Gaya ng ibang couples, may plano na rin ang magkasintahang Rayver Cruz at Cristine Reyes ngayong Kapaskuhan.
"Bahay lang muna, sa family. And then sa 25th, magkikita kami ni AA [palayaw ni Cristine]," sabi ni Rayver sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng pelikulang A Mother's Story kagabi, December 14.
Pero wala pa raw naiisip si Rayver na puwede niyang mairegalo kay Cristine kahit ilang araw na lang at sasapit na ang Pasko.
Sabi ng 22-year-old actor, "Siguro, tatanungin ko na lang siya kung ano ang gusto niya.
"Mahirap din kasing bumili ng something na hindi pala niya gusto."
BLESSINGS IN 2011. Isa si Rayver sa naging abala sa kanyang career nitong 2011. Kaya ganun na lang ang pasasalamat niya sa blessings na natanggap niya.
"Very thankful ako sa magandang takbo ng career ko, like yung napasama ako sa Reputasyon and then itong movie na A Mother's Story.
"Sobrang thankful ako na napasama ako dito dahil napakagandang pelikula talaga nito," saad niya.
Napangiti si Rayver nang matanong siya kung ano naman ang dapat niyang ipagpasalamat sa personal.
Tumutukoy kasi ito sa pakikipagrelasyon niya kay Cristine.
Sagot ng binata, "Masaya ako all throughout sa personal ko, sa family, kay Cristine."
RELATIONSHIP ISSUES. Paano ba siya napapasaya ng kanyang lovelife, gayong marami ring mga sundot na isyu o intriga sa kanya?
"Uhm...siguro kasi lagi siyang nandiyan para sa akin, this year naman talaga okey na. Marami lang talagang issue.
"So, masaya, masaya itong taon na ito," sabi ni Rayver.
Ang pinakahuling isyu kay Rayver ay nang mabalitang may nakakita raw sa kanyang may ibang ka-date na babae.
"Nag-tweet siya. Sabi niya, 'Playboy ka pala,'" nakangiting kuwento ni Rayver.
Hindi na napigilan ni Rayver ang sarili kaya tumawa na siya.
"Kasi, no'ng mabalita yun, magkasama kami [ni Cristine].
"Sabi ko, 'Ang galing ko naman! Ang galing ko naman!'
"So, baka nagkamali lang. Hindi naman ako," paglilinaw niya.
Si Jason Abalos daw ang sinasabing may ka-date na babae at hindi si Rayver.
Napagkamalan lang daw si Rayver dahil halos pareho ang tubo ng bigote at balbas nila ni Jason, na co-star niya sa Reputasyon.
Panatag ang loob ni Rayver dahil walang epekto ito kay Cristine.
"Kilala naman ako ni AA, hindi naman ako ganun," sabi niya.
Ilang taon na ba silang magkasintahan ni Cristine?
"One year and three months na.
"Ngayon, December 14, one year and three months na kami," sabi ni Rayver.
Hindi raw nagawang ilabas ni Rayver si Cristine sa monthsary nila dahil may trabaho siya.
Kinabukasan na lang matapos ang kanilang monthsary raw niya ide-date ang kasintahan.
Pero ayon kay Rayver, hindi siya masyadong partikular sa pagse-celebrate ng monthsary.
"Mas ano kasi ako sa anniversary, e. Kahit si Cristine.
"Mas more kami sa yung talagang...kasi pinauso lang naman yung monthsary, di ba?" sabi niya.
STRONG RELATIONSHIP. Ano ba ang sikreto ng pagiging matatag ng kanilang pagmamahalan ni Cristine?
"Siguro yung balance. Yung may time ka sa sarili mo, may time para sa isa't isa...yun din siguro," sagot ni Rayver.
Malaking bagay rin daw na naging malapit si Rayver sa pamilya ni Cristine, at ganun din daw ang girlfriend sa pamilya niya.
"Oo, malaking factor rin. Sobrang comfortable kasi sa isa't isa, sa pamilya ng bawat isa," pagpapatunay niya.
Masaya at kuntento si Rayver sa pagmamahalan nila ni Cristine kaya dedma siya sa tanong kung ano ang posibleng rason para maghiwalay sila ng girlfriend niya.
"Hindi ko muna iniisip 'yan, e. Hindi ko iniisip yung mga bagay-bagay na mga ganyan.
"Kasi masaya kami e," pahayag niya.
Nag-mature na rin daw kasi silang dalawa ni Cristine kaya nahahawakan nila nang tama ang kanilang relasyon.
"Ang bilis nga, e. Nagulat kami kapag nag-uusap kami. Ang tagal na rin pala namin."
May mga tampuhan din daw sila ni Cristine, pero hindi naman umaabot sa puntong nagkakagalit sila nito.
"Mababaw lang. Kasi matampuhan itong si Cristine," sabi ni Rayver.
Dagdag niya, hindi naman siya ang laging umaamo sa girlfriend.
"Salitan lang naman kami. Pag alam niyang ako yung nagtatampo, siya naman yung lumalapit."
Pero hindi raw maiwasang mag-isip ni Rayver at mag-alala kapag nagtatampo ang kasintahan.
"Ganun yun, e. Pag nagtatampo, bigla na lang siyang tatahimik.
"Gusto niyang pinag-iisip ako!" natatawang sabi niya,
Napapraning at natataranta ba siya sa mga pagkakataong ganito?
"Hindi naman, ganun lang naman siya.
"Pero sandali lang, mamaya lalapit na yun.
"Hindi rin naman niya pinatatagal."
GOING ON A TRIP WITH CRISTINE. Inamin ni Rayver na gusto niyang magbakasyon silang dalawa ni Cristine.
"Yung trip. Yung gano'n. Pag may time, gusto naming makapagbakasyon.
"Wala namang specific na date o lugar, basta yung makakapag-relax lang kami... makapag-ikot-ikot."
Sa laki ng tiwala ng pamilya ni Cristine kay Rayver, pag lumalabas sila ay hindi na raw nagsasama pa ng alalay ang magkasintahan.
"Pero minsan, kasama rin naman yung mga friends namin. Siyempre, mas masaya," sabi ni Rayver.
Isa sa mga pangarap ni Rayver ay ang magkaroon ng sarili niyang bahay.
"Nag-iipon ako for that."
Si Cristine na ba ang nakikita niyang makakasama niya sa buhay?
"Ang hirap kasing magsalita ng tapos. Pero kung para sa akin, oo naman!
"Kung magtatagal kami, bakit naman hindi?
"Nasa kanya naman lahat, e.
"Pag nakita ko kung gaano niya ako kamahal, di ba?"
Pero dagdag ni Rayver, "Hindi ko muna iniisip yun dahil pag nag-expect ka naman at hindi nangyari, mahirap rin naman.
"So, kung itatangi ng Panginoong Diyos na kami, e, di sige."
OFFER FROM OTHER NETWORK. Ilan sa Kapamilya talents ay mag-e-expire na ang kontrata sa buwang ito. Nang matanong si Rayver kung kailan magtatapos ang kontrata niya sa ABS-CBN, wala siyang maibigay na impormasyon dahil wala raw siyang alam.
May balitang intresado raw sa kanya ang TV5. Sa narinig, nagpakita agad ng reaksiyon si Rayver na hindi niya gustong lisanin ang ABS-CBN.
"Kasi ever since, dito na ako, e," paliwanag niya.
Hindi ba niya susundan ang kapatid niyang si Rodjun Cruz sa TV5?
"Mas maganda na sigurong hiwalay kami," sagot ni Rayver.
Si Cristine ba ang dahilan kung bakit wala siyang balak umalis sa bakuran ng Kapamilya Network?
Ayon kay Rayver, "Hindi naman...ever since naman dito na ako.
"Sila [ABS-CBN] ang nag-alaga sa akin. Happy naman ako sa mga ibinibigay nila."
Bagama't walang nababalitang bagong TV project si Rayver, nakakasiguro naman siya na mabibigyan ng bagong trabaho.
"Meron 'yan for sure...hindi naman siguro taon.
"Basta, meron 'yan," sabi niya.
Umaasa siyang hindi siya pababayaan ng ABS-CBN.
