Umaasa ang mga bumubuo ng bagong children's show ng Q Channel 11, ang Tropang Potchi, na mas dadami pa ang mga batang manonood at magkakainteres sa show ngayong 2010. Ang Tropang Potchi ay 30-minute children's variety, talent and game show all rolled into one, kunsaan maipapakita ng mga bata ang kanilang iba't ibang talento, kakayahan at potensiyal habang nag-e-enjoy kasama ang ibang mga bata. Ang slogan ng programa ay "Bata Ka Pa, Kaya Mo Na!"
Binisita kamakailan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang taping ng episodes 4 and 5 ng Tropang Potchi sa Studio 4 ng GMA Network. Unang nakausap ng PEP ang program manager ng show na si Ian Rica Roxas.
Ano ang objective nila in putting up the show?
"Bale ang naging concept kasi namin parang we recognize na yung mga kids basically they want to have fun. And at the same time makikita mo rin na bawat bata makikita mo yung kayang kakayahan o talent, like for example may isang bata na magaling siyang sumayaw or mag-sports. Pero the next kid maaaring hindi ganun ang talent niya, magaling siya sa arts. So, we try to put together a show na mare-recognize yun, so may talent showcase. Tapos it's not for stardom. It's just to encourage them na, 'Okay ka. Meron kang kakayahan. Don't be afraid to show it to other people.'"
DIFFERENT SEGMENTS. Bukod sa talent showcase, meron ding game portion ang show gamit ang giant Tropang Potchi gameboard. Magpapagalingan sa pagsagot at paggawa ng challenges ang dalawang Kapotchi teams with three members each.
Meron itong tatlong game zones: ang easy round (K lang!), average round (Steady!) at ang difficult round (Grabe!). Gumagamit ang game ng giant dice para makaabot sa final slot. Syempre may cash prize at gifts ang mananalong grupo.
Ang iba pang regular segments ng show ay ang "Video-OK!" kung saan ine-encourage ang mga bata na magpadala ng video ng sarili nila o ng kanilang mga kaibigan, mga alagang hayop at iba pa na sila rin mismo ang nag-record; "Aprub!" kunsaan tampok dito ang mga bata o maging mga grownups na nage-excel sa kanilang larangan, gayundin ang mga natatanging mga lugar at pangyayari na karapat-dapat na makakuha ng Potchi aprub mark.
Maaari naman magbigay ng feedback ang viewers via the "Dear Kapotchi" portion. Babasahin ang mga e-mail o snail mail na naglalaman ng comments, suggestions, at requests ng viewers. Maging announcements tungkol sa school activities ay tinatanggap dito. Ang isa pang segment ay ang "Sabi ni Potchi" kunsaan kasama si Potchi the mascot na merong patawa, trivia, komentaryo at iba pa na maaaring matuto ang mga batang manonood.
DIREK LOUIE'S FIRST KIDDIE SHOW. Nakausap din ng PEP ang TV director na si Louie Ignacio na siyang nagdidirek ng show. Ang Tropang Potchi pala ang first kiddie show na hinawakan niya.
Ano ang nag-convince sa kanya para gawin ang show na ito?
"First, I love the product. Tapos yung producer, si Ms. Elvie Go, medyo kaibigan ko siya kasi I also directed some of Columbia's TV commercials. At saka natutuwa ako sa mga batang hosts dahil hindi sila lahat artista pero ang sarap nilang turuan. Tapos wholesome yung show. Maganda, walang stress, walang pressure. Masaya lang lagi sa set," sabi ni Direk Louie.
Hindi naman daw siya nahihirapang magdirek ng show kahit na ang idinidirek niya rito ay mga bata, na alam naman nating may angking natural na kakulitan.
"Hindi, hindi mahirap. Makukulit sila pero marunong silang maghiwalay kung laro o trabaho ang ginagawa nila. At saka lagi kong sinasabi sa kanila na kailangan ma-entertain nila ang mga viewers nila. Pag nagwo-work, kailangan mag-work tayo nang maayos, huwag puro laro."
Humahanga nga raw si Direk sa mga bata dahil hindi gumagamit ang mga ito ng idiot board sa pagho-host.
"Wala silang idiot board. At least natututo ang mga bata na mag-memorize. Hindi sila katulad ng ibang artista na kailangan pa ng idiot board pag nagho-host. Dito pinag-aaralan ng mga bata ang sasabihin nila."
Gustung-gusto raw ni Direk Louie ang talent portion ng show.
"In-invite kasi ng show yung mga talented kids para ipamalas ang kanilang galing."
Para kay Direk Louie ang ibig sabihin ng Kapotchi ay kabarkada, kasama, kaibigan, katropa.
THE HOSTS. Halos lahat ng mga batang hosts ng Tropang Potchi ay hindi na baguhan sa showbiz o sa pagharap sa camera. Ilan sa kanila ay nakagawa na ng TV shows, pelikula at commercials. Sumailalim sila sa audition bago napili ang pitong hosts na kinabibilangan nina Ella Cruz, Julian Trono, Sabrina Man, Miggy Jimenez, Ayla Mendero, Andrea Reyes at Jessu Trinidad.
Pinakapamilyar sa mga viewers si Ella Cruz, 12 years old, na nakilala sa kanyang mga ginawang TV shows sa GMA-7 gaya ng Super Twins, Marimar, Majika, Atlantika, at Now & Forever. Naparangalan na rin siya ng FAMAS bilang Best Child Actress para sa pelikulang Resiklo. Ilan pa sa mga pelikulang nagawa niya ay ang Angels at The Promise.
Si Julian Trono, 12 years old, ay napapanood naman ngayon sa Daisy Siete. Nakagawa na rin daw siya ng indie film na pinamagatang Kawal Ang Tatay Ko, Proud Ako.
Gumanap naman bilang batang Serpina sa Darna ng GMA-7 si Sabrina Man, 9 years old. Nakalabas na rin siya sa Luna Mystika. Kasama rin siya sa dalawang entries sa 2009 Metro Manila Film Festival: Shake, Rattle & Roll 11 at Mano Po 6.
Si Miggy Jimenez, 10 years old, ay gumanap namang batang Richard Gutierrez sa Patient X. Nakasama rin siya sa cooking show ng Q-11 na Daddylicious.
Napasama na rin sa Darna, SRO: Eva Castillo, at Yaya & Angelina: Spoiled Brat The Movie si Ayla Mendero, 12 years old. Produkto naman ng TV commercials sina Andrea Reyes, 11, at Jessu Trinidad, 12.
Mapapanood ang Tropang Potchi tuwing Sabado, 11:30 am, sa Q Channel 11.