Matagal na rin na hindi gumagawa
ng pelikula si Direk Gil Portes kaya naman excited siya sa kanyang pagbabalik-pelikula
via the indie film na Pitik Bulag. Ipapalabas na ito ngayong Miyerkules, July 1.
Tampok sa nasabing indie film sina
Marco Alcaraz, Victor Neri at ang FHM cover girl na si Paloma.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment
Portal) kay Direk Gil kamakailan, sinabi ng premyadong director
na karamihan naman sa kanyang mga obra ay indie ang pagkakagawa. "Most
of the movies I did were not produced by big production outfits except
for a few kasi karamihan sa mga projects na ginagawa ko ay kakaiba ang
istorya or the type na parang hindi magugustuhan ng isang mainstream
producer."
Kabilang sa kanyang mga award-winning
films ay ang Mga Munting Tinig, Saranggola, Minsan May
Pangarap at 'Merika.
Ayon kay Direk Gil, ang istorya
ng Pitik Bulag ay hango sa isang real-life bank heist na nangyari last
year kung saan tatlong security guard ang napatay. Isang linggo bago
naganap ang nasabing insidente, naroon si Direk Gil sa nasabing bangko
kasama ang isang kaibigan kaya nang mabalitaan niya ang nangyari, maraming
mga scenario na tumakbo sa kanyang isip.
"Paano kung makapulot ka
ng isang bag na puno ng pera, ano ang gagawin mo? Na-inspire ako kaya
naikuwento ko kay Eric Ramos ang basic premise ng kuwento at ginawa
niya itong full-blown script," wika ni Direk Gil.
Ayon pa sa director, parang
tribute rin daw kay Fernando Poe, Jr. ang Pitik Bulag at isang pagbabalik-tanaw
sa nangyari sa mga action films na dati ay sikat na sikat at talagang
pinagkakitaan ng mga artista at producers nang maraming taon.
Sa istorya kasi, ang role ni
Marco Alcaraz ay isang die-hard FPJ fan na nangangarap na sundan ang
mga yapak ng kanyang idolo. Kaya nang humina ang action films, napilitan
siyang mag-audition sa isang sexy film para mag-survive.
Kahit na medyo alanganin si
Direk Gil kung kakayanin nina Marco at Paloma ang demands ng kanilang
respective roles, naging masaya naman siya sa performance ng kanyang
dalawang artista.
"Maraming masosorpresa sa
maturity na ipinakita ni Marco sa kanyang acting, gayundin sa projection
na ipinamalas ni Paloma," wika niya. "Malaki ang potential ni Paloma
na sumikat. Masarap siya katrabaho." Pinuri rin ni Direk Gil si Victor
Neri na matagal din nawala sa eksena pero nagbabalik dito sa Pitik Bulag.
May sexy scene sina Marco at Paloma sa pelikula. Kailangan ba talaga ito? "Kapag ang mga artista mo ay parehong physically attractive at maganda ang rehistro sa screen, puwedeng-puwede silang gumawa ng isang passionate love scene na lalong magpapaganda sa takbo ng istorya. Natural na natural ang dating ni Paloma sa love scene. Wala siyang kiyeme sa eksena," sagot ni Direk Gil.