakter na ginagampanan niya.
"Kung ano 'yong ibinigay sa kanya ng Panginoon, kumbaga, 'yong acting, hindi dapat turo from me. Gusto ko lumabas kung ano 'yong natural niya."
Sa isang hiwalay na panayam ay inamin naman ni Jennica na hindi nakikialam ang Mama niya pagdating sa kung paano niya aatakihin ang isang eksena. Ngunit hindi naman nangangahulugan na hindi encouraging si Jean sa kanyang anak. Iba lang daw talaga ang motivating style nito pagdating sa trabaho nila.
Natutuwa naman si Jean sa nakikita niya sa kanyang dalaga. Malaki ang pasasalamat ni Jean sa GMA-7 management sa pagbibigay ng pagkakataon sa kanilang mag-ina na magkasama sa isang proyekto.
"Pinabibilib ako ng anak ko sa mga eksena namin," buong-pagmamalaking sinabi ni Jean sa PEP.
Ang Ina, Kasusuklaman Ba Kita? ay hango sa 1985 film na pinagbidahan ng award-winning actress na si Lorna Tolentino at ang namayapang si Rita Gomez.