Isa ang veteran actor na si Robert Arevalo sa cast ng Magkaribal na tinatampukan nina Gretchen Barretto, Bea Alonzo, Derek Ramsay, Erich Gonzales, at Enchong Dee, mula sa ABS-CBN na magsisimula nang mapanood sa susunod na Lunes, June 28.
Exclusive na nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang award-winning at nirerespetong actor sa presscon ng Magkaribal na ginanap sa 9501 Restaurant sa 14th floor ng ABS-CBN Bldg., tungkol sa kanyang first-ever at kakaibang pagganap bilang isang gay para sa naturang bagong TV series.
FIRST GAY ROLE. Matagal na sa showbiz si Mang Robert. Natatandaan pa niya na noong April 2, 1960 siya unang humarap sa movie camera para sa pelikulang Huwag Mo Akong Limutin (1960) ng Premiere Productions na tinampukan nina Cesar Ramirez, Cynthia Zamora, at Aura Aurea.
Ang unang TV series naman niya ay ang Balintataw, samantalang una siyang nakalabas sa ABS-CBN sa TV series na Panagimpan ni Marlene Dauden noong late '60s.
Pero sa dami na ng nagampanan niyang roles, hindi pa siya nakakaganap ng role ng isang bading. First time nga niya itong gagawin sa Magkaribal. So, bakit nga ba niya tinanggap ang role ng isang bading?
"Siguro yung challenge, kasi it's a new role for me, because I never did a role like this before. At saka, yun nga, as I've said during the presscon, maraming mga magagaling na artistang gumagawa na nito, tulad nina Johnny Depp, Michael Douglas...who is going to play the great pianist, yung popular pianist na si Liberace [classical pianist turned flambuoyant pop artist Wladziu Valentino Liberace]. Gay yun. Hindi pa 'ata inuumpisahan, pero it's going to be in production soon. So, ayun nga. Isa pa, hanapbuhay e," panimula niyang paliwanag.
Wala ba siyang pagdadalawang-isip sa pagganap ng role ng isang gay?
"Siyempre nag-isip din ako, dahil nga television. Kasi ang audience kung minsan, parang sa kanila, totoo yun, e. Kaya sa ngayon pa lang, worried na ako how people would respond to me when I walk around in malls. E, dati okey...," pag-aalala pa ni Mang Robert.
Pero bawi niya, sa tagal na rin naman niya sa industriya ng pelikulang Pilipino, alam na ng mga nakakakilala sa kanya na role lang ang kung anumang makikita sa kanya sa Magkaribal.
"I've established myself as an actor, not really as a movie star, maiintindihan ng audience na it is an acting job.
"I celebrated my 50th anniversary in film last April 2. I posted it on my status sa Facebook. So, 50 years na ako sa showbiz," nakangiting saad ng 72 -year-old actor na nag-celebrate ng kanyang kaarawan last May 6.
NO SEX SCENES. Hindi raw ito ang unang offer para gumanap siya bilang bading.
"Parang minsan sa isang indie film, pero tinanggihan ko. Natakot ako, kasi maraming daring scenes," seryosong pahayag niya. "Ito naman, one of my conditions was, walang sexual ano, tutal matanda na naman ang role ko roon. Siguro naman walang scene na mayroong sexual encounter. Pero mas gusto ko rin nga sana na walang ganoon, kasi family man din siya, e. Meron din siyang pamilya.
"Late in his life, he discovers na he was like that, na parang babae siya. Ang feeling niya o hilig niya, e, fashion designing. He was an artist in a sense, kaya nga lang ang nakahiligan nga niya, e, ang world of fashion," kuwento ni Mang Robert about his Magkaribal role.
"Ang gusto ko nga sana, ewan ko kung ano ang gagawin ng writers, pero sana yun nga, walang sexual activity," pag-uulit pa ng beteranong aktor.
Baka naman para sa mga eksenang ganoon, ibang aktor na ang paganapin at hindi na siya?
"Siguro... Kasi mayroon din siyang ibang pamilya, 'tapos yun nga, I was promised na very dramatic scenes, where I would...parang, divulge o display my longing and loneliness for the daughter that I left behind. Kaya mahal na mahal ko si Gretchen [Barretto] dahil parang she took the place of the daughter that I left behind."
Pero kahit na bading, nilinaw ng beteranong aktor na hindi naman magsusuot ng mga damit-pambabae ang character niya sa bagong teleserye ng Dos.
"Not only action, yung kanyang porma, effeminate siya. Siyempre, kasi he likes designing dresses for women, pero hindi naman magsusuot ng pambabaeng damit," esplika pa niya.
Asahang signature brands daw ang isusuot niya sa series dahil fashion designer nga siya roon.
"I have some of my own na binili ng asawa ko [veteran actres Barbara Perez]. Some are provided by the wardrobe department. They have some arrangement with some of our designers."
Nabanggit na rin lang ang asawa niya, ano naman ang reaction nito noong malamang isang bading nga ang magiging role niya sa Magkaribal?
"Siyempre, we discussed it. Para sa kanya...yun nga, more nuances, walang masyadong external. Iyon din ang gusto ko, gusto kong maramdaman lang ng tao what kind of a person he is. At yung istorya naman, malalaman mo na ganoon siya."
Hindi rin daw siya yung tipong bading na bulgar ang dating.
"Hindi, hindi screaming. Marami akong disenteng mga kaibigan [na bading] dahil kaibigan ng asawa ko nga. Mga disente sila. So, they speak decent language. Meron din naman akong kilalang mga bulgar, pero hindi yata yun ang role ko. Siguro darating ang panahon na I'll be asked to do a role like that, pero hindi ko na siguro gagawin iyon," nakatawang saad pa niya.
PREPARATION FOR THE ROLE. Anu-anong paghahanda ba ang ginawa ni Mang Robert para sa role niya? Nag-interview ba siya ng mga bading na puwedeng pagbasehan niya ng kanyang role?
"Wala naman [masyadong paghahanda]... Oo nga dahil marami naman akong kaibigan na ganoon, kaya madali na. I externalized...internalizing, puwede ko ring gawin."
Pero para sa isang subok nang mahusay at award-winning na aktor (1966 Famas Best Actor for Daigding ng Mga Api, 1995 Film Academy of the Philippines Best Supporting Actor for Pangako ng Kahapon), kailangan pa ba niya ang mga ganoong paghahanda?
Tumawa muna ulit si Mang Robert bago sumagot. "Sana magawa ko nga ng maganda with the satisfaction of the writer, director and the audience. Sana makatulong din sa show yung role. Yun ang importante."