Punung-puno ang Smart Araneta Coliseum sa unang gabi ng concert nina Vice Ganda at Regine Velasquez titled The Song Bird and The Song Horse.
Ginanap ito kagabi, Valentine’s Day, February 14, sa Big Dome.
Magkahalong pagpapatawa at musika ang inihandog nina Regine at Vice Ganda sa mga nanuod ng concert. Opening number pa lang ay pasabog na kanilang mga outfit na ginawa ng mga sikat na designers tulad nina Nat Manilag, Mak Tukmang, Paul Cabral, at marami pang iba.
Bukod sa mga kantahan ay inabangan din ng mga manunood ang mga pagpapatawa ni Vice Ganda kasama si Regine Velasquez.
Isa sa mga tumatak sa mga manunuod ay ang pagbaba ni Vice Ganda sa audience area upang tanungin kung saan madalas mag-date ang mga tao kapag Valentine’s Day.
Asar-talo si Karla Estrada na nasa audience sa unang gabi ng concert nina Vice at Regine. Biro ni Vice: “Si Karla ang pinakamayaman dito dahil dalawang ticket ang binili niya dahil ang upuan niya ay dalawa.”
Lumapit ang It's Showtime host kay Karla at binati ito ng "Happy Valentine's!"
Pagkatapos nilang mag-beso ay tinanong niya ito: “Wala ka bang date talaga?” Sumagot naman si Karla na, “Wala!”
Ang sumunod na tanong ni Vice Ganda kay Karla ay "Saan ka madalas makipag-date?”
Pinalo ni Karla ang kamay ng komedyante habang tumatawa.
Sinundan pa ito ng tanong ni Vice na “Saan niyo ginawa si Daniel?”
Imbis na sagutin ni Karla ang tanong tungkol sa anak na si Daniel Padilla ay hinawakan nito ang kamay ng komedyante at kinurot.
Bulalas tuloy ni Vice Ganda, “Aray! Aray ko! Baklang ‘to. Si Barney pala nangingitim na, 'no? Di ba, violet ito?" Biniro niya si Karla at kinumpara sa character na si Barney na kulay violet.
Isa pa mga tumatak sa mga audience ng gabing iyon ay ang pag-impersonate ni Vice Ganda kay Ma’am Charo Santos-Concio na host ng Maalaala Mo Kaya.
Paglabas pa lang ni Vice Ganda sa stage ay tawanan na ang mga tao dahil sa wig nito at malaking nunal sa mukha.
Imbes na Dear Charo ay pinalitan niya ito ng Dear Charos at minsan ay nasasabi niya ay Dear Charot.
Ang masaya pa rito ay sinama niya sa kanyang kalokohan si Regine na ginawa nayang background music habang nagbabasa siya ng liham.
Natatawa si Regine habang kinakanta ang ilang kanta na related sa binabasa ni Vice Ganda tulad ng “Aray,” “I Don’t Wanna Miss A Thing,” at iba pa.
Humalakhak rin si Regine dahil kung saan-saan inililipat lipat ni Vice Ganda ang wig na suot niya at ang malaking nunal niya sa mukha. Minsan ay nasa noo niya ito, minsan ay nasa ilong, at minsan ay nasa pisngi. Nalalaglag pa nga kanyang nunal na tinawanan rin ng audience.
Pinagsabihan ni Vice si Regine na ayusin ang pagkanta niya.
Ani Vice, “Ayusin mo, paano mag-rating ang show ko kung ganyan ang pagkanta mo? Kabago-bago sa ABS-CBN, ayaw ayusin ang pagkanta.”
Pero habang ginagawa ni Vice Ganda ang segment na ito ay aminado siyang kinakabahan daw sya dahil baka daw kinabukasan ay wala na siyang trabaho dahil sa pag-impersonate niya sa former president and CEO ng ABS-CBN.
May dalawang concert dates pa sina Regine at Vice at bawat araw daw ay may pasabog na guest.
Sa unang gabi ay guest nila si Robin Padilla na umawit ng “Pinoy.”
Nagtilian ang mga tao nang biglang lumabas ni Regine pagkatapos ng solo spot ni Robin at tinanong ni Regine na “Kailan uli kaya tayo gagawa ng movie?”
Sagot naman ni Robin: “Ang naririnig ko ay gagawa tayo ng isang proyekto.”
Nagtilian ulit ang mga tao. Nag-duet naman sina Robin at Regine para sa kantang “Tuwing Umuulan,” na bahagi ng soundtrack ng kanilang 2000 movie na Kailangan Ko'y Ikaw.
Narito ang ilang eksena sa first night ng concert na The Song Bird and The Song Horse:
Sa isang segment ng kanilang concert, ginaya ni Vice Ganda ang MMK host na si Charo Santos-Concio

Nalaglag ang wig ni Vice Ganda at panandaliang nakita ang kanyang short hair.

Niloko ni Vice Ganda si Karla Estrada at tinanong tungkol kay Daniel Padilla, ang anak niya kay Rommel Padilla.


