Rated B by the Cinema Evaluation Board ang pelikulang Torotot,
isa sa mga Filipino films na bahagi sa Brussels International Independent
Film Festival sa Belgium. Ang indie film na ito ay tungkol sa dalawang kuwento
at kaso ng pangangalunya (adultery).
Ang pelikulang ito ay inspired ng isang broadsheet article
na isinulat noong 2000 ni Julius Babao tungkol sa kaso ng destierro. Ito ay
tumutukoy sa uri ng kaparusahan sa "crime of passion" kung saan ang isang asawa
ay napatay ng kanyang asawa matapos itong mahuli sa akto na nakikipagtalik sa
iba.
Imbis na parusahan ang nakapatay (o "natorotot"), siya ay dinadala sa ibang
lugar upang makapagsimula ng bagong buhay.
Ayon kay Direk Maryo J. de los Reyes, matagal na niyang konsepto ang tungkol dito para gawing materyal. Ang natatandaan pa namin, tatlong taon na ang nakararaan nang mabanggit ni Direk Maryo na tipong personal film para sa kanya ang Torotot na ang script ay matagal na ring nabuo ng premyadong scriptwriter na si Jun Lana.
Dalawang married couples ang mga pangunahing tauhan dito. Ang unang couple ay binubuo nina Maui Taylor at Baron Geisler. Ang pagkaka-acquit sa naakusahan ng pagpaslang ay batay sa matitibay na ebidensyang nagpapatunay na hindi pinlano ang pagkakapatay at, without reasonable doubt, ang pagkakahuli sa akto ng pagtataksil ang nagtaboy sa lalaki para patayin ang babae at ang kalaguyo nito.
Sa kaso ng mag-asawang ginagampanan nina Yul Servo at
Precious Adona, gustong bigyan ni Direk Martyo ng study of contrast ang
manonood depende sa magkaibang situwasyon ng pangangalunya.
Ayon pa rin mismo kay Direk Maryo, ang sarili niyang kumpanyang Studio 56 ang nag-line produce ng proyekto. Naidaing ng pamosong direktor na hindi kasama sa kabuuang production cost ang bayad sa kanya bilang direktor. In other words, isinakripisyo ni Direk ang talent fee niya para lamang mag-materialize ang isa sa mga proyektong pinapangarap niyang maiaskatuparan.
Naglalaro sa P3 million ang budget na inilaan sa pelikula, kasama na ang para sa publicity at promotions. Indie digital ang tipo ng pelikula, pero sa kalidad ay masasabing topnotch ito at mas mataas kung ikukumpara sa pangkaraniwang indie production.
Sina Baron at Yul talaga ang personal choices ni Direk para rito, at sumulpot ang ideyang ang mga bidang babae ay si Maui at ang baguhang si Precious (fresh from being a finalist in the Be Bench competition), sa suhestiyon na rin ng pamunuan ng Viva Digital.
Masasabing malaking pagsubok sa mga artistang ito ng Torotot
ang hinihingi ng characters na kanya-kanyang ginampanan sa pelikula. Ang
bentahe ng Torotot ay ang katotohanang maituturing na Actors' Director
si Maryo J at napapaarte niya nang higit sa inaasahan ang kanyang mga artista,
turf ng direktor ang ganitong uri ng domestic drama na kontrobersyal ang tema.