As of this writing ay nakatanggap ang writer na ito ng text
message sa PR ng Regal Films na si Noel Ferrer stating that "congratulations to
all of us for our efforts in making Mag-ingat Ka Sa...Kulam a box office hit.
As per producer Mother Lily [Monteverde] and her daughter Roselle, Kulam is
hitting P40 million for the first week and still raking it in with your good
and kind words. Because of this, magkakaroon po tayo ng thanksgiving lunch
party at presscon on Wednesday, October 8, at Imperial Palace Suites. Thank
you."
Napanood namin ang kabuuan ng Kulam nung premiere night noong September 30 sa Megamall at talaga namang masasabi naming napakahusay ang acting na ipinakita dito ni Judy Ann Santos bilang dual role na isang mangkukulam (si Maria) at isang butihing asawa at ina (si Mira).
Si Dennis Trillo ang gumaganap ng role ni Paul, ang asawa ni Juday na walang kaalam-alam na may kakambal pala ang kanyang napangasawa na nakakulong sa mental hospital. Si TJ Trinidad ang gumanap na Dave, ang business partner ni Mira na obsessed kay Mira, ang misis ni Dennis. Wala rin silang kaalam-alam na si Maria, ang kambal sa mental ay may pinaplanong masama sa pamamagitan ng isang voodoo doll na paglalaruan ng bulag na si Sophie (Sharlene San Pedro), ang anak nina Mira at Paul.
Mula sa simula hanggang sa ending ng pelikula ay panay ang tilian ng mga nanood sa premiere night dahil sa mga tunog na tipong nakaka-suspense lalo na't kapag nagpapakita ang multong kakambal niya.
Sabi nga ni Judy Ann mismo ay nagpapasalamat siya sa naging reaction ng mga nanood ng Kulam. Nakatanggap muli siya ng magagandang review pagkatapos ng kanyang pagbibida sa indie film na Ploning na napiling entry ng Pilipinas sa 2009 Oscar Awards' best foreign language film category.
Ang Kulam ay graded "A" ng Cinema Evaluation Board at nakatanggap ng PG 13 mula sa Movie and Television Review and Classification Board. Kasalukuyang mapapanood ang Mag-ingat ka sa...Kulam sa mga sinehan.