Walang alinlangan si Jed Madela na sagutin ang mga tanong ng mga press tungkol sa kanyang personal na buhay at karera bilang singer sa kanyang press conference na ginanap kamakailan sa Don Juan Restaurant, Q.C.
Ito ay para sa kanyang first-ever solo concert na gagawin sa Araneta Coliseum titled Higher than High: the 15th Anniversary Concert. Magaganap ito sa November 16 (Friday) at 8 PM.
Hinintay ni Jed ang tamang pagkakataon na ito para makapag-concert sa Big Dome after 15 years. Nasa bucket list ni Jed ang makapag-concert sa Araneta kaya natutuwa siya na may sumugal para matupad ang kanyang pangarap.
Higher Than High daw ang title ng kanyang concert dahil alam naman daw natin na maraming mag expect na matataas na kanta ang kanyang kakantahin sa concert.
Inaanounce din ni Jed Madela ang ilan sa kanyang nga magiging guests, tulad ni Regine Velasquez na kahit daw may concert kinabukasan ay pumayag pa rin daw na mag guest sa kanya. Si Darren Espanto na sinasabi daw younger version niya. Ang TNT Boys na noon pa man daw ay hinahangaan na ni Jed dahil sa galing ng mga ito at malayo na ang narating ng kanilang career.
Inimbita niya si Lea Salonga, pero sinabi daw ni Lea sa kanya na mas pipiliin ng Broadway singer na manuod kay Jed kesa magperform kasama siya. Bumili na raw si Lea ng VVIP ticket para manuod.
Makakasama rin ni Jed ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra—sa pamumuno ni Maestro Gerard Salonga—at ang Philippine Madrigal Singers.
Sa kalagitnaan ng press conference ay natanong si Jed tungkol sa kanyang pagme-mentor sa mga baguhang singer lalo na sa "Tawag ng Tanghalan" ng It's Showtime.
Ani Jed: "Iba yung satisfaction na nakukuha ko bilang artist sa pagmementor ko sa mga baguhang singers. Behind the camera tahimik lang akong tao, nasa tabi tabi lang ako."
Nagbigay rin ng obserbasyon si Jed tungkol sa mga singer na sinasabi niya ay masama ang ugali.
"May mga nakikita ako na sobrang gagaling ng mga talent nila at ang galing mag-perform pero behind the camera, ang sama ng ugali, they don't know how to say good day.
"Nakakalungkot pa na may nami-meet ako na noong nagsisimula ay bumabati ng 'hello, kuya!' Pero noong naka experience na ng konting ingay sa industriya ay dadaanan ka na lang. Ang lungkot naman na higher than high na rin yung mga kilay nila. Sabi ko nalang sa sarili ko na baka hindi ako nakita, pero sa laki kong tao, hindi naman pwedeng hindi nila ako nakita."
May dalawang bagay pang gustong gawin si Jed ngayong umabot siya ng 15 years sa entertainment industry. Ito ay ang makagawa ng stage musical play at magkaroon ng love life.
Sinabi ni Jed: "If you're in this industry, you cannot give yourself basta basta, hindi mo kasi alam kung sino ang totoo, e.
"Baka kasi gusto lang nila ay trophy lang pala, trophy boyfriend, na jowa ko si Jed Madela, may ganun, e, na gagamitin ka lang pala.
"I speak from my experience at naranasan ko na yun kaya somehow, I built a wall.
"Pero somehow I need to do effort pa rin to meet people pero yun nga kailangan ko lang talaga maging picky at choosy na I deal with.
"Kasi ang dami ko na ring pinagdaanan at na meet na tao na manloloko sa mundo lalo na sa industriyang ito na they want to take advantage of you and be part of your world.
"Although may mga tao naman na sincere at may mabubuting intensyon. Hopefully one day dumating ang right person for me."
Ang concert ni Jed ay ipapakita ang simula ng kanyang pagpasok sa industriya— mula sa paglabas niya ng unang album, ang “I’ll Be Around,” hanggang sa kanyang pagsali sa 2005 World Championships of Performing Arts, at ngayon sa kanyang estado bilang OPM artist.