Kinumpirma ni Enrique Gil na pansamantala munang maaantala ang pag-shooting ni Liza Soberano ng Darna movie.
Ito ay dahil gagawin ng LizQuen love team ang pelikulang pagtatambalan nila under Black Sheep Productions.
Ito ang sinabi ng aktor sa interview sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Cinema News noong November 11 para sa 2018 Christmas station ID shoot ng ABS-CBN.
Ayon kay Enrique, mas mature at mas relatable ang pelikula na ihahandog nila sa mga moviegoers.
"Narinig ko, parang next week, next, next week. One thing, mas mature kami dito, it's a more mature character. It's not a fairytale, mas totoo siya. Mas totoo lang siya so mas maraming makaka-relate.
"It's our first time teaming up with Black Sheep. I'm excited. I wanna see on how we can do things that will come up."
Pagkukuwento sa amin ng aktor, ang pagkaantala ng shooting ng Darna ay dahil may mga revisions na kailangang gawin sa script at sasailalim muna sa finger surgery si Liza.
"Yes, she has to go a little surgery for her finger so magse-surgery for her finger niya.
"Naaksidente siya sa stunt sa Bagani pa ito, medyo matagal-tagal na. Kailangang operahan para maging mas mabuti siya sa mga stunts kasi di niya magalaw ang finger niya, kailangan talagang gawin. Saka inaayos pa yung script ng Darna."
Kinumusta namin ang relasyon nila dahil last October 24 ay binati ni Enrique si Liza ng "Happy Anniversary" nang lumabas sila sa isang date.
Hudyat na ba ito ng pag-amin nila ng relasyon nila ni Liza?
Ani Quen (palayaw ni Enrique), "Amazing. Super happy, we're happy right now. We're excited for the movie, excited for the fans kasi matagal na rin silang naghihintay.
"Forevermore anniversary namin yun. In a way kasi dun kami nagsimula, where we started.
"After nun, kay Papa Bangky pa so you know it's really sad but we're happy. We're looking forward to the movie and the vacation."
Last November 6, pumanaw ang aktor na si Nonong "Bangkay" de Andres.
Dumalaw sina Liza at Quen sa burol ng namayapang Forevermore co-actor.
"Yeah, pumunta kami dun and we give respect. That's it and God bless and rest in peace, Papa Bangks."
Excited naman sa nalalapit na Kapaskuhan dahil sa America magse-celebrate sina Liza at Enrique ng Christmas at New Year.
"Excited ako para sa bakasyon namin. Sa U.S. kami.
"Last year kasi Europe kami sa family ko. This year, U.S. sa family niya. Just want spend time with her family.
"Lolo niya? Magkikita kami dun. Basta, mage-enjoy kami dun. Feeling ko magiging okay lahat."
