Nagkaroon na ng premiere night ang unang pelikula ng screenwriter-turned-direktor na si Armando "Bing" Lao: ang Biyaheng Lupa (international title: Soliloquy). Ginanap ang premiere nito ngayong gabi, October 19, sa Market! Market! sa Taguig. On October 23, magkakaroon ito ng isa pang screening sa Cinema 6 ng Market! Market! at 4:30 PM.
Kamakailan ay nabanggit sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na ang Biyaheng Lupa ay isa sa anim na entries na naglalaban sa Digital Lokal category ng 11th Cinemanila International Film Festival. Ang awarding ceremony ng Cinemanila ay gaganapin sa Taguig ngayong Biyernes, October 23.
(CLICK HERE to read more about the other entries in Digital
Lokal)
Si Bing ang sumulat sa screenplay ng Biyaheng Lupa at produced ito ng bagong production outfit, ang Quantum Films (dating MLR Productions, Inc.) ni Atty. Josabeth 'Joji' Alonso. Co-producer si Ms. Josie Bautista-Tence.
Para sa isang independent production, o indie film, malaking cast ang bumubuo ng pelikula, kabilang sina: Jaclyn Jose, Coco Martin, Eugene Domingo, Shamaine Buencamino, Susan Africa, Julio Diaz, Alan Paule, Carlo Guevarra, Andoy Ranay, Jose 'Peping' Almojuela, Archie Adamos, Isabella de Leon, Jess Evardone, Mercedes Cabral at Angel Aquino.
Kabilang sa minor supporting cast sina Ching Danseco, Emman dela Cruz, at Girlie Quitain. May special participation ang husband ni Shamaine na si Nonie Buencamino.
Bukod sa nabanggit na cast, first-time director Bing Lao worked with a competent staff, composed of Ogie Sugatan (cinematography), Ditoy Aguila (sound), Jay Halili (editing), Gian Gianan (music), and Jay Lozada (production design). Award-winning production designer, Leo Abaya, did the concept and movie poster/layout design.
In an interview with PEP, Direk Bing Lao gave detailed information on the making of his debut film.
"Nag-shooting kami nung February 2009, tatlong araw 'yon. Tapos, nag-shoot uli nang dalawang araw, noong March. Shooting and editing, during intervals, sabay 'yon; within two months, natapos ang principal photography.
"Nung April, may mga recording, dubbings, scoring... may first rough cut na. Puro refinements. Then, sound design. audio design, voice- over recordings, additional music, color grading, reediting.
"Mas matagal ang post-production kaysa shooting mismo," saad pa ni Bing. "Limang araw lang at kalahati ang shooting. Ang post-production, anim na buwan. Hindi naman everyday, kasi may schedule ka, eh. May schedule din ang post-prod house. Hindi naman sila available lagi."
Noong unang linggo ng August, sabi ni Bing, nag-interlock na sila; ibig sabihin, sarado na ang editing phase, wala nang puwedeng baguhin, o idagdag na mga eksena.
"Fake interlock 'yon," natawa si Bing. "Ang dami pa ring eksenang puwedeng idagdag, o ayusin. Kinailangang mag-restructure..."
Noong third week of August, nagkaroon ng final-cut preview ang mga sangkot sa production at distribution ng Biyaheng Lupa.
"Tama na. Dapat may katapusan ang 'biyahe,'" sabi pa ni Bing, na hindi itinatago ang kasiyahan sa una niyang pagdidirek ng pelikula.
* * * * *
SHOOTING AS 'TROUBLESHOOTING.' Bilang isang road movie na malaki ang cast, hindi biro ang pagtatrabaho ng lahat, habang sakay ng bus na bumibiyahe patungong timog Luzon, o ang Bicol region.
Ang unang biyahe, patungong Lucena, parte ng Quezon province. Dito kasama ang ibang mga tauhan, kabilang ang kina Susan Africa, Isabella de Leon, Mercedes Cabral, Andoy Ranay at Shamaine Buencamino.
"Sa shooting, ang dami kong shootings—na trouble-shooting," makahulugang banggit pa ni Bing. "May mga problema talaga: logistical, at technical, relational. 'Yun ang nature ng shooting para sa akin."
Pero ang 'actual' shoot, obserbasyon niya, "Yung mounting ng film, alam ko na, kasi meron naman akong manual, in mind, may mga theories na ako. Actually, ang discovery ko, ang principles sa writing, applicable din sa directing. Magkaiba lang sila ng physical medium, pero 'yung principles, halos pareho naman."
"Kasi, kung wala akong gano'ng principles, magpa-panic ako at mane-nerbiyos. Parang, pag tinanong ako ng cinematographer, 'O, direk, saan ang posisyon ng camera?' Ay, saan ba? Dito ba, o doon?'" natawa uli si Bing. "Top level, pag may rhetoric ka, may top-level vision..."
In simple language, na hindi pang-film course manual, Bing explains: "Sa writing, meron ding rhetoric, o function [gamit] ng eksena, o kung ano'ng gustong sabihin ng direktor sa eksenang kukunan..."
Bakit "Soliloquy" ang translation ng title ng pelikula?
Ani Bing, "'Soliloquy' is a device used in theater, na nagsasalita ang character at kinakausap ang sarili, para sa kanyang audience..."
Ito rin ang dahilan kung bakit nananangan ang materyal ng Biyaheng Lupa sa maayos na paglalapat ng tunog, na may iba't ibang antas ng timbre at kahulugan, na pati ang katahimikan ay nangungusap.
Sa post-production, involving sound design, kailangan ang maayos na paglalapat ng nagsasalimbayang voice-over dialogues ng napakarami pang sangkot sa labing-anim na pangunahing tauhan.
Sa aspetong ito ay tumutok pa rin ang direktor, kasama ang sound engineer/designer na si Ditoy Aguila. May extension pa rin ang "troubleshooting" hanggang sa loob ng audio post.
* * * * *
DEFENDING THE PRODUCER. Early on, PEP received some unconfirmed reports na nagkaroon ng problema sa set ng Biyaheng Lupa, at diumano'y dissatisfied ang ilang artista sa pamamahala ng producer na si Atty. Joji Alonso.
"May gano'n din ba?" tanong ni Bing. "Napaka-fair na nga ni Attorney. Joji. Baka hindi nila alam, napaka-fair ni Attorney. Lahat ng requirements, lahat ng kailangan ko, ibinibigay. May aerial shot kami, although hindi na nagamit dahil hindi nag-match sa eksena [instead, ginamit ang shot ng Mayon volcano sa opening credits].
"Ang bayad sa mga artista, kaliwaan (o "bayad-indie" matapos ang hard day's work). At the end of the day's shoot, bayad ang lahat sa production,, in cash. 'Yung mga nasa main cast, check payments [na hindi tumatalbog]. Kaya 'yung iba, nagtatanong, 'wala na bang shooting?' dahil, ibig sabihin, may 'per day' uli sila," natatawang pag-kumpirma ni Bing.
Ang nakarating na ulat, may delay sa catering, at hindi ito pabor sa mga artista, lalo't mahirap ang sitwasyon habang nagbibiyahe at nagsu-shooting at the same time.
Muli, ipinagtanggol ni Direk Bing ang kanyang producer-friend.
"Kung palpak ang production," sabi niya, "kung palpak na, as in palpak, hindi matatapos ang pelikula in five days! So, walang karapatan ang sinuman na magsabing palpak ang production. O kung may nairereklamo man, hindi sa shoot. So, hindi considered na kapalpakan [ng production] 'yon."
Para kay Bing, bilang direktor, "Ang palpak, thirty days na akong nagsu-shoot, hindi pa tapos ang pelikula, 'yon ang palpak! E, kung natapos ang pelikula (in five days with post-production given ample time within five months), hindi palpak 'yon. 'Yung mga hassles, normal 'yon!"
Sakaling hindi natugunan ang concerns ng production, ano ang gagawin niya bilang first-time director?
"Ah, hindi ko kasi naranasan, kaya hindi ko masabi," ani Bing. "Ang naranasan ko, in-address naman [ni Atty. Joji] lahat ng concerns, more than I expected."
Nag-exceed ba ang budget ng pelikula, as an indie movie?
"Siyempre, baka mga three [million pesos], production and post-production lang," sabi pa ni Bing. Sakaling ilipat ang digital movie sa film, mangangailangan ng karagdagang budget na isa at kalahating milyon, ayon din sa direktor.
"Okay na ang sub-titling, okey na lahat. Mura pa rin. Basta less than five million [ang total budget], mura pa rin 'yon."
Sa simula pa lang, Bing Lao saw to it na magiging "producer-friendly" ang pelikula, in terms of budget cost, at nagawa niya ito, much to his producer's satisfaction. Ang naturang pelikula ay suportado rin ng NCCA (National Commission for Culture and the Arts) at FDCP (Film Development Council of the Philippines).
"Ang strategy kasi, dapat tapusin mo ang shooting nang three days," paliwanag pa ni Bing. "'Yun kasi ang mindset ko, eh. Tapusin nang three days. Siyempre, hindi matatapos, naging five days. Mura pa rin. Kaysa naman 'tapusin ko nang five days...' tapos, magiging seven days. O eight days, di ba?"
"O kaya, 'tapusin ko nang eight days...' magiging twelve days 'yan, di ba? So, dapat, i-unlearn mo ang disiplina sa sarili."
* * * * *
WRITER'S FILM. Artistically, a film is said to be a "director's medium" dahil nasa kamay ng direktor ang kabuuang pamamahala ng pelikula, sa iba't ibang elemento nito.
Samantala, mayroon ding teorya ukol sa pagiging auteur artist ng isang mandudulang pampelikula (screenwriter). May mga committed writers na pinapahalagahan nang lubos ang kanilang writing craft. Nais nila ang kalayaan sa sining, o mabigyan ng kaukulang halaga ang kanilang kontribusyon sa pagbuo ng pelikula, in collaboration with the filmmaker.
Si Armando Yasin Lao—higit ngang kilala sa industriya, bilang si Bing Lao—ay tubong Mindanao, Tausug ang mother, of Chinese descent ang father, pero "Pinoy at heart."
Sa pagiging manunulat nakilala at nirespeto siya kaya marami siyang screenplays na naparangalan (kabilang ang para sa Takaw Tukso ni William Pascual; Saan Nagtatago Ang Pag-Ibig? ni Eddie Garcia; Itanong Mo Sa Buwan at La Vida Rosa ni Chito Roño; Pila Balde, Tuhog at Minsan Pa ni Jeffrey Jeturian).
Marami rin siyang trabaho, bilang creative consultant para sa ibang screenwriters, na nagkaroon ng magandang bunga, sa pamamagitan ng parangal o critical acclaim. Mababanggit dito ang mga obrang Kubrador ni Jeturian, Foster Child at Tirador ni Brillante Mendoza (based on screenplays written by Ralston Jover); Masahista, also by Mendoza (script by Boots Pastor); Tribu ni Jim Libiran (also the screenwriter); at Jay ni Francis Xavier Pasion (Urian 2009 best screenplay winner), who all sought the assistance of their writing workshop mentor para sa kanilang acclaimed works.
Ang dalawang obra ni Brillante Mendoza, Serbis at Kinatay, na parehong natanggap bilang main competition entries sa Cannes Film Festival 2008 at 2009, respectively, ay mula sa mga dulang pampelikula na ang kabuuan ay sinulat ni Bing Lao.
Bilang una niyang obrang pampelikula, ibinibilang ni Lao na "writer's film" ang Biyaheng Lupa.
Sa kanyang theory, ang pelikula ay isang collaborative effort ng direktor at manunulat, bilang mga pangunahing tagapagbuo ng obra.
"A film is only a director's film if—and only if—the director also wrote the script," pahayag pa ni Bing. "If he didn't write the script, he is just fifty percent author of the film. He's the co-author of the film," giit ni Bing.
"Co-authorship ang advocacy ko, noon pa man. Treat the writer as co-author of the film. Basta, yun ang top level. Bahala ka na, kung papa'no mo i-e-express yung idea na ina-acknowledge mo ang writer as co-author of the film."
Kaugnay sa sinabi'y nabanggit ni Bing Lao ang ehemplo ni Veronica Velasco, direktor ng nanalong Best Picture sa nakaraang Cinemalaya 2009, Last Supper No. 3.
"Okay ang gesture ni Roni [Veronica] Velasco. Ang writer niya, si Jinky Laurel. Hindi naman siya co-director, writer siya. Pero sa lahat ng pagpapakilala sa kanya, kasama si Jinky, at ang title nila, as a tandem. Writer siya, pero acknowledged as co-author of the film. I like that gesture..."
* * * * *
ABSOLUTELY HAPPY. Pareho sina Bing at ang kanyang producer, Atty. Joji Alonso, na naging masaya sa finished product, sa kabila ng mga nabanggit na aberya sa panahon ng pagbuo nito.
May mga taga-industriya din, kapwa producer ni Atty. Joji at kapwa direktor na rin ni Bing Lao, na nagustuhan ang pelikula.
For now, hindi itinatago ng baguhang direktor ang satisfaction sa naging resulta ng una niyang pagdidirek sa pelikula.
"I'm absolutely happy," aniya pa. "Noon kasi, qualified happy lang ako. Kasi nga, meron pang kulang."
Hindi lang si Bing, bilang direktor, ang nasunod sa pagbuo at pagsasaayos ng pelikulang dinirek, mula sa kanyang script (originally, ay pamamahalaan sana ng award-winning short filmmaker-turned-feature film director, Sockie Fernandez).
"Lahat ng cast naman, pinapanood ko," aniya. "Bawat cut, may audience. Inimbitahan ko ang mga kaibigang nagbibigay ng feedback, like, 'parang mahaba yata, kailangan ba 'yung information o hindi?' Mga ganung issues."
"I took all of them good-naturedly, crossed-closed suggestions and their feedback. Tapos, yung comments na addressable, I addressed them. Yung hindi valid, hindi ko na in-address. Di ba, kung minsan, may limitation din ang lahat?
"So, nakatulong lahat ng mga comments. 'Yung mga good comments, nag-affirm na tama 'yung ginawa ko. 'Yung mga negative comments, tinitingnan ko kung paano ba ma-improve, o ma-correct. Parang sa scripts, pinapabasa ko ang storyline, ang statements... usually naman, may good comments, so naba-validate."
* * * * *
EVERYMAN'S JOURNEY. Briefly stated, Biyaheng Lupa, says director Bing Lao, "represents what I represent."
"It is philosophical. It is about life... a journey. It is about me..."
"Hindi lang ito physical journey, but one that philosophizes on life, so ginawang metaphor yung bus. Life's travel ito. So, it represents me. Kaya maganda siyang first film, kasi it defines you and it defines a 'first film.'"
"Maraming elements doon na ako," banggit pa ni Bing. Ibinigay niyang halimbawa ang kantang "Kahit Isang Saglit" na ginamit sa isang videoke scene inside a moving bus (as interpreted by Nico Antonio ng VoizBoys quartet).
Hindi nakalimot si Bing Lao sa pag-acknowledge, bilang pasasalamat, sa composer ng kanta (Louie Ocampo) na ipinagamit ang awitin free of charge para sa isang mahalagang mensahe.
"Sa scene na 'yon, made-define ang kulturang dine-depict. Pinoy na Pinoy, di ba, mahilig kumanta sa mga videoke, kahit sintunado?" lahad pa ni Bing.
As for the other characters in the film, higit ding naka-relate ang direktor, unang-una dahil mahilig siyang bumiyahe, malayo man o malapit ang destinasyon.
"May character do'n na nag-i-scrabble [Jess Evardone]," sabi pa ng direktor na minsa'y naging kampeon sa nasabing word game.
"Merong character na nagni-networking [Julio Diaz]," dagdag pa ni Bing, na sumubok na ring mag-networking.
Nasisiraan ang anumang sasakyan, tulad ng isang bus. Kung ihahambing sa isang tao, "Napa-flat tire din," aniya.
At umiibig? "May love din. O pursuit of love, mga filial duties..." Na masasalamin sa mga tauhang ginampanan nina Alan Paule at Angel Aquino, Coco Martin, Susan Africa, Shamaine at Noni Buencamino, Carlo Guevarra, Isabella de Leon, Mercedes Cabral, ang mga senior citizens, like Peping Almojuela and Mely Soriano, at Eugene Domingo.
"Lahat ng experiences, o little stories ng mga characters, nakaka-relate ako," sabi rin ni Bing.
Kung meron siyang isang bagay na mahihiling, para sa susunod niyang pelikulang ididirek, kung sakali, ano 'yon?
"More than five days shoot!" mabilis na tugon ni Bing, who obviously enjoyed sa una niyang pagdidirek ng pelikula. "O, 'wag lang five days, at least ten! Kasi, kahit naman sina Jeffrey [Jeturian], sina Dante [Mendoza], Ellen [Ongkeko-Marfil], more than ten days naman sila, di ba? Mabilis na nga sila pag ten days, eleven days, thirteen days... considered mabilis na sila.
"O, di ba, mas mabilis nga ako?!" aniya pa. "Kaya kung bibigyan mo ako ng ten days, napaka-luxurious na ng shooting. Siguro, lahat ng dapat kong i-cover, maku-cover talaga. Lahat ng shots, maraming material na mapapagpilian sa editing."
Tulad ng nangyari sa Biyaheng Lupa, maraming materyal na napagpilian sina Bing at ang editor (Jay Halili), sa panahon ng pagsasaayos o pag-restructure ng pelikula.
Mahalagang bagay ito, para sa pagbuo ng isang makabuluhang obra, ayon sa ginusto ng lahat.