HYDERABAD, INDIA - Nagwagi ang Filipino film na 1st Sem sa 2nd All Lights India International Film Festival (ALIIFF) na ginanap dito sa Hyderabad, India.
Pinagbibidahan ni Lotlot de Leon at ng newbie actor na si Darwin Yu ang 1st Sem na nasa direksyon ng first-time directors na sina Dexter Hemedez at Allan Ibanez.
Nagwagi ang naturang pelikula sa kategoryang International Competition For Feature Films For Debut Directors.
Bukod dito, tumanggap ng Special Acting Citation si Lotlot na gumanap bilang nanay sa 1st Sem. Ang Pinay actress lamang ang nag-iisang artista na binigyan ng naturang parangal sa naturang film festival.
Ang mga nakalaban ng Pilipinas ay mga film entries mula sa Canada, Israel, China (2 entries), Iran (2 entries), Germany, at United States.
Ginanap ang ALIIFF sa Ramoji Rao Film City, na tinagurian ng Guinness World Record bilang largest film studio complex sa buong mundo.
Personal na dumalo sa naturang parangal sina Lotlot at Darwin at ang mga director na sina Dexter at Allan.
Binigyan naman ng Honorable Mention citation ang pelikulang Laut sa kategoryang International Competition For Feature Films.
Ang personal na tumanggap ng award ay si Ferdinand Lapuz na siyang producer ng naturang pelikula na pinagbidahan ni Barbie Forteza at sa direksyon ni Louie Ignacio.
