Ayaw na munang isipin ni Therese Malvar ang mga sinasabi ng ibang tao na magkakaroon sila ng professional rivalry ni Kyline Alcantara na pareho niyang bida sa afternoon series ng GMA-7 na Inagaw na Bituin.
Dahil parehong silang magaling na artista, hindi nga raw maiwasan na pagkumparahin silang dalawa at pag-usapan kung sino ang mas mahusay.
Nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Therese sa grand mediacon ng Inagaw na Bituin na ginanap sa 17th Floor sa GMA Corporate Center kahapon, February 1, nagbigay siya ng kanyang saloobin tungkol sa bagay na ito.
Pahayag ng Kapuso actress, “There will be pressure, kasi ang daming nag-e-expect...
“Hindi lamang sa akin, kundi sa aming dalawa ni Kyline because a lot in the audience know that we’ve won awards.
“People will expect so much of this teleserye, so we will do our best.
“Hindi kami nagku-compete para sa isa’t isa. Nagku-compete kami with ourselves.”
MILLENNIAL VILMA VS. NORA
As early as now nga raw, may nagsasabi na sa kanila na sila ang Nora Aunor at Vilma Santos sa kanilang henerasyon.
Ano ang reaksiyon niya tungkol dito?
Natawang parang nahihiyang sagot ng award-winning young actress, “Sabi nga po nila, so sobrang nakaka-pressure.
“Nora is Nora, Vilma is Vilma, and we will try our best to exceed the expectations na eventually, malalaman nila sa Inagaw... ang mga pangalan namin.
“Sabi po nila, ako raw po si Nora, and si Kyline po is Vilma.
“That’s what I was told.”
NO COMPETITION
Hindi kaya dumating sa punto na habang tumatakbo ang taping ay magpapatalbugan sila sa kanilang pag-arte?
Aniya, “Hindi po.
“Tulad po ng sinabi ko, walang competition between the two of us.
“We only compete with ourselves, and because we love what we do, there is no need for a competition.
“It’s a share and learning process because we love what we do.
“Nakaka-flatter po na pinagsabihan kami na one of the best actresses, and they’re expecting a lot.
“And the more that we will do our best.”
Ayon pa sa kanya, kapag inisip raw nila ang mga bagay na iyan, baka maapektuhan ang natural na acting nila sa mga eksenang gagawin nila.
Ani Therese, “Baka maging awkward kami sa isa’t isa kapag puro inggitan na lang, kapag puro kumpetisyon.
“Thankfully naman po, wala pa naman kaming eksena together but we always talk about showbiz, and what we like to do.
“And sana naman po, walang mamagitan sa amin na masama.”
BONDING MOMENTS OFF-CAM
Aminado naman siya na may bonding moments naman sila ni Kyline at nasa getting-to-know-each-other stage pa sila bilang magkatrabaho.
Saad ng 18-year-old actress, “Sa mall shows po. May moments na nagkukuwentuhan po kami.
“And also sa tent [sa taping].
“Nag-meet na kami even before pa when I auditioned for my first film, and from there, lagi ko na siyang nakikita.
“And finally, magkaka-work na kami together, magkaka-eksena, and nagiging comfortable na kami.
“Nagiging close na kami sa isa’t isa and we’re in the process of knowing each other.”
Ang Inagaw na Bituin ay magsisimula sa darating na February 11, sa Afternoon Prime ng Kapuso network.