Isang balita ang nakarating sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong araw, March 19, 2010, tungkol sa pagkamatay ng anak ni Toni Rose Gayda na si Edward James Lim.
Si James, 26 years old, ay bunso sa dalawang anak ni Toni sa ex-husband niyang si Moonie Lim.
Ayon sa impormasyong nakuha ng PEP mula sa ilang sources, nahulog si James mula sa 4th floor ng isang condominium building sa Wack-Wack Road, Mandaluyong City, kaninang madaling araw.
Ayon naman sa Twitter post ng isa pang TV personality, sinabi ni Toni Rose na nahulog daw si James habang naninigarilyo sa veranda.
Napag-alaman din ng PEP na na-cremate na kaninang hapon ang mga labi ni James.
Pero may inilaang dalawang araw para sa lamay simula ngayong gabi sa Santuario de San Jose, Greenhills, San Juan City.
Si James ay apo rin ng batikang aktres at ngayo'y pinuno ng Philippine National Red Cross na si Ms. Rosa Rosal.