Nang mabalita ang hiwalayan diumano nina Zanjoe Marudo at Mariel Rodriguez after three years of being together, iba't ibang bersiyon ang naiturong dahilan ng breakup nila.
Naugnay ang pangalan ng action star na si Robin Padilla. Na-develop daw sina Robin at Mariel dahil sa kakaibang sweetness na ipinakita ng action star sa TV host nang maging special guest co-host si Robin sa Wowowee for two weeks.
May mga kuwento rin na may kinalaman daw dito ang career at ang pamilya ni Zanjoe.
Sa Z Cup Golf Tournament ni Zanjoe na ginanap last Sunday, May 30, sa Villamor Golf Course, na-interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang model turned actor. Naging bukas naman siya na pag-usapan ang nababalitang breakup nila ni Mariel.
Aniya, "Kaya din naman siya [Mariel] nagsasalita kasi ang dami na ring lumalabas na mga kuwento, ang dami nang mga espekulasyon ng tao. Kumbaga, normal lang naman sa isang relasyon yung nangyayari sa amin gaya ng ibang tao na nagkakaroon ng pinagdadaanan.
"Ang maganda, okay kaming dalawa, hindi kami magkaaway. Hindi ko naman masasabing wala na kami, na hindi na kami o ano, mayroon lang kaming mga inaayos na mga personal na bagay."
Dagdag niya, "Hindi lang maganda yung naiisip ng ibang tao, like may third party. Pinu-push pa nila na yung ibang issues like focus sa career. Lahat naman tayo kailangang mag-focus sa career, lahat naman tayo kailangang magtrabaho para sa pamilya natin. Sana yung mga nagsasalita ng mga bagay-bagay, huwag na nating i-push yung kung anu-anong mga kuwento."
ROBIN PADILLA. Iginiit ni Zanjoe sa PEP na wala talagang third party involved sa problema nila ngayon ni Mariel.
"Wala talagang third party," diin ni Zanjoe. "Normal lang yung nangyayari sa amin. Ang masama lang, nabalita lang, lumaki. And I can say na lahat naman ng relasyon, may problema."
Nilinaw rin ng aktor ang tungkol sa balitang si Robin daw ang dahilan ng kanilang paghihiwalay, lalo't napanood sa telebisyon ang pag-iyak ni Mariel nang magpaalam si Binoe sa Wowowee. Bukod pa rito ang balita na nagli-link sa dalawa.
"Regarding Robin, nakakahiya dun sa tao na kapapasok pa lang sa Kapamilya network tapos nadadamay siya sa mga ganyang issues. Siyempre ang laki ng respeto ko sa tao, idol ko pa, tapos nadadamay sa mga issues sa amin. E, wala naman talaga siyang kinalaman sa nangyari.
"Hindi ako nakakapanood ng Wowowee kasi paggising ko, tapos na lagi ang Wowowee dahil lagi akong umuuwi, umaga na. May mga nagsasabi sa akin...actually ikinukuwento din sa akin ni Mariel.
"Natural na yun, normal lang yun dahil bilang sinalo sila, sinave sila ni Idol Binoe, yung show nila. Kasi, di ba, nagkaroon ng malaking problema [sa show]. At may taong tumulong, tapos mawawala, at maganda na yung mga nangyayari sa show, biglang aalis na sana magtuluy-tuloy na. Siyempre, kahit sino malulungkot.
"Si Mariel naman, kahit ano, kahit eviction sa PBB [Pinoy Big Brother], hindi niya kilala ang mga nandun, iyak siya nang iyak. So, mababaw talaga ang luha niya," mahabang paliwanag ni Zanjoe.
Hindi ba siya masasaktan kung saka-sakaling sa bandang huli ay magkagustuhan nga sina Mariel at Robin, lalo't alam naman ng lahat kung gaano katindi ang appeal ng action star sa mga babae?
"Oo naman," sagot ni Zanjoe. "Hindi naman malayong magustuhan siya [Mariel] ng kahit na sino. Maganda siya, mabait. Hindi natin mapipigilan yun kung anuman ang mangyayari o kung anuman ang magiging feelings ng isa't isa lalo na kung nagkakatrabaho kayo."
Totoo bang na-threaten siya sa balitang ito kung kaya't doble-doble raw ang panunuyo niya ngayon kay Mariel para magkabalikan sila?
"Hindi naman kasi masasabi na wala na kami," diin ni Zanjoe. "Actually, papunta siya dito [golf tournament] dahil susuporta siya, dahil siya ang tutulong sa akin sa awarding para mag-host.
"Actually, wala naman talaga kaming problema, okay kami. Kumbaga, normal lang ang pinagdadaanan namin. Nandito kami ngayon, umatras lang kami ng kaunti para hindi lang maapektuhan ang mga bagay-bagay sa paligid namin."
HOW DO YOU MEASURE LOVE? Kilalang open at prangkang tao si Mariel, at sinasabi nito kung ano ang nararamdaman niya. Sa naging relasyon nila ni Zanjoe, nagkaroon ng thinking ang ibang tao na mas mahal at mas nagbibigay sa samahan nila si Mariel. Ano ang reaksiyon dito ni Zanjoe?
"Kung pagmamahal ang susukatin, sinusukat ba ito kung ano ang nakikita natin, kung ano ang napapanood natin sa TV, kung ano ang nakikita natin ng kilos ng tao? Tulad ko, hindi naman ako expressive na tao. Siyempre sa relasyon namin, kami na lang ang nakakaalam kung bakit kami tatagal. Kung wala akong ipinapakitang pagmamahal o ipinapakitang maganda, bakit kami aabot ng ganun?
"Sa isang relasyon, dapat laging may mas mahal, naggaganunan kayo. Mas mahal ka, mas mahal mo para hindi matapos, para magkaintindihan kayo. Kasi pangit kung hindi pantay, pangit kung isa lang.
"Pero siyempre lahat ng tao may pagkakamali. May pangit na ugali, mayroong maganda at pangit. Dapat mamahalin mo lahat-lahat yun. Kung ano ang flaws niya, tatanggapin at mamahalin mo. Hindi naman kasi puwede na maghanap ka ng perfect na tao," pahayag ni Zanjoe.
Sa tagal ng itinakbo ng relasyon at lalim ng pinagsamahan nila, aminado si Zanjoe na nakita na niya kay Mariel ang babaeng gusto niyang pakasalan at makasama habambuhay.
"Kung tatanungin ninyo ako, wala naman akong ibang naiisip, e. At kahit naman siguro siya, feeling ko, pareho lang kami, mutual. Kaya nga hindi ako naaapektuhan ng mga issues," makahulugang sabi niya.