Mapalad na naimbitahan ang PEP (Philippine Entertainment
Portal) sa taping ng Deal or No Deal na siyang ipapalabas sa susunod na
mga araw sa ABS-CBN. Ang game show na ito, hosted by Kris Aquino, ay
magkakaroon ng celebrity players sa katauhan nina KC Concepcion, Lorna
Tolentino, at Lea Salonga. Pati na rin ang Ateneo Blue Eagles basketball player
na si Jai Reyes ay maglalaro rin sa naturang palabas.
Unang mapapanood ang episode ni KC Concepcion ngayong gabi, October 15, bago ang TV Patrol World. Ang episode naman ni Lorna Tolentino ay mapapanood sa Biyernes, October 17, samantalang ang kay Lea naman ay naka-schedule na umere sa Lunes, October 20. Si Jai naman ay mapapanood sa Martes, October 21.
LEA SALONGA. Pagpasok namin sa Studio 4 ng ABS-CBN ay nakita na namin si Lea Salonga na naghihintay na lang ng cue para makapasok at magsimula na ng laro. Kaya naman sinamantala na namin ang pagkakataon na makapuwesto na sa itaas katabi ng mga cameraman.
Nang makapuwesto na kami ay tinawag na itong si Lea ni Kris Aquino na nakasuot ng kulay pulang dress na gawa ni Pepsi Herrera. Kulay itim na t-shirt naman ang suot ni Lea na may nakasulat na "I Can Serve" na ang ibig sabihin ay I Can Serve For Women With Breast Cancer, ang grupo na pinili niya na maging beneficiary kung sakaling manalo siya.
Pag akyat sa stage ay mixed emotions ang naramdaman ni Lea, kinakabahan daw kasi siya, iba raw pala ang pakiramdam kapag ikaw yung nakasalang at naglalaro mas nakakaba pa raw kapag nanonood ka lang sa TV.
Pinili niya ang brief case number na espesyal para sa kanya ang numero. Hudyat na ito ng pagsisimula kaya sa una ay pinapili siya ng limang briefcase at sa pagbubukas ng limang kahon ay maganda ang naging resulta, kaya naman naging maganda rin ang offer ni Banker. Pinapili ulit siya.
Kapag naman tuwing nakakakuha ito ng mababang laman ay napapasayaw sa tuwa itong kapatid ni Gerard Salonga, kapag naman mataas ang laman ng kahon ay nagiging malungkot ang mukha nito at sabay nakikiusap sa Banker na huwag babaan ang kanyang offer.
Pagdating sa kalagitnaan ay pinalabas na ni Kris Aquino ang pamilya at mga kaibigan ni Lea para makatulong nito sa pagpili ng brief case, siyempre kasama dito ang kanyang inang si Ligaya Salonga at ang kapatid na si Gerard, Bituin Escalante, at iba pang mga kaibigan gaya nina Bettina Osmena, Shiela, Bea, Alice, Corcor, at Pinky.
Habang tumatagal ay nagiging maganda ang laban kaya masaya ang mga tao, pinapili na rin ang mga kapamilya at kaibigan ni Lea at naging maganda naman ang napili nila. Pasensiya na pero hindi namin puwedeng sabihin kung magkano ang nakuha ni Lea dahil kailangan munang maipalabas ito sa Monday next week.
JAI REYES. After maglaro ni Lea, sumunod namang nag-taping itong si Jai Reyes, basketball player ng Ateneo Blue Eagles, ang mga nag-champion sa UAAP at tinalo ang Green Archers ng La Salle. Nakasuot si Jai ng jacket ng Ateneo, samantalang si Kris Aquino naman ay nagsuot din ng blue color na dress na gawa rin ni Pepsi Herrera.
Napansin din namin na sa tuwing mag-uumpisa ang bawat episode ay may ritual na ginagawa si Kris ang itaas ang dalawang kamay nito ay sabay na pipikit at parang pinapipitik ang kanyang dalawang daliri sa magkabilang kamay.
Pumili na si Jai ng kanyang briefcase pero bago pa man umalis ang isa sa mga 26K Girls na may hawak ng briefcase ay humihiling ang mga tao sa audience ng kiss daw. Ang sagot ni Jai ay hindi pwede dahil sa may asawa na raw siya. In fact, kakakasal lang daw niya last year at may baby na raw sila ng kanyang asawa.
Tuloy na ang laro at naging masaya ang bawat pagpili nito sa mga briefcase lalo na kung mababa ang laman ng mga ito, siyempre lagi silang nakiki-usap kay Banker na lakihan ang offer sa bawat pagtawag niya sa telepono.
Katulong ni Jai ang kanyang teammates sa pagpili ng mga briefcase at naging masaya pa ito sa tuwing mababa ang napipili nila, isa pa sa nagpapasaya ay kapag napipili nila si Charmel isa sa mga 26K Girls, kaya naman sa tuwing natatawag ang pangalan nito ay nagsisigawan ang mga kalalakihan, feeling tuloy ni Charmel ay ang haba ng buhok nito.
Sa pagtatapos ng episode ni Jai ay sinabi ni Kris na gusto rin niyang imbitahan ang La Salle Green Archer team para malaman kung sino ang mas masuwerte sa dalawang team. Mapapanood ang episode ni Jai sa Martes, October 21.
KC CONCEPCION. Ang Megadaughter na si KC Concepcion naman ang pangatlong guest na naglaro ng gabing iyon. For the first time daw ay nakasali si KC sa game show kaya excited raw ito.
Ang pinili niyang beneficiary ay ang United Nations World Feeding Program, kung saan siya ang ang napiling National Ambassador Against Hunger.
Si Banker naman ay panay ang sabi na in love na raw siya kay KC kaya naman magaganda ang ibinibigay nitong offer, ang tingin nga namin ay si KC ang pinakasuwerte sa apat na naglaro dahil siya ang mayroong pinakamalalaking offer. Sa isang offer nga na ibinigay ni Banker sa anak ni Sharon Cuneta ay pinakanta muna niya ito, at kumanta naman si KC kaya naging malaki rin ang ibinigay sa kanyang offer.
Napansin lang namin na halos walang pamilya si KC na kasama sa Deal Or No Deal, except sa kanyang ninang na si Connie Cuneta. Karamihan kasi sa mga inimibita niya ay puro mga kaibigan gaya ni Mark Nicdao (photographer) na sabi nga Kris Aquino ang nagiging dahilan daw kung bakit magaganda ang billboard at pictorial ni KC.
Kasama rin si Direk Joyce Bernal, ang director ng unang pelikula nina Richard Gutierrez at KC, ang For the First Time. Nandoon din ang manager ni KC na si Shirley Kuan, mga kaibigan na sina Chiki Okol, Cristina Bagabino, at Cara Sarmiento-De Ocampo. Sina Pia Facultad at Wurie Alghassim ang mga representatives ng UN/WFP na nagbigay ng suporta para sa kanilang magandang ambassador.
Maganda ang resulta nang na panalunan ni KC kaya lang quiet muna kami na sabihin ito, baka kasi hindi nyo na panoorin mamayang gabi, tonight (October 15) na kasi ang airing ng episode na ito.
LORNA TOLENTINO. Sa last episode at ang pang-apat na
taping ay si Lorna Tolentino na sinasabing pumirma na ng kontrata with Star
Records. Naka black ang biyuda ni Rudy Fernandez habang nakipaglaro kay Kris at
sa 26K Girls.
Halos ang lahat ng kanyang guest ay puro kapamilya niya, kabilang ang kanyang
ina na si Eloisa, kapatid na si Jun, Lulu at Rhina sister-in-law, niece na si
Lara, ang mga anak na sina Renz at Raphael. Pati si Rudy Velasco, ang 21 years nang driver ni Rudy
ay pinili rin nila upang makasama sa pagkakataon na ito.
Masuwerte ang lahat ng kasama ni LT dahil lahat ng pinili nitong mga nos. ay puro maliliit ang laman kaya ang saya-saya ng buong pamilya. Pinili niya ang numero na sinasabi niyang paborito ni Daboy. Among the four celebrity contestants, si Lorna ang pangalawa sa mga masuwerte, kahit hindi naman kalakihan ang kanyang inuwi gaya ni KC Concepcion, pero sapat na rin naman.
Sabi ni Banker, kinalabit daw siya ni Rudy kaya nagbigay siya ng malaking offer. Ang airing ng episode ni LT ay sa Biyernes, October 17.
Mapapanood ang Deal or No Deal mula Lunes hanggang Biyernes bago TV Patrol World.