Handa nang sumabak sa showbiz si Athena Bautista, ang nag-iisang anak na babae ng dating komedyante at ngayo'y Quezon City Mayor na si Herbert Bautista.
Masaya ang dalaga dahil natupad na rin ang kanyang pangarap sa pamamagitan ng kanyang unang pelikula, ang Sitio Camcam.
Si Athena ay 17-anyos pa lang, pero bata pa lang daw siya ay pangarap na niyang maging artista tulad ng kanyang ama.
Bagamat matagal din ang kanyang paghihintay, ngayong magga-graduate na siya ng high school sa Miriam College ay dumating na ang sorpresa na binigyan na siya ng permiso ng kanyang ama para mag-artista.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Athena sa unang araw ng shooting niya sa Cavite.
Kuwento ni Athena, “Bata pa lang pa po akong talaga, gustong-gusto ko na po talagang mag-artista.
“Iyong kapatid ko po, si Harvey Bautista, nasa Goin’ Bulilit po siya. Pero, mas bata pa po ang age ko sa kanya, gusto ko nang mag-artista.”
Nagkataon daw kasi na may umakmang pambatang TV show para sa kapatid niya.
Sabi pa ni Athena, “So, iyon po, nabigyan po siya ng blessing.
“Matagal ko na pong gustong mag-artista, pero, ngayon lang po. Pero, naging patient naman po ako sa lahat ng taon na hinintay ko na magkaroon ng blessing.
“So, heto po, meron naman po at sobrang thankful ko naman po.”
Sa pagkakatanda raw ni Athena, limang taon pa lang daw yata siya noon ay nagsasabi na siyang gusto niyang mag-artista.
Pagbabalik-tanaw niya, “Pinapanood ko po ang mga movies ni Papa sa Shake, Rattle and Roll, so siguro doon po nag-spark ang interest na gusto kong mag-artista.”
Ang Heaven’s Best ang producer ng Sitio Camcam na pinagbibidahan nina Allen Dizon at Jean Garcia, sa direksiyon ni Joel Lamangan.
Kasama rin sa pelikula ang pinsan ni Athena na si Zeki Sarmienta, anak nina Romnick Sarmienta at Harlene Bautista.

BIG BREAK. Nasorpresa raw siyang talaga nang balitaan siya ng kanyang inang si Tates Gana na may pelikula na siya.
“Pag-uwi ko po from school, siguro po mga three weeks ago, si Mama, sabi niya sa akin, 'Upo ka.'
“Kinabahan ako, parang, 'Ano ang ginawa ko?'
“Sabi ko, 'Bakit po?'
“Sabi niya, 'May movie ka.'
“Ako, parang, 'Weeh? Hindi nga?'” natatawang kuwento niya.
“Tapos sabi niya, 'Oo nga, tumawag si Tita Harlene at may movie raw si Direk Joel Lamangan.'
“Noong marinig ko ang Joel Lamangan, talagang hindi ako nakapagsalita.
“'Joel Lamangan? Talaga?' First movie po, kahit supporting lang po, grabe po. Sobrang honored po ako ro'n.”
Siyempre, natuwa siya sa balitang iyon ng Mommy niya?
Pagkumpirma niya, “Siyempre po, sa lahat po ng taon na hinintay ko na magkaroon po ako ng blessing, heto na po iyon. Nagdasal po ako na, 'Thank you po na, finally, meron na.'”
Hindi ba siya pinapayagan talaga dati ng mga magulang?
“Hindi naman po sa ganoon, supportive naman po sila, pero hindi po namin pinush. Hindi po namin pinilit ang sarili ko sa showbiz. Hinintay lang po namin kung may darating,” kuwento pa niya.
ALL PRAISES FROM DIREK JOEL. Masayang-masaya naman si Athena dahil puring-puri silang magpinsan ni Direk Joel sa shooting na magagaling daw silang umarte at magaganda.
Patuloy pa niyang kuwento, “Yun nga po, sabi ko po, sobrang honored ko po ng malaman na siya ang director.
“Tapos po, nang ma-meet ko po siya kanina, nasa tent po kami ni Zeki. Sabi papakilala ko kayo kay Direk. Noong makita ko po siya, wala po akong ibang nasabi kung hindi, 'Good morning po.'
“Tapos sabi niya, 'Ang ganda naman ng mga batang ‘to.'
“Sabi ko, 'Thank you po. Sige po, alis na po ako.' Wala po akong nasabi,” natatawang kuwento niya.
“Tapos noong nagti-take na po, ang sabi niya, 'Ang gagaling naman ng mga batang ‘to.' Noong narinig ko po yun, talagang oh my god, thank you Lord! Nakakakilig pakinggan!”

STAGE DAD? Halatang nahihiya naman si Athena nang malaman na ang Papa niya, si Mayor Herbert, ay papunta sa location nila para bisitahin siya sa kanyang first shooting day.
Pero, sabi nga namin sa kanya, ganoon ka-supportive sa kanya ang ama na talagang sa kabila ng kabisihan nito, kahit umagang-umaga ay hindi pinalampas na hindi siya dalawin.
Nakita rin namin kung gaano ipinagmamalaki ni Mayor Herbert ang kanyang unica hija.
Sabi naman ni Athena, “Mas excited pa po yata siya sa akin.
“Last week pa po yata siya na, 'Uy, galingan mo, si Direk Joel Lamangan ‘yan.'
“Tapos kanina po, mga 7 A.M., tumawag siya sa akin. 'O, nandiyan ka na ba? 7 A.M. na.'
“Sabi ko po, 'Yes, nandito na po ako.'
“Tapos sabi niya, 'Wow, 7 ha, on-the-dot, professional.'
“Gumaganun-ganon siya. Tapos, kanina ko lang nalaman na darating po pala siya.”
Biro na rin ni Athena nang natatawa, “Stage father po.”
ADVICE FROM DAD. Ngayong pinapasok na niya ang mundo ng showbiz, may mga payo ba sa kanya ang ama?
Saad ng dalaga, “Basically po, just do your best in everything po and wag pong masyadong O.A. sa mga ano... hintayin na lang po ang mga blessing.”
Kung sa comedy nakilala ang ama, si Athena naman, sa mga drama raw niya gustong malinya. Nasa theater group din siya ng kanilang eskuwelahan at nag-workshop din siya sa Star Magic.
“Mas gusto ko po sa drama, mas interested po ako sa drama,” giit niya.
SHOWBIZ CRUSHES. Kung may mga showbiz crushes o idol siya, sino naman ang mga ito?
“Si John Lloyd Cruz po,” mabilis niyang sagot.
“Favorite actor ko po talaga iyon. Actually, dream ko po na maka-work siya. Kahit kuya ko po siya.”
Nakilala na ba niya si John Lloyd?
“Siyempre po, ako, lumaki po ako sa pamilya ng puro actors.
“Iyong mom ko po, marami rin po siyang friends na artista. Wala lang po sa akin ang artista, pero nang makita ko po si John Lloyd Cruz, nagpa-picture po talaga ko.”
Sa mga kaedad niya na mga actors ngayon, sino naman ang crush niya?
“Si Enrique Gil po,” sabi niya.
“Ang pogi po niya.”
Si Daniel Padilla raw ay kaibigan niya, mga bata pa lamang sila.
Iyon nga lang, bawal pa kay Athena ang kahit magpaligaw man lamang.
“Bawal po talaga,” nakangiting sabi niya.
Natawa naman si Athena nang sabihin namin na baka takot din ang gustong manligaw sa kanya bilang anak siya ng Mayor.
“Bawal po kasi, e, wala naman silang sinabi kung kailan puwede. Baka po kapag 40 na,” biro naman niya.
COLLEGE PLANS. Magka-college na si Athena ngayong June at posibleng Public Administration daw ang kuhanin niyang kurso.
Plano rin ba niyang pasukin ang pulitika?
Sabi niya, “Baka po in the future, baka po ituloy ko. Pero, sa Law po medyo nagli-lean, e. Iyon po ang gusto rin na course for me ng parents ko, mag-Law po.”
Bilang nag-iisang babaeng anak ng Mayor ng Quezon City, ano ang mga nakikita niyang advantages at disadvantages?
“Parang palagi po dapat may kasama. Parang palaging delikado.
“Siyempre, nakikita ko ang Dad ko sa newspaper, mga tabloids, pero, sanay na po ako ro'n. Kapag tinitira siya, okay lang, sanay na po ako sa ganun.
“Tapos, kilala po ako ng mga batchmates ko, schoolmates ko, yun po. Nasanay na po akong makisama sa mga tao dahil siyempre, lumaki ako sa ganoong mundo, kailangan marunong makisama sa mga tao,” pahayag niya.
Proud daw siya sa Papa niya sa mga ginagawa nito.
Sabi nga ni Athena, “Alam ko pong dedicated siya sa trabaho niya. Ilang years na po siya diyan, 30 years yata at alam ko po na sobrang dedicated po siya sa trabaho niya.”