Sikat na sikat ngayon ang mga Kapuso stars na sina Kris Bernal, Bea Binene, Derrick Monasterio, Tom Rodriguez, Lovi Poe, Sunshine Dizon, Janine Gutierrez at Gabby Concepcion sa ilang bansa sa South America dahil kasalukuyang pinapalabas doon ang kanilang mga pinagbidahang teleserye sa GMA-7.
Mapapanood ang mga GMA teleserye na Impostora, Legally Blind, Someone To Watch Over Me, Hanggang Makita Kang Muli, at Ika-6 na Utos dubbed in Spanish sa mga bansang Ecuador, Uruguay at Peru.
KRIS BERNAL
Sa naging interview kay Kris Bernal sa 24 Oras noong nakaraang January 23, ikinatutuwa raw nito ang natatanggap niyang mga mensahe mula sa ilang fans na taga-South America.
“Gustung-gusto nila yung Impostora.
“'Tapos, may mga nagme-message sa akin na, alam mo 'yon, sa ibang lenguwahe pa rin.
“Hindi ko alam kung paano ako magre-reply.
“Gusto pa nilang magpagawa ng video greetings,” masayang kuwento ni Kris.
Ang Impostora ay umere sa GMA Afternoon Prime noong July 3, 2017 hanggang February 9, 2018.
Dual role si Kris sa naturang teleserye bilang si Rosette at Nimfa.
BEA BINENE
Si Bea Binene naman daw ay gumagawa ng paraan para makapag-communicate siya sa mga Spanish-speaking fans na nanonood ng Hanggang Makita Kang Muli.
“Nagdi-DM [Direct Message] talaga sila.
“'Tapos, yung mga sinasabi nila Español pa, kasi feeling ko baka hindi marunong mag-English.
“So ako, ginu-Google Translate ko pa, 'tapos sasagot ako English, igu-Google Translate ko rin, gagawin kong Spanish,” ngiti pa ni Bea.
Ang Hanggang Makita Kang Muli ay isa sa GMA Afternoon Prime teleserye na umere mula noong March 7, 2016 hanggang July 15, 2016.
Gumanap dito si Bea bilang isang feral child o isang batang lumaki sa piling ng mga hayop.
JANINE GUTIERREZ
Si Janine Gutierrez naman ay nakapanood ng pinagbidahan niyang Legally Blind na dubbed in Spanish at tuwang-tuwa siya rito.
“Napapanood ko yung mga videos ng Legally Blind na naka-dub in Spanish, so sobrang nakaka-aliw lang.
“Kasi nung bata ako, paborito ko yung Marimar, Rosalinda na naka-dub in Tagalog.
“So for me, to see na yung ginawa namin na show, baligtad naman—dubbed in Spanish 'tapos pinapalabas sa Latin America—sobrang nakakatawa.
“Saka hindi kami makapaniwala,” pahayag ni Janine.
Umere naman ang Legally Blind sa GMA Afternoon Prime mula February 20, 2017 hanggang June 30, 2017.
TOM RODRIGUEZ
Happy naman si Tom Rodriguez na nagiging paborito ng ibang lahi ang pinagbidahan niyang teleserye na Someone To Watch Over Me.
Sinabi pa ng aktor na malapit ito sa kanyang puso.
“That's such a pleasant surprise for 2019.
“Parang ang sarap, kasi like I said, that was another project that's near and dear to my heart,” pag-amin ni Tom.
Tungkol sa isang lalaking na-diagnose with early-onset Alzheimer's disease ang kuwento ng Someone To Watch Over Me, na umere sa GMA Telebabad noong September 5, 2016 hanggang January 6, 2017.